Chapter 12

881 53 11
                                    


February 8, 2017 8:53 AM Wednesday

Sinubukan ulit ni Rayne na tawagan ang binatang si Jake subalit wala talaga. Hindi niya ito ma-contact. Kailangan niyang maipalam dito ang nalaman niya. Kailangan niyang sabihin dito ang tungkol sa nangyari kay Jona.

Natataranta siya. Hindi niya alam kung bakit tila apektadong-apektado siya sa pagmakatay ni Jona. Kahit pa ayaw niya roon, hindi pa rin niya maiwasang malungkot. Hindi sila close, pero kapag iniisip niya ang sinapit nito sa kamay ng hindi pa nakikilalang salarin, nakararamdam siya ng pagkahinayang.

"Rayne, si Jona raw pinatay." Iyan ang text message na natanggap niya mula sa dati rin nilang kaklase na si Kat. Hindi siya naniwala noong una, pero noong makumpirma niya ito sa iba pa nilang kakilala, doon niya napatunayan na totoo nga. Wala na si Jona. Patay na ang karibal niyang malandi.

Hindi siya mapakali sa kusina. Bakit kaya ngayon lang siya nakokonsensya sa panghuhusga niya kay Jona kung kailan patay na ito? Gano'n nga siguro ang buhay, kapag wala na ang isang tao, doon mo lang lubos na malalaman ang halaga niya.

"Ate? Ayos ka lang?" Napalingon siya sa lalaking nasa tabi ng refrigirator, hindi na niya ito napansin sa sobrang pag-iisip niya.

"Oo," pagkakaila niya sa kapatid na si Marco.

"Namumutla ka, e. May sakit ka ba?"

"W-wala," aniya.

Kumuha ng tubig si Marco para painumin si Rayne.

"Uminom ka nga muna," alok nito. Lumagok si Rayne nang isang beses.

"Salamat," ani Rayne.

"Ano pagkain natin, ate?" Nagtatanggal pa ng muta si Marco at saka umupo sa harap ni Rayne.

"B-baboy," tugon niya. Tiningnan naman siya ni Marco na tila sinusuri ang mukha niya.

"Ano bang problema mo? Sigurado ka bang okay ka lang?" nag-aalalang tanong ng kapatid niya.

Huminga siya nang malalim.

"E, kasi, 'yong kaklase namin no'ng senior high..." Tumayo siya at sandaling tumalikod kay Marco.

"O, ano?"

"Pinatay siya kagabi. Siya 'yong sinasabi ko sa inyo na nililigawan ng gusto ko," aniya na nangangambang hinarap ang kapatid.

"Iyong malandi?"

"Oo, Marco, nakokonsensya ako sa mga sinasabi ko sa kanya, sa mga panghuhusga ko."

"Alam na ba 'yan no'ng crush mo? Tsaka teka, totoo ba 'yan? Baka naman trip lang 'yan, tapos grabe ka maka-react diyan."

"Totoo nga. Nag-send sa 'kin ang iba pa naming school mate ng picture ni Jona no'ng mga sandaling pinatay siya," saad niya.

"Kawawa naman pala siya," ani Marco.

Napabuntong-hininga na lang si Rayne. Ano pa nga ba ang magagawa niya? Kahit makonsensya siya nang ilang beses, wala rin namang magbabago. Patay na si Jona. Nangyari na ang noo'y pinapanalangin lang niya.

^~(^,,^)~^

Pauwi ngayon si Jake sa bahay nila sa Sampaloc Manila. Mula nang magdesisyon siyang kumuha ng condo unit ay minsan na lang siya mapadpad dito. Miss na niya ang mga magulang niya kahit mukha namang walang pakialam sa kanya ang amang si Rojelio. Strict at perfectionist ang ama niya. At dahil lumaki siyang nakadepende sa titulo ng ama niya ay mukhang naligaw siya ng landas. Hindi nga siya gumagamit ng droga, pero sakit naman ng ulo ang idinulot niya sa pamilya Tolentino.

Mula nang tumuntong kasi siya sa kolehiyo, sunod-sunod na ang problemang naibigay niya sa kanyang mga magulang. Ilang beses siyang napapaaway sa Azrovin Academy, may pagkakataon pa ngang pinakulong siya ng isa sa mga nanay ng nakaalitan niya. Kilala siyang tigasin sa paaralan nila, at kung sino mang pumalag, hindi siya nagdadalawang isip na banggain ito.

