Umalis si Patrick sa silid kung saan iniwan niya sina Primo at Ria kasama ang ama ng mga ito. Hahayaan niya munang makapag-usap ang mga iyon at nang maging malinaw ang lahat.
Siya. Siya ang nagpaalam sa kalokohang ginagawa ni Primo at Ria na lingid sa kaalaman ng punong supremo ng kanilang kapatiran. Hindi niya na kasi kinakaya ang maglihim. Malaki na ang sinaksripisyo niya para sakyan ang kakaibang trip ng magkapatid. Wala naman siyang pakialam doon. Ayaw niya lang maudlot ang pagiging ikalimang supremo niya kaya napilitan siyang sumunod sa utos ng dalawa. Sa apat na buwang paglilihim, tinatakot siya ni Maria na kapag hindi siya nakiisa sa plano ay ilalabas ng dalaga sa publiko ang kanilang sikretong samahan.
Naglalakad si Patrick ngayon patungo sa isa pang silid kung saan nakakulong ang handog na dinukot nila noong buwan pa ng Oktubre. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang lalaking nakaupo sa sahig, nakakadena ang mga paa at nakasaklob ng telang itim ang ulo.
"Malapit na ang katapusan mo, kapatid."
Pagkatapos magsalita ay nakita niyang gumalaw ang lalaki.
"P-pakawalan mo n-na ko, Patrick. Nagmamakaawa ako sa 'yo, ha-hayaan mo kong itama ang lahat ng pagkakamali ko," tinig ng lalaki.
"Bakit? Naawa ka ba sa 'kin noon? Nakakalimutan mo na bang ikaw ang dahilan kung bakit ako naririto sa sitwasyong ito?" buwelta ni Patrick sabay alis ng itim na tela sa ulo ng kausap.
"Patawarin mo ako, hindi ko 'yon sinasadya."
"Ikaw ang dahilan kung bakit naging ganito ako, ikaw ang dahilan, Bryan..."
Matalim ang titig ni Patrick sa kapatid na si Bryan.
"Patrick..."
"Kukuwento ko sa 'yo kung ano ang napagdaanan ko mula nang ihatid mo ako sa impyerno."
---***---
"Bakit mo ba ako pinapahamak?! Ako ang pinag-iinitan ng mga kaaway mo! Tingnan mo 'tong nguso ko, sila ang may gawa nito! Dahil sa 'yo!" Sinisigawan ni Bryan ang kapatid na si Patrick.
Gabi noon, nasa gilid sila ng ilog habang naglalakad pauwi galing paaralan. Nasa unang baitang pa lamang sila sa high school nang mangyari ang hindi inaashan.
"E, gago ka pala, e! Bakit hindi ka lumaban? Bakla ka ba? Takot ka ba sa kanila?" Tumigil sa paglalakad ang dalawa. Hinarapan ni Patrick si Bryan at kinuwelyuhan ito.
"Hindi naman ako katulad mo, e! Barumbado! Bobo pa! Ako, nag-aaral ako nang maayos! May pangarap ako! At ang pangarap ko ay maging alagad ng batas! Kapag natupad 'yon, huhulihin kita dahil basagulero ka! Salot sa lipunan, salot! Sana hindi na lang kita naging kambal!" Inalis ni Bryan ang kamay ni Patrick at saka itinulak palayo.
"Bakit, sa tingin mo ba masaya akong kambal kita? Hindi!!! Araw-araw na lang akong kinumpara sa 'yo! Lagi na lang ako lumulubog sa bawat pag-angat mo! Ikaw na lang palagi ang tama, ikaw na lahat. Ako na ang tanga, bobo, walang alam at puro gulo lang ang dala! Ikaw na lahat! Para sabihin ko sa 'yo, hindi ako masayang kakambal kita! Mas pipiliin ko pang mamatay ang isa sa 'tin kaysa makasama ka!" balik ni Patrick na sinasabayan pa ng pagduro sa mukha ni Bryan.
Kambal ang dalawa. Sa kanilang magkapatid, si Bryan ang higit na nakakakuha ng atensyon ng kanilang magulang. Si Bryan lang naman kasi ang tinaguriang ginto sa pamilya nila. Matalino at masipag sa pag-aaral si Bryan, hindi katulad ni Patrick na papasok lang para sa baon at barkada. Napakabasag-ulo ni Patrick kaya madalas, banas na banas ang mga magulang niya lalo na ang kanilang ama. Elementarya pa man sila noon, nakitaan na si Patrick ng pagiging basagulero. Linggo-linggo ay lagi na lang napapatawag ang mga magulang nila sa guidance office. Hanggang sa umapak sila ng high school ay walang pinagbago sa pag-uugali ni Patrick. Kaya may mga pagkakataon na kinukulong siya ng kanyang ama sa bodega. Ang madilim at maalikabok na lugar na iyon ang nagsisilbing taga-pagparusa kay Patrick. Akala ng mga magulang nila ay makakatulong ang kaparusahang tinatanggap ni Patrick pero sa halip na tumino, mas tumindi pa ang pasakit na idinudulot nito. Lagi itong may kaaway sa paaralan at madalas, si Bryan ang napagbibintangan. Si Bryan na lampa at walang alam kundi ang umiwas sa gulo.