Isang matalim na tingin ang unang natanggap ng magkapatid na Primo at Ria nang humarap sila sa kanilang ama na si Edwardo. Nakayuko lamang sila habang hinihintay ang mga sasabihin ng kanilang ama. Minsan ay nagkakatinginan pa ang dalawa na tila nagsisisihan.
"Whatーthe hell is that?" kalmado subalit bakas sa tinig ni Edwardo ang galit.
Unti-unting inangat ni Primo ang kanyang ulo para tingnan nang diretso ang kanyang ama.
"Ano?! Bakit kayo gumagawa ng gano'ng hakbang nang hindi ko alam?! Dahil sa ginagawa ninyo muntik nang malagay sa alanganin si Patrick at si Chief Lagman! Paano kung may nakaalam ng lihim nila? Paano kung malaman nilang hindi si Patrick ang kanilang nakasama? Anong gagawin n'yo?!" Sinuntok ni Edwardo ang table habang nakatingin sa dalawa nang masama.
"Dad, kasalanan ko ang lahat. Ako po ang may pakana. Wala pong kasalanan si Kuya," pagdadahilan ni Ria.
"Isa ka pa, Maria!!! Alam mong may diperensya itong kuya mo kinukunsinti mo pa!" Napapikit si Ria.
"Dad, sorry. Gusto ko lang naman po libangin ang sarili ko," sabi ni Primo.
"Libangin? Bakit? Pinupunan ko naman 'yang sakit mo, a? Hindi ka pa ba kontento sa mga hayop na binibili ko para sa 'yo? Bakit kailangan mo pang mandamay ng ibang tao para diyan sa lintek na sakit mo?!"
"Bakit, Dad? Masama po bang pumatay ng tao? Hindi ba't alagad tayo ng demonyo? Nakokonsensya po ba kayo?" Biglang naging sarkastiko si Primo.
Napahawak na lang sa kamay ng binata si Ria.
"Pero hindi iyon ang utos ko! Dahil sa ginawa ninyo, inilagay mo sa alanganin ang pag-upo ni Patrick sa posisyon!"
"Puro naman kayo ganyan, e!" napahinto si Edwardo sa pagtaas ng tono ng pananalita ni Primo. Puro kayo, Patrick, Patrick, Patrick! Ako ang anak ninyo! Bakit siya ang pinili ninyo na maging ikalimang supremo?! Bakit?" Naramdaman na ni Ria na umiinit na ang dugo ni Primo kaya naman pumagitna na siya sa dalawa.
"Dahil mas may kakayahan siya na gampanan ang tungkulin ng isang supremo. Ikawー"
"Ano? Ako hindi? Kasi minsan may sayad ako? Kasi minsan hindi ko makontrol ang sarili ko? Edi lumabas din ang totoo na isang siraulo ang tingin mo sa 'kin!!!"
Napalunok ng laway si Edwardo. Tila sinampal siya ng mga sinabi ni Primo.
"Kaya inampon mo siya kasi wala kang aasahan sa sarili mong anak, tama ba, Dad?" Nakangiti ngunit may galit na nakapaloob doon.
"Kuya, tama na." Hinawakan ni Ria si Primo sa dibdib upang paatrasin ito subalit masyado itong matatag sa pagkakatayo.
"Alam ko naman na may problema sa 'kin, Dad. Pinipilit ko namang tanggapin ang katotohanan na hindi talaga ako ang karapat-dapat. Pero, Dad, bakit si Patrick? Bakit? Sana iba na lang," patuloy ni Primo.
Tumingin na lang sa ibang direksyon si Edwardo at mas piniling hindi sagutin ang mga katanungan ng anak.
"Basta. Dahil sa ginawa n'yong panggigipit kay Patrick at Chief Lagman, hindi ko kayo papupuntahin sa paghahandog. That's all."
Naglakad palabas ng silid si Edwardo. Niyakap na lang ni Ria si Primo na ngayon ay unti-unting bumagsak ang mga luha.
"Tanggap ko na, Ria. Pero hindi pa rin ako makapapayag na maging supremo si Patrick. Hindi," bulong ni Primo.
"Ssshhh, nandito ako, okay? Hindi kita pababayaan." Hindi alintana ang pagiging magkapatid, muling hinalikan ni Ria si Primo sa labi. Gumanti rin naman ang binata rito.