"Patingin ako ng ilalim ng sapatos mo," sabi ni Mendes kay Morales na naging dahilan para mas lalo itong mainis.
"Ano ba kasing kailangan mo sa sapatos ko? Anong foot print ang sinasabi?!" Tumayo si Morales at humarap kay Mendes, pinapakita lang nito na hindi siya patitinag.
Nagkakatinginan naman ang ibang nasa gilid na animo'y hinuhulaan ang sasabihin ni Mendes.
"May nakita akong foot print sa CR natin, at 'yong foot print na 'yon ay katulad na katulad sa foot print na nakita ko sa crime scene kanina sa Ermita."
Dahil sa sinabi niya, lalo lang nanggalaiti itong si Morales.
"A, so, sinasabi mong 'yong mga foot print na 'yon ay akin? Ako ngayon ang pinagbibintangan mong suspect?" Hindi tanga si Morales, expected niya nang pati si Mendes ay uusisain siya.
"Bakit hindi mo na lang ipakita 'yang ilalim ng sapatos mo para matapos na tayo?" pagpupumilit ni Mendes.
"Mendes, nauunawaan namin ang pinagdaraanan ninyo sa pagkawala nila Domingo, pero hinay-hinay lang sa pagbibintang, baka magkaproblema kayo diyan," biglang sabat ni Reyes.
Ngunit, hindi talaga papipigil itong si Mendes sa nais niyang malaman.
"Kung 'yong foot print na nasa crime scene ay nauna ko nang nakita rito sa istasyon natin, ibig-sabihin lang no'n ay nakapasok o nakakapasok na ang suspect dito, at sino lang ba ang nandito na masama ang budhi?" buwelta niya.
Wala siyang ibang puwedeng paghinalaan sa loob ng istasyon nila. Si Morales lang.
"Sosmaryosep! De puta! Ako na ang pinagbibintangan n'yo sa pananambang sa inyo tapos itong kaso na hawak n'yo ako rin ang pagbibintangan n'yo? Ano bang nangyayari sa inyo? Nababaliw na ba kayo? Puta, baka kapag pinasabog ang EDSA ako rin ang ituro n'yo!" Sinigawan ni Morales si Mendes nang harapan. Pabiro ang pagkakasabi nito pero pang-iinsulto ang mensaheng ipinahihiwatig.
"Kung talagang wala kang kinalaman, patingin ng ilalim ng sapatos mo," ani Mendes.
Sandaling nagbasahan ng iniisip si Morales at si Reyes.
"O, 'yan. Tingnan mo!" sabi ni Morales pagkatapos hubarin ang kaliwang pares ng kanyang sapatos.
Pinagkumpara ni Mendes ang disenyo ng suwelas sa sapatos ni Morales at ang foot print na nasa larawang nakuha niya. Napasalubong ang kilay niya nang mapagtanong malaki ang pagkakaiba nito. Mas maraming guhit ang nasa larawan kumpara sa sapatos na gamit ngayon ni Morales.
Lumapit si Lia kay Mendes upang makiusisa rin. Pero ilang saglit lang ay mabilis nang inagaw ni Morales ang sapatos niya at saka muling isinuot.
"Ano? Pareho ba?" maangas na tanong nito.
"Mendes?" ani Lia kay Mendes na sandaling napatulala sa sahig.
Nakaramdam siya ng pagkapahiya. Kalaunan ay muli niyang naibalik ang paninindigan at saka matatag na tumingin sa kaharap.
"Mga detective tayo. Kung kaya nating lutasin ang kaso, kaya rin nating lusutan ito. Not now, Morales... soon." Nagpakita pa siya ng isang makahulugang ngiti.
Napalunok ng laway si Morales sa kanyang narinig, hindi dahil natatakot siya kundi dahil sa pagkamangha sa paninidigan ni Mendes.
"Alam mo, Mendes. Asikasuhin mo na lang 'yang sugat mo kaysa sa walang kakwenta-kwentang pag-aakusa mo," ani Reyes sabay balik sa kinauupuan.
"Samahan na kita sa clinic, kanina pa nadugo 'yan," ani Lia kay Mendes.
Bago lisanin ang kanilang section ay nagbitaw muna si Morales ng mga kataga. Katagang nagpakilala sa kanila ng konsensya.