Mas piniling magsibilyan ni Mendes at ilihim na nasa crime scene para mas malayang makapagsagawa ng sariling imbistigasyon. Nang makatanggap siya ng tip mula sa kanyang bayarang spy ay dali-dali siyang nagpunta sa kinaroroonan ng biktima at nagkunwaring isang normal na mamamayan lang.
Hawak ang malapad na cellphone ay kinukuhanan niya ng larawan ang babaeng nakahiga sa lupa.
Hindi man siya makalapit dahil sa ilang mga pulis na pumipigil, hindi siya nagpapigil sa pamamagitan ng pagbuo ng mga detalye sa kanyang isipan. Napansin niya ang mga bakas ng paa sa lupa, ang kulay ubeng ribbon at posisyon ng babaeng biktima na walang pagkakaiba sa naunang biktima na si Jonalyn Thera Alcantara.
Napatigil lang siya sa ginagawa nang humarang sa harapan niya ang isang pulis na malaki ang tiyan. Hindi siya pamilyar sa mga pulis na narito ngayon, pero sa palagay niya, mga taga-Caloocan ang mga ito; ang mga ipinalit sa kanila ni Chief Lagman.
Naglakad siya at umalis sa mga nagsisiksikang tao. Muli niyang pinagmasdan ang mga larawang nakuha niya. Dahil doon, may kung anong ideya na naman ang pumapasok sa isipan niya.
Ipinasok na lang niya ang cellphone sa bulsa. Naglakad siya patungo sa kotse niyang nakaparada sa gilid para doon pag-aralan ang mga imaheng pinagmumulan ng mga bago niyang teorya. Subalit, hindi pa man siya nakapapasok sa loob ng kanyang sasakyan ay may nakapukaw na ng pansin niya.
Napadako ang tingin niya sa isang kulay itim na van na nakaparada sa hindi kalayuan. Bukas ang bintana nito at may nakadungaw na nakamaskara habang may kinakawayan.
Nang tingnan niya kung saan nakatingin ang nilalang na iyon...
"Tolentino?" pagtataka niya nang makitang tumatakbo si Jake palapit sa van.
Pero bago pa man iyon makalapit ay umandar na ang van palayo.
Napahawak si Mendes sa tagiliran niya kung saan nakasukbit ang baril na mas pinili niyang dalhin para na rin sa proteksyon. Wala pa rin kasi hanggang ngayon ang mga pulis na sinasabi ni Chief Lagman na makakasama niya.
Tumingin siya sa kinororoonan ng mga pulis na abalang nag-iimbistiga. Nagtatalo ang kalooban niya kung lalapitan niya ang mga iyon at manghingi ng assist para mahuli si Domino. Pero, nang ibalik niya ang paningin sa van, nakaabante na ito.
"Tolentino!" sigaw niya kay Jake. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa nito rito pero hindi na iyon mahalaga sa kanya. Ang importante ngayon ay mahabol nila ang van na iyon.
Napahinto si Jake sa pagtakbo at napalingon sa kinatatayuan ni Mendes. Nagtatakang lumapit.
"Detective?" ani Jake.
"Sakay! Hahabulin natin!"
Mabilis na pumasok si Mendes sa loob ng sasakyan. Naguguluhan man si Jake ay sumunod na rin siya rito.
"Badtrip 'tong mga pulis na 'to, hindi ako pinansin, tang ina!" gigil na sabi ni Jake habang nakaupo sa tabi ni Mendes. Ang kaninang lungkot na bumabalot sa binata ay napalitan na ng galit at pagkasabik na mahuli si Domino.
Pinaharurot ni Mendes ang sasakyan na kulang na lang ay lumipad na sila. Medyo maluwag ang trapiko kaya mabilis silang nakasunod sa itim na van. Kaunting distansya na lang ang layo nila kaya naman mas lalo pang binilisan ni Mendes ang pagpapatakbo.
"Tolentino, barilin mo!" sigaw ni Mendes sabay abot ng baril habang nagmamaneho.
Nagulat naman dito si Jake na animo'y nagdadalawang isip na hawakan ang baril.
"Puta, bilis!" dugtong ni Mendes.
Napilitang kunin ni Jake ang kuwarenta y singkong baril na iyon. Hindi siya sanay sa gano'n kaya hindi niya maiwasang mag-alangan.
Binuksan ni Jake ang bintana sa gilid niya. Dumungaw siya sa labas para paputukan sana ang van na nasa harapan nila subalit hindi pa man siya nakapupuwesto nang maayos ay nakatutok na ang lalaking may maskara. Muling bumalik si Jake sa loob at yumuko nang paputukan sila nang ilang beses.
Napagewang-gewang naman sa pagpapatakbo ng sasakyan si Mendes na pilit umiiwas sa pagpapakawala ng bala ng kabila.
"Detective, mas malakas ang kanya!" sigaw ni Jake habang nakatago.
"Ikaw rito!"
"Ha?!"
"Ikaw rito! Ako magpapaputok!"
Hindi na nagsayang ng oras ang dalawa. Nagpalitan sila ng puwesto, si Jake na ang nasa manebela at si Mendes na ngayon ang may hawak ng baril. Nang makakuha ng buwelo ay mabilis siyang dumungaw sa bintana na tila walang iniindang sugat sa balikat.
"Idikit mo 'yong nguso sa puwetan ng van!!!" utos ni Mendes habang tinatansya ang binabalak na pagpapaputok.
Sinunod iyon ni Jake. Kaya naman sinamantala iyon ni Mendes para magregalo ng bala. Pero, mukhang dehado talaga sila sa laban. Walang laban ang 45 Caliber sa AK47. Muli silang pinaulanan ng bala na dahilan para bumaluktot si Mendes upang makapagtago.
Basag-basag na rin ang salamin ng sasakyan nila samantalang ilang beses ding napapayuko si Jake sa puwesto niya. Nang itaas niyang muli ang kanyang tingin, huli na ang lahat ng kabigin niya ang manebela. Bumangga na sila sa mga kahoy na nakatambak sa gilid ng kalsada.
Ilang segundo silang nanatili roon, napatingin na nga sa kanila ang mga taong nakakakita lalong-lalo na ang may-ari ng mga kahoy na sinalpukan nila. Saka lamang nila napagtantong sa tapat pala sila ng hardware dumiretso nang lumapit sa kanila ang isang trabahador doon.
"Huwag mo sila pansinin! Palayo na 'yong van!"
Napatingin si Jake kay Mendes sa gilid na talagang pursigido.
Hindi na siya nagsalita. Walang sabi-sabi ay inatras niya ang sasakyan at saka lumiko pakaliwa sabay muling humarurot.
"Hoy! Bayaran n'yo 'to!" rinig nilang sigaw ng may-ari.
Hindi pa nawawala sa kanilang paningin ang hinahabol nila pero, mukhang minamalas sila ngayon.
Napasuntok na lang si Jake sa manebela nang biglang maghintuan ang mga sasakyan na nasa harapan nila.
"Letseng stoplight 'to!" ani Jake.
"Bakit ba kasi tayo bumangga?! Wala na!" sabi ni Mendes habang nagkikiskisan ang mga bagang.
Wala nang nagawa ang dalawa kundi ang pagmasdan na lang ang kulay itim na van na ngayon ay paliit na nang paliit sa kanilang paningin.
Sobrang panghihinayang ang naramdaman nilang dalawa. Kung gigil na gigil si Mendes dahil nabigo silang maabutan ang kanilang binubuntutan, mas lalo naman itong si Jake.
Bukod sa inis, galit at panghihinayang, muli na naman niyang sinisi ang kanyang sarili.
"Teka nga, ano palang ginagawa mo ro'n kanina?"
Napabuntong hininga na lang si Mendes.Bahagyang lumuwag ang pagkakasarado ng kamao ni Jake at saka tumingin sa kasamang detective.
"Kagabi pa namin hinahanap si Maia, papunta kami sa cafe na madalas na puntahan niya doon sa Ermita nang makakita akong may mga pulis, kinutuban ako kaya nagpunta ako roon," paliwanag niya.
"May mga kasama ka?"
"Oo. Ikaw? Bakit ka nandoon? E, 'di ba sabi ng nakausap kong Chief sa istasyon ninyo, e, naka-leave ka?" tanong naman ni Jake.
Nakatingin lang sa bintana si Mendes.
"Oo, naka-leave ako. Pero hindi naman ako matatahimik kung wala akong gagawin sa kasong naiwan sa 'kin," tugon nito.
"Tang ina kasi. Kung pinansin lang siguro ako ng mga pulis doon kanina, baka nahabol pa natin 'yang putang inang Domino na 'yan!" Muling sinuntok ni Jake ang manebela dahilan para magbusina ito.
"Ang pinagtataka ko lang, bakit nandoon pa sa lugar si Domino? Samantalang sa isip-isip ko, gabi pa nangyari ang krimen, gabi lang naman siya pumapatay, e."
Nagkatiningan ang dalawa.