(2019)
Tanda ko pa noon tuwing umaga, sinasabayan natin ang mga kanta sa radyo. Isa doon ang theme song natin na Hawak Kamay ni Yeng Constantino at yung Hinahanap hanap kita ng Rivermaya? Nagkukumahog pa tayo kasi lunes na, nasa hayskul ka pa noon diba? Nasa ilang taon na ba ako noon, siguro mga lima o anim. Saulo ko pa nga hanggang ngayon ang tagline ng istasyong DXOL na "Tayo pa rin syempre!", kasi paboritong linya namin yun ng childhood crush ko dati. At aminin mo adik na adik ka noon sa Meteor Garden kaya naging idol ko na rin si Shancai.
Sinusubaybayan mo rin sa telebisyon tuwing hapon ang Daisy Siete, kaya tuloy pati ako nakikisali. At kung paano ka sumayaw ng Spaghetti, otso otso at Pamela One. Mabilis ka pa sa kidlat kung bumangon sa umaga kapag nakarinig ka na ng ingay mula sa supot ng pandesal! Ayun na kasi ang nakasanayan nating almusal, pero hindi halatang matakaw ka dati. Ang tagal tagal mo pang gumising at hanggang ngayon nakanganga ka pa ring matulog sa gabi.
Akala ko noon maganda ang boses mo kapag kumakanta ka. Pero ngayon naisip ko, siguro sadyang wala pa akong alam noon pagkabata. Teka, tanda mo ba noong nagrekord tayong apat ni Pahak at ng pinsan nating si Ate Dayang sa lumang cassette? Para pa tayong timang habang inosenteng nakaumpok noon malapit sa kwarto. Na-irekord pati reklamo ni Pahak na naiihi sya at ako na nauuhaw kanina pa. Atsaka tayo nagtawanan habang pinapakinggan ito.
Ngayong matanda na ako, malayo na ako sa inyo, naging malaya na ako pero may mga panahon pa ring kailangan ko ang tulong mo. Kasi ako pa rin naman iyong batang iiyak tuwing gabi ng lagim na ng DZRH. Pero umiiyak pa rin ako hindi na dahil sa takot, kung hindi dahil sa napapagod din ako minsan. Katulad noong umiiyak ako tuwing kukurutin mo ako. Kinukurot mo ako ng napakapino. Kinukurot mo ako kapag nagkakasugat ako. Ayaw mo akong magkapeklat kasi sabi mo "Maitim ka na nga tapos andami mo pang singko sa hita!".
Alam mo ba kung paano ako umiyak habang sinusulat ito? Kasi ako pa rin ang musmos na batang hila hila mo habang naglalakad tayo pababa sa dating ginibang bahay, na kapilya na ngayon ang nakatayo. Hindi ko makakalimutan noong sumisid ako sa batuhan kaya hanggang ngayon buhay pa rin ang peklat sa anit ko. Sobrang kaba ang naramdaman mo noon nang masaganang umagos ang dugo mula sa ulo ko, kaya tinakpan mo ng sumbrero. Kasi lagot ka kay Mamang at Papang kapag nalaman nila ito.
Alam ko ring hindi mo na kayang maglakad habang nakaapak ako sa mga paa mo at nakayakap. Pero masaya akong nagkakasugat pa rin ako. Kasi natuto na ako. Natutunan ko nang magtiis sa kirot kahit wala na akong natatanggap na kurot mula sayo.
Para kay ate.
BINABASA MO ANG
Mga Tula Ni Juana
PoetryMagulo itong mga tula ko. May parte na malungkot. May parte na nayayamot. At kasunod may kasama nang puot. Tapos biglang sasaya ulit. Kasi bakit? Pasensya na. Sadya sigurong komplikado akong tao. Kasi dapat Filipino lang ito, pero biglang nahaluan...