Malalim na ang gabi nang magsiuwian ang magbabarkada galing sa burulan. Pero hindi nila kasabay si Jake. Nauna itong umalis dahil sa nangyaring gulo kanina.
Magkasama naman ngayon si Tyron at Maia sa loob ng kotse habang tinatahak ang kalsada patungo sa bahay ng dalaga.
Tahimik lang si Maia at nakatingin sa labas ng bintana. Ni hindi niya nga napapansin ang minsang pagsulyap sa kanya ng kanyang nobyo.
Walang ano-ano'y naalala niya ang kanyang nakita kanina. Sa wakas, nilingon na niya si Tyron na abala sa pagmamaneho. Pagkatapos ay itinuon naman niya ang tingin sa drawer na kinalalagyan ng pulang laso.
Maingat niyang binuksan iyon para hindi maabala si Tyron. Subalit, bago pa man niya iyon tuluyang mabuksan, hinawakan na siya ni Tyron sa kamay.
Para kay Tyron ay isang simpleng paghawak lang iyon pero para kay Maia, paraan iyon para pigilan siyang makita ang nasa loob.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nailang si Maia. Tila ba hindi niya kilala ang nobyo niya sa mga oras na ito at kailangan niya pa talagang kabahan.
"Bakit?" tanong ni Tyron habang nakahawak sa kamay niya.
"A, ano. Gutom na ko, baka may pagkain dito," pagdadahilan niya.
Isang malapad na ngiti ang pinakita ng binata. Hindi ito ang unang beses na nakita ni Maia ang ngiting iyon, subalit pakiramdam niya ay may kakaiba talaga. Hindi na siya mapakali. Nagtatalo ang kalooban niya kung dapat niya bang suklian din ng ngiti si Tyron.
Pero kalahati ng utak niya ang nagsasabing hindi siya dapat mabahala. Wala siyang dapat ikatakot at hindi niya na kailangan pang isipin ang mga nasabi ni Jake.
Batid niya naman na mabuting tao si Tyron. Hindi pa man sila umaabot nang isang buwan subalit may alam na rin naman siya sa pagkatao ng kanyang nobyo. Nagsisisi siya kung bakit nagpaka-easy to get siya. Nagkakaroon tuloy siya ng pag-aalinlangan. Gaano niya nga ba talaga kilala ang lalaking minamahal niya ngayon?
"Ayon! Sakto!" Napadako ang tingin ni Maia sa itinuro ni Tyron sa labas.
"Bili ka muna," sabi ni Maia sa nobyo.
Tumango lang si Tyron sa kanya at nang makalapit sa 7/11 ay marahan nitong ipinarada ang sasakyan sa gilid.
"Ayaw mo ba sumama para makapili ka ng kakainin mo?" tanong nito.
"Hindi na. Tinatamad ako maglakad. Wait na lang kita rito." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay unti-unting inilapit ni Tyron ang mukha sa kanya at saka humalik.
Magkahalong saya at lungkot ang biglang namayani sa kalooban niya. Sweet na lalaki si Tyron subalit bakit niya nagagawang pagdudahan ito. Hindi niya alam. Napa-paranoid na siya.
Sinusubukan niyang mapanatag. Sinusubukan niyang huwag isipin ang mga bagay na iyon. Subalit tila may bumubulong sa kanya at paulit-ulit na sinasabi ang lahat ng detalyeng maaaring konektado sa nobyo niya.
Matangkad ang killer. Noong mga sandaling nalagay sa panganib ang buhay ni Jake at Rayne ay ang mga sandaling nawawala si Tyron sa tabi niya. Idagdag pa ang dahilang bitter ang binata kay Jona at ang kontrobersyal na narinig ni Jake sa labas ng burulan. Sa totoo niyan, kahapon pa siya ginugulo ng mga kaisipang ito. Ngayon niya lamang binigyang pansin nang ito'y madagdagan.
Saka lamang siya nakabalik sa katinuan nang mapansing papasok na si Tyron sa loob ng 7/11.
Muli niyang pinagbalingan ang drawer. Napapalunok pa siya na tila nagdadalawang isip na alamin kung ano ang nasa loob.
"Sana mali ako ng iniisip," bulong niya sa sarili.
Dahan-dahan niyang binuksan ang drawer. Hindi nagtagal ay nakita na rin niya ang nasa loob. Kinalkal niya. Hinanap niya ang pulang laso kanina. Subalit, wala na siyang nakita kundi ang mga papel at mga resibo na lang.
"Nasaan na 'yon?" Hinanap niya pa sa sahig ng kotse sa pag-aakalang nalaglag lamang pero, wala na talaga.
Tiningnan niya rin sa back seat, sa ilalim, sa gilid at sa mga sulok-sulok.
"Paano nawala 'yon?"
Muli niyang binalikan ang tagpo kanina bago sila umalis. Iniwan niyang bukas ang drawer nang magpaalam siya kina Hans, pagbalik niya ay nakasarado na iyon.
Maghahalungkat pa sana si Maia nang dumating na si Tyron dala ang dalawang plastic. Patay-malisya siyang umupo nang maayos at kunwari ay may tinitingnan sa cellphone.
"Tadaaa!" Iniabot sa kanya ng binata ang isang supot.
Para hindi makahalata ang nobyo ay agad niyang kinuha ang hotdog na nakalagay sa tinapay. Dali-dali niya iyong kinagat na tila isang tigreng gutom.
"Woah, gutom ka talaga?" Nabigla man si Tyron, napangiti na lang siya habang pinagmamasdang kumakain ang dalaga. Mukha siyang patay-gutom, sinadya niya ito para dito matuon ang pansin ng binata. Nakalimutan niya pa ngang isarado ang drawer.
---***---
Bubuksan na sana ni Rayne ang kanilang gate nang may tumawag sa kanya. Napalingon siya sa bintana kung saan nakadungaw ang isang lalaking nakaitim.
"Ginabi ka na naman," sabi ni Dom habang nakasandal ang ulo sa gilid ng bintana.
Tiningala niya ang binata at saka nagsalita.
"Galing ako sa burol ng kaibigan namin."
"Kawawa naman sila." Ito na naman si Dom. Nagiging wirdo na naman sa mga sinasabi na sapat nang dahilan para magtaka si Rayne.
"B-bakit mo alam?"
Napabuga ng hangin si Dom sa tanong na iyon. Natatawa na parang hindi.
"Hindi ko alam. Nararamdaman ko lang sa kilos at awra mo."
Tumango na lang si Rayne. Hindi iyon pagsang-ayon. Ginawa niya iyon upang hindi na pahabain pa ang pag-uusap nilang dalawa. Pagod na rin kasi siya, isa pa, ayaw niyang kausapin si Dom ngayon sa ganitong oras. Kinikilabutan kasi siya.
"Bukas ng hapon, punta ka sa park, may ibibigay ako sa 'yo, Rayne."
Hindi na nakatugon ang dalaga nang isara na ni Dom ang bintana nito. Ito ang unang pagkakataon na nakita ni Rayne na nagsara ng bintana ang lalaking iyon. Dati-rati, kahit nga umuulan o bumabagyo ay nakabukas lang iyon.
Napailing na lang si Rayne. Saka na niya muna iisipin ang pinagsasabi ng binatang wirdo. Ayaw niya munang dagdagan ang mga nasa utak niya, ang mga nangyaring mas pinili niyang sarilihin na lamang kaysa sabihin pa sa iba.
