Penitensya

35 1 0
                                    


Tumira ako sa Tondo sa Maynila kaya't bata pa lamang ay nasanay na ang musmos kong mga mata na makakita ng mga duguang manananampalataya,
Bitbit ang krus na kay bigat,
Iniinda ang bawat hampas ng latigo sa kanilang likuran,
At ang pawis at dugo na tila nag hahalikan na sa kanilang mga katawan,
Normal na lamang sa akin ang ganoong mga eksena lalo na't tuwing mahal na araw,
Pero tuwing nasasaksihan ko ito napapisip na lamang ako,
Kung bakit nila sinasaktan ang kanilang mga sarili para sa kanilang paniniwala,


Noong makilala kita naniniwala ako na ikaw na ang sagot sa bawat katanungan,
Naniniwala ako na ikaw ang dahilan kung bakit hindi pa ako nasisiraan,
Naniwala ako sa mga halik mo,
Sa kung paano ako lunurin nito,
Naniwala ako sa yakap mo,
Sa pag aakalang protekdo ako nito pero hindi ko alam na nakakasakal na ang higpit ng yakap mo,
Naniwala ako sa kung paano mo ako titigan pero alam kong hindi ako ang nakikita mo,
Naniwala ako sa mga tawa mo pero hindi ko nakita ang pighati sa likod nito,
Naniwala ako sa sugat na dinulot mo na balang araw ay mag hihilom sila,
Na balang araw ay babalik ka,
Alam kong babalik ka,
Diba babalik ka?
Babalik ka pa ba?
Imbis na patayin ang natitirang pag asa sa puso ko ay hindi ko namalayan na ako na ang pinapatay nito,
Pero sa kabila ng mga sakit na dinulot mo ay naniniwala parin ako,
Naniniwala parin ako sayo,


Hindi man ako nakatira ngayon sa Tondo sa Maynila pero ngayon ay alam ko na,
Kung bakit natin sinasaktan ang ating mga sarili para sa ating paniniwala.

HIRAYATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon