Natapos na ang pagtatanong na iyon subalit ang pagtuklas ay nagsisimula pa lang. Hindi pa tuluyang malinis ang pangalan ni Jake, mangyayari lang ito kapag napatunayan nang wala siya sa lugar kung saan nangyari ang krimen.
"Kalaw, balikan mo ang Santa Monica Village, kailangan mahanap na natin ang taong unang nakakita sa bangkay ng biktima," ani Mr. Domingo sa kasamahan habang nakatayo sila sa harap ng istasyon kung saan may mga nakaparadang sasakyan.
"Sige, Domingo," sagot nito
"Wala na ba talagang pag-asang ma-review natin ang CCTV sa village na 'yon?" Medyo salubong ang kilay ni Mr. Domingo. Nabigo kasi silang makuha ang kopya ng CCTV footage kagabi dahil sira daw ang mga iyon.
"Sira talaga ang CCTV sa parking lot, mukhang tagilid na tayo ro'n," ani Kalaw.
"Okay ganito, subukan mong makakuha ng kopya ng CCTV footage doon sa entrance, may nakita akong CCTV sa gate na 'yon, sana naman gumagana 'yon," ani Mr. Domingo.
Tumango lang sa kanya si Kalaw. Sumakay na ito sa motorsiklo nito at saka agad na umalis.
"Mendes, nasa iyo na ang address kung saan mo matatagpuan ang kinaroroonan ni Jenny Manawag. Ikaw na ang bahala diyan, alamin mo rin ang family background niya. Mamaya ko rin babasahin ang kay Jonalyn Alcantara." Tumango sa kanya si Mendes.
"Hoy, sigurado ka ba rito sa address na binigay mo?" Biglang tanong ni Mendes kay Jake na kanina pa tahimik.
"Oo, sigurado ako," tugon nito.
"Sige. Mauna na ako. Tatawag na lang ako kapag may update," ani Mendes sa kanilang tatlo at saka sumakay na rin sa isa pang motorsiklo.
"Sa Melodream tayong tatlo," ani Mr. Domingo kay Careon at Jake.
Sumakay na sila sa isang kotseng itim ni Detective Careon. Napapabuntong-hininga na lang si Jake habang nakasandal ang ulo sa bintana ng kotse. Ngayon lang lubusang nagsi-sink in sa utak niya ang sinapit ni Jona. Bigla siyang nahabag sa dalaga. Napag-isip-isip lang niya na mabuti na lang at hindi niya tinuloy ang balak niyang pagpunta kay Jona kagabi. Dahil kapag nangyari iyon, paniguradong siya na talaga ang ituturing na salarin. Ewan niya rin kung bakit tila may pumigil sa kanya kagabi, basta noong matapos niyang itapon ang maskara ay bigla niyang naisipan na umuwi na lang.
"Siguradong magagalit ang tatay mo kapag nalaman niyang nasasangkot ka rito." Napatingin si Jake sa nagmamanehong si Mr. Careon.
"Pero huwag ka mag-alala, hindi pa naman ito nakakarating sa media," paniniguro ni Mr. Domingo.
"Hindi ko alam kung anong mangyayari sa 'kin kapag nadungisan na naman ang gintong pangalan ng daddy ko, baka mawalan na ko ng pamilya," malamya niyang sagot.
"Kailangan mo lang naman mapatunayan na inosente ka, pagkatapos no'n, wala nang problema," ani Mr. Careon.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay isang mahabang katahimikan ang bumalot sa kanila. Pinagpatuloy nila ang pagbiyahe patungo sa kanilang paroroonan. Mabuti na lang din at hindi pa gaano ka-traffic nang umalis sila sa istasyon kaya ilang minuto lang ang nakalipas ay nakarating na rin sila.
"Domingo, mukhang sarado, tanghali pa lang kasi," sabi ni Careon nang makababa sila at nasa harapan na ng Melodream Bar.
"Tanungin natin 'yong guard kung nandiyan sa loob si Primo," tugon ni Mr. Domingo.
Si Primo na tinutukoy nito ay ang kakilala niyang may-ari ng nasabing bar.
Lumapit sila sa isang matangkad at maskuladong lalaki na nasa gilid ng entrance. Naka-shades ito at nakatingin sa kanilang tatlo.