Ngunit, nag-iba ang ihip ng hangin. Nakahanap siya ng katapat. Kalaban na hindi katulad ng mga karaniwang nakakasagupa niya. Isa pa, hindi ito lalaki kundi babae. Siya si Santa. Ang babaeng nagpaamo sa noo'y mabangis na si Jake.

Marahan niyang kinabig ang manobela paliko sa kanto ng subdivision. Malayo pa lang ay natanaw na niya ang kulay asul na gate ng kanilang magarang bahay. Nagsimulang gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi, ganito palagi ang nararamdaman niya sa tuwing pupunta siya rito. Aminado naman siya na isa siyang tarantadong anak. Sabi nga ng iba nilang kamag-anak, siya ang sumpa sa angkan ng mga Tolentino, siya lang kasi ang barumbado at tila walang modo. Subalit, gano'n pa man, mahal na mahal niya naman ang mga magulang niya. Ginagawa naman niya ang makakaya niya upang maging mabuting anak sa mga ito, sinusubukan niyang umiwas sa gulo pero sadyang ito ang lumalapit sa kanya. Ewan niya rin, hindi niya mapigilan ang sarili niya.

Sa ilang sandali pa ay nakarating na rin siya. Maingat niyang pinarada ang White Toyota Vios niya sa gilid ng gate nila. Hindi na niya tinangka pang ipasok sa loob ang kotse dahil batid niyang nakaparada roon ang kotse ng Daddy niya. Kabisado niya kasi ang schedule ng kanyang ama, maaga pa para umalis ito kaya nasisiguro niyang naghahanda pa lang ito sa pag-alis.

Pagbaba niya sa kotse, may tatlong lalaki na agad ang biglang lumapit sa kanya. Nakapang-unipormeng pulis ang dalawa at ang isang bukod tanging naiiba naman ay nakamaong na pantalon at nakakulay itim na jacket.

"Mukhang sakto ang dating natin," sabi ng isang pulis.

Nabigla si Jake sa tatlo. Napahinto siya sa harap ng kotse niya at hinintay ang sasabihin ng mga ito.

"Ikaw ba si Jake Telentino?" tanong ng lalaking naiiba.

"Oo, bakit? Anong kailangan n'yo sa 'kin?" nagtatakang tanong niya.

"Ako si Detective Bryan Domingo ng Manila Police Station Homicide Division, hindi ka namin inaaresto, nais ka lang naming imbitahan para sa imbistigasyon tungkol sa pagpatay kay Jonalyn Thera Alcantara, kung manlalaban ka o magpupumilit na tumakas, mapipilitan kaming arestuhin ka at ipagpalagay na ikaw nga ang totoong salarin, kaya mas mainam na sumama ka sa amin nang mapayapa," matatag na sabi ni Mr. Domingo.

Hindi maipinta ang mukha ni Jake dahil sa sinabi ng kaharap niya.

"A-anong pinagsasabi n'yo? Anong pagpatay kay Jonalyn? Hindi ko kayo maintindihan!" Umatras nang kaunti si Jake.

"February 7, 2017 10:26 PM sa parking lot ng Santa Monica Village natagpuang patay ang biktima, isa ka sa iniimbistigahan namin. May hawak na kaming ebidensya laban sa 'yo, subalit kailangan pa rin naming marinig ang mga sasabihin mo para kumpletuhin ang mga detalyeng maaaring makapagpasingaw kung ikaw nga ba o hindi ang pumatay kay Jonalyn Thera Alcantara," paliwanag ni Mr. Domingo.

"Bakit ko naman papatayin si Jona? Teka! Hindi ko ginawa 'yon! Anong trip n'yo?!"

"May karapatan kang kumuha ng abogado," patuloy ni Mr. Domingo at saka sinenyasan ang dalawang pulis.

"Hindi nga ako 'yon!" pagmamatigas ni Jake.

Natataranta na si Jake sa nangyayari. Ilang araw lang siyang hindi nagparamdam tapos ngayon, ito ang sasalubong sa kanya.

"Sumama ka na lang at doon mo sabihin lahat ng gusto mong sabihin," ani Mr. Domingo.

Tutol siya sa sinasabi ng mga ito. Hindi maaari! Hindi siya puwedeng makulong. Kapag nalaman ito ng pamilya niya lalong-lalo na ang kanyang ama, siguradong itatakwil na siya nito. Hindi siya makapapayag!

Wala nang nagawa pa si Jake kundi ang hayaan ang mga pulis na bitbitin siya patungo sa istasyon. Mas mainam na rin siguro iyon, ayaw niyang maabutan pa sila ng kanyang ama sa labas ng gate na nagtatalo dahil malalaman nito ang kasong iniuugnay sa kanya.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon