Chapter 24

659 51 17
                                    


"Huwag kang lalapit! Sasapakin kita!" pagbabanta ni Mike sa misteryosong lalaki.

Subalit, hindi iyon huminto. Pinagpatuloy lang nito ang paglapit habang siya namang pag-atras ng dalawa.

"Pagkakataon ang kabayaran, susukluin ng kamatayan." Lalo pang nataranta ang dalawa nang makita nilang tila may kumislap na metal mula sa likuran nito. Isang mahabang metal na batid nilang maaaring maging mitsa ng buhay nila.

Tuluyan nang napadikit sa pader ang dalawa. Walang sabi-sabi ay bigla silang tinaga ng nakamaskara subalit mabilis naman silang nakailag. Nang makakuha si Mike ng tiyempo ay agad niyang sinipa sa bandang puwetan ang lalaki na siyang napalapat ng katawan nito sa pader.

"Umalis ka na!" sabi ni Mike kay Jenny.

"Paano ka?!" natatarantang sagot nito.

Hindi na nakasagot si Mike nang muling makabalik sa posisyon ang nakamaskara. Binitawan pa nito ang hawak na patalim at saka nagpatunog ng mga daliri.

"Bawat tao sa mundo ay may karapatang mabigyan ng pagkakataong lumaban."

Lumusob ulit ang lalaki at sa pagkakataong ito ay tatlong magkakasunod na suntok sa mukha ang sinalo ni Mike. Napapatakip na lang ng bibig si Jenny sa gilid na tila naging rebulto sa kinatatayuan.

Sinubukang pumalag ni Mike subalit sadyang magaling makipagsuntukan ang kalaban niya. Tila alam nito kung saang bahagi ng katawan siya mahina.

Napahiga na si Mike. Sinamantala ito ng nakamaskara at mabilis na umupo sa dibdib ng binata. Sa puntong ito, mas maraming suntok na ang pinadapo sa magkabilang pisngi ni Jake. Bawat suntok ay sinasabayan pa ng pagtawa. Tuwang-tuwa ang nilalang na halos durugin na ang mukha ni Mike. Tila ang kasiyahan nito ay ang paghihirap ng iba.

Ilang sandali pa, nakaramdam na rin ng pagod ang misteryosong lalaki. Binitawan nito ang ulo ni Mike at saka tumayo. Halos mapaihi naman si Jenny nang tapunan siya ng tingin nito.

"Mahirap kalabanin ang nilalang na kakampi ang dilim," sabi nito kay Jenny. Sinimulan nitong maglakad palapit.

Nang makitang kaunti na lang ang pagitan nila, saka lamang kumalabit sa isipan niya ang sinabi ni Mike. Sinubukan niyang tumakbo, wala na siyang pakialam sa lakas ng ulan. Subalit, hindi pa man siya nakakaalis sa ilalim ng tulay ay isang bagay na ang nagpadapa sa kanya. Napaupo siya sa lapag at saka hinawakan ang paang naiapak sa basag na bote.

Hindi pa man niya nabibigkas ang salitang magsasabing nasaktan siya, naramdaman na lang niyang may tumama sa kanyang ulo. Umikot ang paningin ni Jenny at dahil doon ay unti-unti siyang nawalan ng malay.

"Matigas ang ulo mo, literal," huling sabi ng lalaki habang nakahawak sa kamao.

***

Unti-unting iminulat ni Jenny ang mga mata. Kasabay ng kanyang pagdilat ay ang pagsakit ng kanyang ulo na parang tumitibok sa kirot.

Hindi niya alam kung nasaan siya. Basta ang nakikita niya lang ngayon ay nasa loob siya ng isang kulay puting kuwarto. Nang simulan niyang kumilos, doon niya lang napansin na nakaupo siya sa upuan habang nakatali ang mga kamay at paa. Tuluyan niya ring naimulat ang mga mata nang makita ang binatang si Mike, subalit hindi sa mismong harap niya kundi sa loob ng malapad na monitor na nakadikit sa pader. Nakatali at nakaupo din ito habang nakayuko na sa unang tingin pa lang ay masasabi nang hindi pa ito muling nagkakamalay.

