Pasado alas-tres na ng madaling-araw subalit dilat pa rin ang mga mata ni Dom. Hawak niya ang folder kung saan nakapaloob ang ilang larawan ni Rayne na matagal na niyang itinatago. Kasama rin dito ang printed ng conversation nila sa facebook at maging ang mga posts at updates ng dalaga sa account nito. Hindi rin niya pinalampas kahit ang mga comments ng mga malalapit na kaibigan ni Rayne na parang araw-araw na lang niyang binabantayan, kaya anumang nangyayari sa buhay ng dalaga ay tila alam niya.
Nakaupo lang siya sa gilid ng kanyang kama habang matalim ang tingin na ipinupukol sa mga larawan. Hindi niya alintana ang araw na lumipas at mas pinili pang magkulong sa loob ng kanyang silid. Ni ang pagkain nang maayos ay hindi niya magawa. Tanging ang tubig lamang ang inilalaman niya sa kanyang tiyan. Nakararamdam na rin siya ng panghihina subalit kapag naiisip niya si Rayne, may kung anong enerhiya ang bumubuhay sa kanyang mga ugat.
Naglakad siya patungo sa harap ng cabinet at binuksan iyon. Kinuha niya mula roon ang isang larawan kung saan makikita ang batang bersyon ng kanyang sarili. Mabilis na nagsarado ang kanyang kaliwang kamao. Sari-saring alaala ang nagbalik nang tanawin niya ang nakaraan sa pamamagitan ng larawang hawak niya ngayon.
"Talunan ka noon, talunan ka pa rin hanggang ngayon."
Humigpit ang pagkakahawak niya sa larawan at makailang sandali lang ay pagalit niya iyong binato sa dingding.
Talunan at mahina ang turing niya sa kanyang sarili. Ang kumpyansa na matagal na niyang hinahangad ay tuluyan nang nabura dahil sa paligid niyang hindi niya alam kung tanggap ba siya o hindi. Kaya lagi niyang pinapaalala kay Lyka na maging malakas sa lahat ng oras at huwag na huwag siyang gagayahin. Pero sa kabila ng kahinaan niya ay may mga oras namang naipagtatanggol niya ang kapatid, subalit sa mga piling pagkakataon lamang, kapag sa babae. Ngunit kapag lalaki na ang umaalipusta kay Lyka, wala siyang ibang nagagawa kundi ang magpayo na lang at magtali ng ribbon sa kamay ng dalaga noong sila ay mga bata paーna hanggang ngayon ay kinahiligan na rin ni Lyka.
"Hindi mo alam ang puwedeng mangyari, Rayne, hindi. Sana Tanggapin ako sa langit sa gagawin ko," bulong niya na natatawa.
Lumabas siya ng kanyang silid at naglakad patungo sa imbakan niya ng mga paintings. Dali-dali niyang hinanap ang isang obra doon na ginawa niya para kay Rayne. Nang makita niya ito ay napaluha na lang siya habang tinititigan ang mukha ng dalaga na perpekto ang pagkakapinta.
"Harapin na natin ang pagtatapos." Gumuhit ang malapad na ngiti ni Dom.
Inilapag niya sa sahig ang painting at saka kumuha ng kulay pulang pintura. Napapahikbi na lang siya habang binubuhusan iyon ng pintura.
Pagtapos niyang takpan ng pulang likido ang paintings ay lumabas na rin siya roon. Bumalik siya sa kanyang silid at binuksan ang bintana para tanawin ang dalaga sa kabilang bahay. Pero nabigo siya. Nakasarado ang bintana ni Rayne. Padabog na lang din niyang isinara ang kanyang bintana at muling umupo sa kama.
---***---
"Hindi ka pa ba matutulog?" tanong ni Rayne kay Jake habang nakaupo sa sahig at nakapikit na nakasandal sa dingding.
"Nakahiga na sa kama ko si Hans at Patty, now tell me saan ako matutulog?" seryosong tugon ni Jake habang nakatanaw sa sliding window.
"Sungit mo pa rin."
Nilingon ni Jake ang dalaga.
"Ikaw? Bakit ba gising ka pa?" tanong naman niya.
"Nakahiga na sa kama mo si Hans, now tell me kung saan ako matutulog," pabirong balik ni Rayne.
Hindi alam ni Jake kung bakit bigla siyang napangiti sa sagot nito kahit alam naman niyang pinipilosopo lang naman siya.
"Gigisingin ko si Hans, kayong dalawa dapat ni Patty ang magkatabi diyan." Nasa aktong lalapit na si Jake para gisingin na si Hans subalit tinutulan ito ni Rayne.
