Ala-una na nang madaling-araw nang makarating ang lima sa condo unit ni Jake. Dito nila napagpasyahan na pag-usapan ang nangyari kanina tutal ito ang mas malapit.
Nakaupo lang ang tatlong babae sa malambot na kama habang nakatayo lang si Jake at Hans sa harap ng mga ito.
Isinalaysay na ni Jake ang lahat ng detalye. Naguguluhan man sila ay kapwa naman nila nararamdaman ang takot at kabang nanunuot sa kanilang damdamin. Lalong-lalo na si Rayne na hanggang ngayon ay takot na takot pa rin, nangangamba, nababahalang baka hindi lang ito ang huling pagkakataon na mangyayari iyon.
"Brad, ano nang plano mo?" tanong ni Hans kay Jake.
"Hindi ko alam. Gulong-gulo na rin ako. Pakiramdam ko talaga nakamasid lang siya sa 'kin, binabantayan niya ang bawat galaw ko," sagot nito.
"Sa tingin mo ba, si Jenny talaga ang may pakana nito?" Biglang nagsalita si Maia.
Hindi agad nakasagot si Jake.
"Mabait si Jenny, hindi man natin siya gano'n ka-close pero naniniwala akong hindi niya magagawang pumatay o magpapatay ng tao. Hindi ko nakikita 'yon sa kanya," wika naman ni Patty habang hinahagod ng kamay ang likod ni Rayne.
"Kung hindi si Jenny, sino? Siya lang ang may matinding galit sa 'kin at saka kay Jona. Nagawa niya nga akong i-blackmail, e," matatag na tugon ni Jake.
"Teka lang, brad." Inakbayan ni Hans si Jake at saka dinala sa likod ng pintuan na malayo nang kaunti sa tatlo.
"Bakit? Ano ba sasabihin mo?" nalilitong tanong nito.
"No'ng mga oras na naganap ang pagtangkang pagpatay sa inyo, nawala si Tyron sa venue, mga isang oras yata. Alam kong alam mo ang sinasabi ko," pabulong nitong sabi kay Jake.
Nilingon muna nila si Maia na siya rin namang nakatingin sa kanila na tila hinuhulaan ang kanilang pinag-uusapan.
"Hans, ayoko ng may butas na impormasyon. Sigurado ka ba sa sinasabi mo?" tanong ni Jake.
"Oo. Nawala nga siya kanina. Bumalik siya ilang minuto bago kayo tumawag sa 'kin, tapos umuwi na rin sabi ni Maia, may emergency daw," paninindigan ni Hans.
Lalong naguluhan si Jake. Unti-unti na tuloy siyang nakukumbinsi ng kaibigan niya. Kung maniniwala siya sa ideyang maaaring si Tyron ang humabol sa kanila kanina, ano na ang magiging papel ng anggulong si Jenny ang pinagmumulan ng lahat ng ito? Litong-lito na siya. Hindi na niya alam kung ano ang iisipin niya at saan siya maniniwala.
^~(^,,^)~^
February 15, 2017 Wednesday 3:12 AM
Matapos ang pagtatalo ay nabuo na rin ang desisyon ni Jenny at Mike na umalis sa apartment na kanilang tinutuluyan. Ang labis na pangamba ang siyang nagtulak sa kanila para lumipat ng panibagong mapagtataguan. Malakas kasi ang paniniwala nilang kaunti na lang ay matutunton na sila ng mga naghahanap sa kanila. Lalo pa't sa ngayon ay nakatanggap sila ng isang mensaheng maituturing na banta mula sa facebook account ni Jona. Batid nilang walang ibang maaaring gumawa no'n kundi ang pamilya lamang ng dalaga. Kaya ngayon, wala silang ibang magawa kundi ang humanap ng butas na malulusutan makaiwas lamang. Kung may tiwala lang sana sa ka-pulisan si Jenny edi sana ay hindi sila nagtatago ngayon. Hindi naman siya bobo para hindi malaman ang mga nangyayari ngayon sa lipunan, pinapatay ang kahit sino basta may perang nakalagay sa ulo. At iyon ang ikinatatakot ni Jenny, nangangamba siyang sa kanilang paglutang ay mapunta sila sa grupo ng mga pulis na walang awa kung pumatay, inosente ka man o hindi.
