"Ano? Tinatanggap mo ba?" tanong ni Edwardo kay Patrick.
"If I'm not mistaken, Ninong, ang handog ay kailangang kadugo ko?" ani Patrick.
"Yes. That's right," tugon nito habang nakapatong ang mga siko sa table.
Biglang gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Patrick.
"Bakit, Patrick?"
"Pumapayag na po ako, at ang handog ko ay si Bryan," matatag niyang sabi.
Napangisi si Edwardo.
"In-expect ko na talagang siya ang ihahandog mo, kaya naman, hinanda ko na rin ang lahat bago ko pa man ito ibalita sa 'yo. Nang malaman kong hindi pala kasama ang kambal mo sa parents mo sa Australia, pinaimbistigahan ko siya sa mga miyembro nating pulis. Then, gusto ko lang sabihin sa 'yo na isa na siyang kilalang detective sa buong manila."
Ikinagulat iyon ni Patrick subalit mas pinili niyang kumalma kaysa manggigil.
"But don't worry, anumang oras ay walang kahirap-hirap natin siyang makukuha. Nasa Manila Police Station siya nakadestino sa ilalim ni Chief Juanito Lagman na miyembro din natin. So, isang senyas ko lang kay Lagman, nandito na agad ang kambal mo."
"Huwag po muna ngayon, Ninong. Gusto kong paghandaan ang pagkikita namin." Isang makahulugang ngiti ang pinakita ni Patrick. Tinanguan lang siya ni Edwardo.
October 7, 2016 | Wednesday 6:16 PM
Halos dalawang buwang inilihim ni Patrick at Edwardo ang kanilang napag-usapan. Huli na nang sabihin ni Edwardo kay Primo ang nalalapit na pag-upo ni Patrick sa posisyon. At katulad nga ng inaasahan, hindi iyon natanggap ni Primo.
Samantala, kaharap ni Patrick at Chief Lagman si Ria. Wala silang ideya kung bakit sila pinatawag nito. Bilang anak ng punong supremo ay karapat-dapat pa rin nila itong irespeto, bagay na nagtulak sa kanila para paunlakan ang imbitasyon ng dalaga.
"Nabalitaan ko na si Chief Lagman ang nagplano sa nalalapit na pagdukot kay Detective Bryan Domingo," ani Ria na animo'y kaedad niya lang ang mga kausap.
"Tama ka," tugon ni Patrick.
"Alam kong alam mo, Patrick, na tutol si Kuya Primo sa desisyon ni Daddy. Kaya kailangan mong makipag-cooperate sa 'kin." Sumandal pa si Ria sa upuan at saka pinagkrus ang mga braso sa dibdib.
"Anong ibig mong sabihin, Ria?" nalilitong tanong ni Patrick.
"Ayaw kong si Kuya Primo ang maging ikalimang supremo, dahil kapag nangyari 'yon, patay ako. So, gumawa ako ng drama para tuluyan nang baliwalain ni Kuya ang issue sa 'yo."
Nagkatinginan si Patrick at si Chief Lagman.
"Bibigyan ko si Kuya Primo ng isang magandang laro. Pero kailangang n'yo kong tulungan."
"Sandali, hija. Anong laro 'yang sinasabi mo?" ani Chief Lagman.
"May mga tao kaming target ni Kuya, at 'yon ay ang mga dati kong kaklase. Kumbaga sila ang tutustos ng pangaingailangan ni Kuya. Si Kuya Primo ang pating at sila ang kakainin. Ipaparanas natin sa kanya kung ano ang pakiramdam ng pumatay ng tao sa halip na kambing na lang palagi."
Awtomatikong napasalubong ang kilay ni Patrick.
"Are you crazy, Ria? Sa gagawin mong 'yan ay magbabalik lang ang sakit ni Primo. Baka hindi na naman niya makontrol ang sarili niya," pagtutol niya.