"Noong unang panahon,
Gumising mula sa kawalan ang isang magiting na diwata,
Binigyang buhay sa bawat pag hakbang ang tuyong lupa,
Sumasayaw sa himig ng hangin ang mga puno tuwing dadaan sya,
Ang mga paru-paro ay nag sisisunuran sa kanyang likod,
Ang mga ibon at palaka ay sabay na nagkakantahan,
Nagiging paraiso ang bawat madaanan,
Ngunit sa kabila ng ganda na kanyang ginawa,
Mayroong kulang,
Kaya't humiling sya kay Bathala,
Punan ho ninyo ang espasyo sa aking puso,
Isang piyesa na papainitin ang maginaw na umaga,
Piyesang magpapaliwanag sa madilim na gabi,
At nang tignan nya ang kalangitan,Isang ilaw ang nagliwanag,
Higit na mainit at mas maliwanag sa mga tala,
Dito nagsimulang umibig ang Diwata,
Nilakbay nilang magkahawak-kamay ang mga espasyo na hindi pa nakikita ng mata,
Hindi pa nararamdaman ng mga daliri,Naamoy ng ilong,
At hindi pa nakikilala ng mga paa,
Mga ingay sa paligid na ginawa nilang musikang ka'y sarap sa tenga,
Ngunit isang sigwa ang nagpabago sa lahat,
Isang sigwang may dalang higit na kadiliman,
BItbit ang walang katapusang ginaw,
Hindi sapat ang higpit ng pagkakahawak ng Diwata para maligtas ang ilaw,
Kaya't ng matapos ang sigwa,
Hindi nya nakilala ang mga nasalanta,
Tumigil sa pagsayaw ang mga puno,
Naglaho ang mga paru-paro,
Namaos ang mga ibon at palaka,
Nanlamig ang ilaw at unti-unti nawala ang liwanag nito,
Nanlumo ang diwata,
Lumbay at lungkot ang naging gamot upang punan ang piyesang nawawala,
Kahit na hindi akma,
Araw-araw nya itong nilanggasan ng tanong,
At isang araw nagdesisyon ang Diwata na umakyat sa pinakamataas na bundok,
Umaasang makikita roon si Bathala,
Umaasa na makakaani ng kasagutan,
Ngunit ang natagpuan nya ay ang sangkalupaan na kanyang ginawa,
Nagpaluhod ang diwata at sa unang pagkakataon,
Tumulo ang luha sa kanyang mata,
Dito pinanganak ang bagong anyong tubig na dumaloy sa bawat kalupaan,
Ilog ay ang produkto ng kanyang dakilang kalungkutan."
BINABASA MO ANG
HIRAYA
PoesíaMga salitang produkto ng malikot kong utak, dito sila nakahimlay. Nawa'y magustuhan ninyo ang aking pagkukumpuni ng salita. Fan of short and random stories? Check out MUNIMUNI! Link below! https://www.wattpad.com/story/210815172-munimuni P.S I woul...