Sa mga sandaling ito, magkasamang naglalakad sa gilid ng kalye si Jenny at Mike dala ang piling gamit na isinilid pa sa malaking backpack. Madaling araw na kaya naman hirap na rin silang makahanap ng masasakyan.
Palinga-linga pa silang dalawa sa likuran habang tinatahak ang kalye sa ilalim ng nagbabadyang mga ulap.
Wala na rin silang nakikitang tao sa paligid. Tanging mga pasahero na lamang sa mga sasakyan ang nakikita nilang dumaraan.
Sa ilang minuto nilang paglalakad ay nakaramdam na rin sila ng pagod. Kapwa na lang sila napaupo sa gilid at saka dahan-dahang hinahabol ang paghinga.
"Baka naman paranoid ka lang, Babe," sabi ni Mike sabay punas ng pawis sa bandang noo.
"Puwede ba? Huwag ka ngang tanga. Sa tingin mo? Sino ang nag-pm sa 'kin?" naiinis na tugon ni Jenny.
"E, saan na naman tayo pupunta ngayon? Baka mamaya n'yan may makakilala sa atin dito, e."
"Kahit saan, basta ligtas tayo," sagot nito at muling tumayo at naunang naglakad.
Sumunod naman dito si Mike.
Malapit nang pumatak ang alas-kuwatro pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makatagpo ng maaaring pagkublihan. Lakad lang nang lakad. Hanggang sa maramdaman na lang nilang pumapatak na pala ang ulan. Dali-dali silang tumakbo sa ilalim ng tulay para sumilong.
Madilim, mabaho at maraming lamok. Iyan ang eksaktong maglalarawan sa kinalalagyan nila ngayon.
Niyakap na lang ni Mike si Jenny nang mapansing nilalamig ito. Gustuhin mang tumutol ni Jenny ay hindi na rin naman niya ito napigilan. Dahil aminin man niya o hindi, na-miss din naman niya ang yakap ng binata.
Ilang minutong nakayakap sa likod ni Jenny si Mike habang pinanonood ang pagpatak ng ulan na palakas nang palakas. Walang umiimik sa kanila na tila nagpapakiramdaman. Kaya naman, may isang nilalang na nagpasyang basagin ang tamis na namamagitan sa kanila. Mula sa dulong bahagi ng tulay, nagmula ang dahan-dahang palakpak ng kung sino. Hindi iyon narinig ni Jenny at ni Mike noong una dahil sa lakas ng ulan.
Subalit, kapwa napalingon sa likuran ang dalawa nang may marinig silang boteng binasag. Agad na nagrehistro ang pagkulat sa kanila dahil sa pag-aakalang sila lamang ang tao rito.
Pinagmasdan nilang mabuti ang lalaking unti-unting iniluluwa mula sa sulok ng kadiliman. Naaninagan lang nila ang mukha nito nang matamaan ng ilaw mula sa dumaang sasakyan.
Sa halip na makaramdam ng takot, naunang namutawi ang pagtataka sa isip ng dalawa. Sa ganitong oras, hindi nila naisip na may taong may ganitong trip; ang magmaskara sa dilim.
"Sino ka?" naunang tanong ni Mike sa lalaki.
"Kaya kayo nabubuhay ay para bigyang kahulugan ang kamatayan. Tutulungan ko kayong maunawaan ang buhay sa paraang hindi kayo mabubuhay."
Biglang napahawak sa braso ni Mike si Jenny nang mapansing pamilyar ang linyang iyon. Agad na humarang si Mike sa harapan ni Jenny na animo'y ipagtatanggol ang dalaga.
"Hindi kami nakikipagbiruan sa 'yo." Pinilit na lang alisin ni Mike ang kaba.
"Hindi sa lahat ng oras ay masarap ang lasa kapag pinaghahalo ang kape at gatas." Bahagya nang napaatras ang dalawa sa ikinikilos ng lalaki.
"A-ano bang sinasabi mo?" tanong ni Mike.
Hindi makapagsalita si Jenny. Nakadagdag sa kaba niya ay ang mala-misteryosong pananalita ng nasa harap nila ngayon.
"Kaya hindi ko hahayaang mahaluan ng romansa ang kuwento ng misteryong nais kong iguhit sa kapalaran ninyo. Ihiwalay natin ang kape sa gatas. Dapat mapait lang. Walang tamis."
