Chapter 9

883 61 3
                                    


February 7, 2017 Tuesday 11:34 PM

Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa buong section, wala nang tao sa ibang cubicle dahil nauna nang umuwi. Tanging si Mr. Domingo na lang yata ang naiwan dito.

Matapos makakuha ng impormasyon mula kay Aling Josefa, ang facebook account naman ni Jona ang pagtutuunan ng pansin ng batikang Detective.

Kailangan niyang mahanap mula roon ang lalaking sinasabi ni Aling Josefa; si Jake.

Agad siyang humarap sa computer at nag-log in sa facebook. Mabilis niyang tinipa sa search box ang buong pangalan ng biktima. Wala pang limang segundo, isang Jonalyn Thera Alcantara na ang lumabas na may larawang kamukha ng babaeng nasa crime scene.

"Gotcha," pabulong niyang sabi.

Pinindot niya ang pangalang iyon. Wala siyang nakitang kahit anong post kaya minabuti niyang magtungo na lang sa friendlist nito. Hinanap niya roon ang pangalang Jake, agad naman iyong lumabas nang itipa niya ito sa search friend box.

"Jake Tolentino?" aniya. Nag-iisa lang ang Jake na nakita niya roon.

Hindi na siya nagsayang ng pagkakataon. Ito na, ito na ang makapagtuturo kung saan niya makikita ang binata.

Nagpunta siya sa profile ni Jake, una niyang pinuntirya ay ang location. Naningkit ang mga mata niya nang malaman kung saan ito nakatira.

"Jake Tolentino, taga-Sampaloc Manila? Anak siya ng konsehal, kung gano'n, kaano-ano niya si Konsehal Rojelio Tolentino ng Manila rin?" Kilala niya ang konsehal, nakahalubilo na niya ito noong minsang dumalo siya sa pista ng Maynila.

Maaaring ama o kaya tito ni Jake ang konsehal. Iyan ang naisip niya. Para makasigurado, minabuti niyang magpunta sa family member kung saan nabasa niya nga roon ang ilang kamag-anak nito.

"Mag-ama sila ni Konsehal..." Napasandal pa siya sa upuan.

Kaunti na lang. Ngayong may nakalap na naman siyang bagong impormasyon, alam na niya kung saan hahanapin si Jake.

"Uy! Mag-aalas dose na. Hindi ka pa uuwi?" Naistorbo ang pag-iisip niya nang may isang babaeng nagsalita sa kanyang likuran; si Lia Valdez, ang bukod tanging babaeng detective sa division nila.

"Pauwi na rin ako," tugon niya nang harapin niya ito.

"Ang sipag mo talaga."

"Kilala mo ko. Ayaw ko ng pinatatagal ang mga kasong hinahawakan ko." Tumayo si Mr. Domingo at saka nagsimulang mag-ayos sa table niya.

"O? Uuwi ka na?" tanong ni Lia.

"Oo, alam ko na rin naman kung saan ang location ng subject, at saka wala ka na yatang kasabay kaya sasabayan na kita," sagot niya matapos i-log out ang facebook account.

"Nakakahiya naman, naistorbo pa kita," ani Lia.

Matagal nang magkakilala ang dalawa. At si Lia ang isa sa mga pinagkakatiwalaan ni Mr. Domingo sa division nila. Wala siyang tiwala sa iba, kahit kasi sa trabaho nila, nagkakaroon pa rin ng kompetisyon. May nangyayari pa ring inggitan.

"Okay lang," ani Mr. Domingo.

"Napapansin ko, tuwing dumarating ako, bigla mo tinitigil ang ginagawa mo." Sumandal pa sa dingding ng cubicle ni Mr. Domingo si Lia.

"Tuwing nadating ka kasi, tapos na ako." Isang nanunuksong ngiti ang iginawad niya sa dalaga.

"Kunsabagay," ani Lia na bahagyang natawa.

Kabisado na nila ang isa't isa. Minsan nga ay napagkakamalan na ang dalawa na may relasyon. Marami ang nagsasabi na bagay silang dalawa dahil pareho silang may maipagmamalaki pagdating sa hitsura. Pero para kay Mr. Domingo, ang lahat ng pinapakita niya sa dalaga ay pawang pakikisama bilang isang kaibigan at katrabaho lang. Walang malisya sa kanya ang paminsan-minsang pag-akbay niya at pagkurot sa pisngi ng dalaga.

Lumabas na sila ng istasyon nila. Gamit ang motorsiklo ni Mr. Domingo ay tinahak nila ang daan pauwi.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon