Chapter 49

603 43 30
                                    


"Parang hindi naman ako nalalasing dito?" pagrereklamo ni Hans matapos lagukin ang wine.

"E, hindi naman 'yan katulad ng mga iniinom natin," sagot ni Jake.

Nakaupo sila sa sahig ngayon at nakapalibot. Tig-iisa silang baso habang nasa gitna ang bote ng wine at pati na rin ang kanilang pulutan.

Halos kalahati na lang ang natitira sa iniinom nila subait tila wala naman itong talab kay Hans at Jake. Hindi katulad nina Rayne at Patty na ngayon ay namumula na ang mukha.

"Patty, lasing ka na?" tanong ni Hans sa dalaga na katabi lang din niya.

"Hindi," sagot nito sabay iling.

"Miss ko na si Maia," sabi naman ni Rayne at pilit na ngumiti.

"Ako rin," dagdag pa ni Patty.

Sandaling napahinto ang lahat. Napatulala sa mga direksyon kung saan sila nakatingin. Hindi naman masisisi ni Hans kung bakit ganito ang dalawang babae. Tres Marias na ang turingan ng mga dalaga sa isa't isa kaya labis silang naaapektuhan sa mapait na nangyari kay Maia. Pero, ang masakit, kahit gaano pa sila malugmok, hindi na maibabalik pa ang lahat. Mananatili nang alaala mga masasayang nakalipas.

"Hindi siya matutuwa kapag nalaman niyang nalulungkot kayo," ani Hans.

"Bakit ikaw? 'Di ka ba nalulungkot?" Tinitigan ni Patty si Hans sa mga mata.

"Siyempre nalulungkot ako, pero kasi, kailangan ko rin maging maayos, hindi puwedeng magpalamon ako sa emosyon, marami pa tayong problema kaya dapat nakakapag-isip tayo nang maayos."

"Tama si Hans. Girls, magpakatatag lang kayo. Kailangan n'yong lumaban para sa hustisya ni Maia, para na rin sa iba pa nating kaibigan," dugtong ni Jake.

Hindi nagsalita si Rayne at Patty. Tahimik lang ang mga ito habang nakatitig sa bote ng wine.

"Psh! Erase muna, erase! Mag-spin the bottle na lang tayo para masaya," pag-aaya ni Hans na ginanahan pa ang pagkakasabi para ibalik ang magaang awra sa kanila.

"S-sige?" napipilitang sagot ni Jake.

Agad na tumayo si Hans sa kinauupuan at nagtungo sa kusina para maghanap ng bote. Kinuha niya ang bote ng softdrinks na nakapatong sa lamesa at dali-daling bumalik sa mga kaibigan. Desidido talaga si Hans na burahin ang lungkot sa gabing ito. Gusto niyang kahit ngayon lang ay maramdaman nilang muli ang saya. Isa pa, mayroon siyang pinakadahilan at iyon ay ang muling makitang nakangiti si Patty. Ilang araw na kasi niyang hindi nasisilayan iyon, kung makikita man niya itong nakangiti ay alam naman niyang pinilit lang nito.

Apektado siya sa nararamdaman ni Patty na tila magkadugtong ang kanilang mga ugat. Pero bakit nga ba? Ano bang meron at bakit tila sobra ang pag-aalala niya sa dalaga?

"Truth or dare tayo, ano?" tanong ni Hans habang hawak ang bote. Walang nagsalita kina Rayne at Patty, tinanguan naman siya ni Jake.

Inalis ni Hans ang pulutan at wine sa gitna nila at ipinalit ang bote ng softdrinks. Pinahiga niya ito sa sahig at akmang paiikutin na sabay tingin sa tatlo.

"Ayaw n'yo ba? Paiikutin ko na 'to."

"Just do it," sabi ni Jake.

Pinaikot na nga ni Hans ang bote. Pinanood lang nila ito habang hinihintay kung sino ang matatapatan at kung sino ang unang sasalang. Dahil hindi naman gano'n kabilis ang pagpapaikot na ginawa ni Hans ay huminto na rin ang bote. Tumutok ang puwetan ng bote kay Jake at ang nguso naman ay kay Hans. Dahil doon, awtomatikong napakamot si Hans sa kanyang batok.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon