"Ano? Hindi naman yata tama 'yon?!" Napalakas ang tinig ni Lia nang malaman ang naging desisyon ni Chief Lagman kaugnay sa kasong hawak ng grupo ni Mr. Domingo.
"Hindi ko rin nagustuhan 'yon, kaya hindi ako makapapayag na wala akong gawin," tugon ni Mendes sa kabilang linya.
"Bakit kailangan niya pang ipasa sa ibang istasyon? Meron naman dito sa sarili niyang istasyon, e. Isa pa, sa Manila nangyari ang krimen tapos ibibigay niya sa Caloocan?"
"Iyon din ang kinasasama ng loob ko, pero basta, hindi ako mananahimik, gagawa ako ng paraan, para kina Domingo." Narinig na lang ni Lia ang pagbuntong-hininga ni Mendes sa kabilang linya. "sige na, magpapahinga muna ako, balitaan mo na lang ako diyan, Lia."
"Sige, magpagaling ka," sabi ni Lia at saka pinindot ang end call.
Tumayo siya sa mahabang upuan na nakalagay sa gilid ng hallway ng kanilang istasyon. Naglakad siya patungo sa kanilang section at pagpasok niya roon ay naabutan niya sina Mr. Morales. Nakaupo at tulala ang mga ito na tila malalim ang mga iniisip. Naistorbo lang ang mga ito nang mapansin siyang palapit sa kanilang cubicle.
"Lia..." tawag ni Mr. Morales sabay hawak sa kamay niya.
Agad niyang inalis ang pagkakahawak ni Mr. Morales at pinukulan ito nang matalim na tingin.
"Huwag mo kong hawakan!" galit na tugon ni Lia.
Hindi na ito ikinabigla ni Mr. Morales, batid niyang ganito ang magiging reaksyon ng dalaga lalo pa't nararamdaman niyang siya ang pinagbibintangan nito.
"Lia, alam kong ako ang pinaghihinalaan mo sa nangyari kina Domingo... pero... Lia, hindi ko 'yon magagawa. Oo, malaki ang inggit ko sa kanya, pero hindi ko kayang pumatay ng kapwa ko detective, maniwala ka sa 'kin!"
Tiningnan ni Lia si Mr. Morales mula ulo hanggang paa. Maging ang mga kasamahan nila ay sinulyapan din nito.
"Talaga? Bakit ka defensive? Tsaka, bakit mo alam na ikaw ang pinagbibintangan ko? May ginawa ka ba?" sarkastikong buwelta ng dalaga.
"Wala nga akong ginawa! Mamamatay tao na ba ang tingin mo sa 'kin, Lia?" Biglang sinipa ni Mr. Morales ang upuan niya sa sobrang inis.
"Mapapatunayan ko rin 'yon..."
Natuon ang atensyon ng dalaga nang lumapit sa kanya ang isa pa nilang kagrupo na si Reyes. Nakapamulsa pa ito at kampanteng humarap sa kanya.
"Mga detective tayo, alam mo kung ano ang isa sa mga pinakaimportanteng bagay ang dapat meron ka pagdating sa pagbibintang..." Pinasadahan pa nito ang mga kasamahan at muling ibinalik ang titig sa dalaga. "ebidensya," dugtong nito.
"Maghintay lang kayo." Nginisian lang ni Lia ang sinabi ni Reyes.
Hindi na siya nagsayang ng oras kina Mr. Morales, matapos niyang iligpit ang mga gamit sa kanyang table ay naglakad na rin siya paalis. Pero bago siya makalabas ng kanilang section ay napahinto siya sa cubicle nila Mr. Domingo. Tila biglang may kumurot sa damdamin niya. Parang kagabi lang ay naririnig niya pa ang boses ng mga kalalakihang tuwing umaga na lang ay binabati siya. Ang bilis ng pangyayari, sa isang iglap lang, nagbago ang lahat. Kung alam niya lang na madudukot ang mga ito, pinigilan na sana niya si Mr. Domingo.
---***---
"Paano na 'to?"
Napapailing na lang si Jake sa balitang inihatid sa kanya ni Hans. Naibato niya pa ang unan sa kanyang kama sa sobrang inis.
"Bali-balita ko nga, nakamaskara din 'yong tumambang sa kanila," sabi ni Hans sa harapan ni Jake.
"Nakamaskara?"