Pero ang mas ikinabahala ni Jenny ay ang bagay na nakatutok sa binata na halos dalawang dipa lang ang pagitan.

"Good morning!" Napalingon siya sa lalaking pumasok. Katulad kanina, nakakubli pa rin ang mukha nito sa likod ng maskarang kulay puti na may malapad na ngiti.

"S-sino ka ba!" galit na tanong ni Jenny.

"Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa 'yong ako ang anak ni kamatayan?" sagot nito at nagpakawala ng malakas na tawa.

"Gago! Baliw!" buwelta ni Jenny na pinipilit makawala. "alam kong pinadala ka ng pamilya ni Jona para patayin kami!" dagdag pa niya.

"Masayang pumatay ng kaaway ng pinatay mo." Napailing pa ito habang nakatayo sa gilid ni Jenny.

"Pakawalan mo kami rito!"

"Anyway, simulan na natin ang game." Umupo ito sa harap ni Jenny kung saan naroon ang mga domino na magkakahilera patungo sa labas ng panibagong pinto na ngayon lang din napansin ng dalaga.

"A-ano 'yan?" nalilitong tanong ni Jenny.

"Itong magkakahilerang domino na ito ay konektado sa lalaking iyon." Sabay turo sa monitor. "Meron kang dalawang hilera, isa sa mga hilerang ito ay ang magliligtas sa inyong dalawa. Subalit isa rin dito ay ang magpapakain ng bala sa kasama mo."

Muling tiningnan ni Jenny si Mike na nakaharap sa isang machine gun.

"A-anong ga-gagawin mo?!" mautal-utal na tanong ni Jenny.

"Papipiliin kita sa dalawang hilerang ito. Nasa kamay mo kapayapaan. Kapag nagkamali ka... boom!"

"Please! Huwag!" pagmamakaawa niya. Subalit tila bingi ang kausap niya.

"Sabihin mo sa 'kin kung ano ang mapipili mo, may sampung segundo ka para pumili, kapag lumagpas ka, ako mismo pipili rito... Isa..."

Nataranta na siya. Hindi niya alam kung ano roon ang dapat piliin.

"Dalawa..."

Lalong bumilis ang tibok ng puso niya.

"Tatlo..."

"Sandali lang!"

"Apat..."

Naluluha na siya.

"Lima..."

"Please..."

"Anim..."

Wala na siyang choice kundi manghula.

"Pito..."

"Kaliwa!"

Napahinto sa pagbibilang ang nakamaskara. Napapalakpak pa ito nang mahina na kunwari ay natutuwa.

"Okay. Don't worry, hindi ako madaya. Susundin ko ang gusto mo."

Nagdarasal na lang si Jenny na sana tama ang napili niya.

Hindi na pinatagal ng lalaki. Agad na nitong itinumba ang unang domino sa kaliwang hilera. Malakas naman ang tibok ng puso ni Jenny habang pinanonood ang magkakasunod na pagtumba ng mga domino palabas ng pinto.

Ilang sandali pa, hindi na niya nakita ang nagtutumbahang domino. Nakalabas na kasi ang mga iyon sa pinto. Tanging hinihintay na lang niya ay ang sasabihin ng lalaking nakamaskara.

"I don't think so..." sabi ng lalaki. Nabigla na lang si Jenny nang marinig niya ang tugtog ng instrumental ng River Flows In You na siyang nangingibabaw sa buong kuwarto.

Halos labing-limang segundo niya iyon narinig habang nakatitig sa monitor kung saan naroon si Mike.

Mayamaya lang... nakita na lang niya ang binata na nangingisay habang sinasalo ang maraming bala.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon