#HoldMeClose45
TATLONG araw matapos ang pag-uusap namin ni Katherine, nagising ako sa pakiramdam na parang may tao sa loob ng kwarto ko. Dahan-dahan ko pang iminulat ang mata ko dahil antok na antok pa ako at madaling araw na ako natapos dahil nag-movie marathon akong mag-isa.
Napabangon ako dahil kita ko ang seryosong mukha ni CK na nakatingin sa akin. Nakaupo siya sa isang maliit na sofa doon sa kwarto. Bagong ligo at amoy na amoy ko ang pabango. Sasabihan ko sana siya ng ang gwapo niya kung hindi ko lang napansin ang seryoso niyang tingin habang nakatanghod sa'kin.
Tinakpan ko muna ang bibig ko dahil baka maamoy niya ang hininga ko. "Anong ginagawa mo dito?"
"Anong sinabi mo kay Katherine?"
Nanlaki ang mata ko.
"Pa'no mo nalaman na nag-usap kami?"
Inirapan niya ako bago siya tumayo at naglibot sa loob ng kwarto ko. Iilan lang naman ang picture ko doon at ang iba ay kung hindi solo picture ko, kasama ko si Papa or sila Kuya.
"Hindi na mahalaga kung pa'no ko nalaman na nag-usap kayo. Ang tanong ko ngayon eh bakit mo ako ipinapamigay?" sabi niya habang patuloy na tinitingnan ang mga frame ko doon.
Tumayo ako at dumiretso sa banyo para maghilamos man lang at magtoothbrush. Ano bang ginagawa nito dito? At pa'no siya nakapasok sa kwarto ko? Sinong nagpapasok sa kanya dito?
Lumabas ako ng banyo habang pinupunasan ang mukha ko. Naabutan ko siyang hawak ang isang frame ng picture ko at tingin ko ay kinukuhanan niya ng litrato. Nang medyo lumapit ako sa kanya ay nakita kong ang picture ko na hawak niya ay kuha ko sa London noong bata pa ako. Naglalaro ako sa snow noon at tuwang-tuwa akong dinidilaan ang mga ito. Kita kong ginawa niyang wallpaper at lockscreen ng cellphone niya 'yon kaya agad kong inagaw sa kanya ang frame. Nagulat siya at biglang pinatay ang cellphone niya.
"Anong ginagawa mo?" pagalit na sabi ko sa kanya habang ibinabalik ang picture frame sa pinagkuhanan niya. Hinarap ko na siya ngayon at nakita ko siyang prenteng nakaupo na ngayon sa kama ko.
"Sagutin mo muna ang tanong ko. Bakit mo ako ipinapamigay kay Katherine?"
Inirapan ko siya at lumapit sa cabinet na lagayan ko ng gamit. "Hindi kita ipinapamigay. At wala akong sinabing ibinibigay kita kay Katherine."
"Sa totoo lang, ang dami mong sinabi kay Katherine kaya hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa sinasabi mo."
Napalingon ako dahil sa sinabi niya. "At ano-ano naman ang sinabi sa'yo ni Kat? Sandali nga. Pa'no ka ba nakapasok dito sa kwarto ko?" hinarap ko na siya ngayon at ipinag-krus ang mga braso ko.
"Uhh..dumaan ako sa pinto?" piloso niyang sagot kaya naman sinamaan ko siya ng tingin. Tinawanan niya ang itsura ko kaya umayos siya ng upo sa gilid ng kama ko.
"Joke lang. Dinala ko kasi dito yung pasalubong ni Mommy para kay Tita Angeline tapos tinanong ko na din yung isa niyong kasambahay kung saan ang kwarto mo tapos itinuro niya na dito." at tinaas-taasan pa niya ako ng kilay.
"Hindi ka nagpaalam kay Papa at kay Kuya?" sabi ko habang nanlalaki ang mga mata. Kapag nalaman nila Papa na may lalaki sa kwarto ko, lagot siya sa mga 'yon!
Umiling siya habang nakangiti. Kaya naman mabilis ko siyang hinila papaunta sa pinto at pilit siyang itinulak palabas.
"Bilisan mo na. Lumabas ka na kundi lagot ka kay Papa at kay Kuya!" sabi ko at natataranta siyang itinulak lalo palabas. Hindi pa din niya binubuksan ang pinto at tawa siya ng tawa. Tingnan ko lang kung makakatawa pa siya kapag nagsumbong ang mga kasambahay dito na pumasok siya sa kwarto ko.

BINABASA MO ANG
Hold Me Close
Fanfiction[KierVi Collection #1: Completed] Vivoree Andrada is an in-between child. Simula nang dalhin siya ng Tita niya sa Pilipinas para ipakilala sa mga magulang niya ay nagkagulo na ang kanya-kanyang pamilya ng mga ito. Ngunit lumipas ang panahon at natan...