Kinain na ng pinaghalo-halong musika ang paligid habang sinasabayan ng pag-indak ng mga tao sa dance floor. Nakadagdag pa ang iba't ibang kulay ng ilaw na siya ring nagbibigay sigla sa kabuuan ng bar.
Mag-isa lang si Jake sa table habang lumalagok ng alak. Wala siya sa mood na makipagsabayan ngayon o kahit makisalamuha man lang sa iba. Sa lalim ng iniisip niya, tila hindi na rin niya namamalayan ang mga nangyayari sa paligid.
Si Jona. Ang dalaga ang dahilan kung bakit ganito siya ngayon. Hindi niya maunawaan ang sarili niya. Natututo na ba siyang makonsensya? O baka ganoon lang talaga kalakas ang impact ng pagluha ni Jona sa harap niya?
Padabog niyang ipinatong ang bote ng alak sa lamesa nang maubos na niya ito. O-order pa sana siya ng isang bucket nang may isang babaeng umupo sa harap niya. Kilala niya ito. Isa ito sa mga babaeng pinagsawaan niya; si Amber. Ang Fil-Am na nakilala niya lang din sa isang okasyon.
"Oww, you're here?" bungad ng dalaga. Dahil sa lakas ng tugtog ay hindi narinig ni Jake iyon.
Hindi niya pinansin ang babae. Nahihilo man nang bahagya ay pinilit pa rin niyang makatayo.
"Jake! Wait!" dugtong pa ni Amber at saka hinawakan ang braso ni Jake.
"What?" pagalit na tugon ng binata.
Lumapit pa nang husto ang babae at saka bumulong sa kanya.
"Free ka ba?" Mararamdaman ang pang-aakit sa tono ng pananalita ni Amber.
"Leave me alone." Nabigla na lang ang dalaga nang sapilitang inalis ni Jake ang kamay nito.
"Jake!"
Hindi na nilingon pa ni Jake si Amber. Napanganga na lang ang dalaga sa inasta niya.
Dahil mukhang hindi rin naman siya makakapag-concentrate sa
loob, minabuti na lang niyang lumabas. Nagtungo siya sa parking lot kung saan naroon ang White Toyota Vios niya. Pagdating niya roon ay agad siyang pumasok sa loob. Sumandal siya at nagpakawala nang malalim na paghinga."Fuck! I'm sorry, Jona!"
Para siyang baliw na paulit-ulit pang inihihilamos ang palad sa mukha.
Inisip na niya noon na maaaring mangyari sa kanila ito ni Jona. Pero dahil masyado siyang kampante na mapapasakamay niya ang dalaga, binalewala niya ang damdamin nito. Wala siyang pake noon. Ang tanging nasa isip niya lang ay pagtagumpayan ang binigay na challenge ni Santa, at 'yon ay ang mapasagot niya si Jona.
"Tama! Tama! Kakausapin ko si Jona! Hihingi ulit ako ng sorry!" aniya sa sarili na tila may kung anong magandang ideya na pumasok sa utak niya.
Nagmamadali niyang kinapa sa bulsa ang kanyang cellphone, sa likod at sa harap.
"Nasaan na 'yon? Letse!"
Ngunit wala siyang nakuha roon.
Binuksan niya ang ilaw sa loob ng kotse sa pag-aakalang iniwan niya lang iyon dito. Pero, nabigo lang siya. Wala. Wala ang kanyang hinahanap. Sa halip, isang bagay ang nagpatigil sa paghahanap niya. Isang bagay na pumukaw sa nakokonsensya niyang kalooban.
Maskarang puti na may malapad na ngiti. Ito ang nakita niya sa back seat. Hindi niya alam kung kanino at saan ito nanggaling. Malabo rin namang sa kanya dahil hindi niya trip ang gumamit ng gano'n.
Kinuha niya ang maskara. Sinuri niya ito nang mabuti. Pinagmasdan ang bawat disenyong nakaukit bago mamayani ang pagtataka.
"Para saan ito?"
Ang malapad na ngiti ng maskara ang siyang umaakit sa kanya para isukat ito. Kakaiba rin ang awra nito, tila ba may kung anong pinahihiwatig.
Mayamaya lang, hindi na rin napigilan ni Jake ang sarili. Dahan-dahan niyang itinapat sa mukha ang maskara at saka tuluyang inilapat.
