Alpabeto (Part 1)

117 2 0
                                    

Kailan ba ako huling umalsa sa kinalalagyang alapaap?
Habang pinupuna ang pangungulit ng mga kulisap
Na nasa loob ng tiyan
Nagbabanggaan
Natuto ka bang magsalita?
O ang pagsulat ang ginawa mong paraan
Sa pakikipagtama sa lalagyang hindi nabigyang halaga

Ako ba?
O ang ginawa kong pagpapakita?
Pagpaparamdam
Ng ano?
Ng intensyong hindi ko naman sinadyang maako ang pwesto
At bago pa ako tuluyang malunod sa sariling isipan
Bago pa may mabuong tema sa hindi matapos tapos na kwento

Tatayo muna ako
Sisimulan ko ang araw
Nang hindi ngumingiti pero determinado

Sampung beses ko nang sinabi sayo na sasamahan kitang magpakatanga
Sampung beses mo na ring tinanggihan
Mas gusto mo talagang mag-isa kang uupo sa damuhan

Ayaw mong makipagkaibigan
Ayaw mong ako ang pupuna ng pangangailangan

Bilang na bilang ko pa ang mga salita mo
Isang salita
Limang letra
Kakaiba
Kung hindi libro ang kaharap
Sa silid-aklatan pa kita mahahanap

Hindi naman lingid sa kaalaman mo ang pagkatao ko
Kahit siyam na daang metro pa ang layo
Umuusbong pa rin ang kagustuhan kong makausap ka
At sa dinami dami ng tanong at sagot ko

Tango o iling naman ang nakukuha
Dalawampu hanggang dalawampu't walong alpabeto

Noon at ngayon
Dalawang patinig at tatlong katinig

Sariwa pa sa alaala
Nung lunes ng umaga
Malayo pa lang kilala na kita
Nandoon ka na naman nakaupo sa ilalim ng punong mangga

Hindi libro ang hawak
Kundi mansanas na wala pang kagat
Nakasandal ka sa katawan ng puno
Nakapikit at taas ang noo

Lumapit
Ang isang metro naging pulgada
Ang pulgadang layo ko mula sayo
Hanggang sa gahibla

Sukat sa pag-aakala ay mas lumapit pa
Ang mukha ko sa obrang napakaganda
Hindi dapat ako mas lumapit diba
Hindi dapat ako natukso na mas iklian pa
Kung uurong ako
Baka hindi na maibabalik
Hindi man ito ang dating alpabeto

Kung saan unang nakilala ang baybayin
Na hatid ng mga Malayo at Polinesyo
At kahit mas mababa pa ang bilang
Binubuo ng labingpitong titik
Tatlong patinig at labing apat na katinig

Papalit palit
Bigla kang dumilat at kumawit
Matutuwa na sana
Pero parang isang kidlat na biglang natapos
Kumawit ka nga
Tinulak mo naman ang balikat ko
Bago ka tumayo

Wala naman akong nakakahawa at nakakadiring sakit
Pero bakit masakit?
Namimilipit
Habang tinatanaw ka
Paalis
Hindi ka na ba babalik?

Hindi na ba babalikan ang librong naiwan sa tabi?
Kahit
Sampung beses ko nang sinabi sayo na sasamahan kitang magpakatanga
Sampung beses mo na ring tinanggihan
Mas gusto mo talagang mag-isa kang uupo sa damuhan
Ayaw mong makipagkaibigan
At ngayon mas gusto ko pang higitan

Humiram
Ng sandali
Para gawing panulak sa imposibleng kinabukasan
Hindi man ako ganoon kahalaga para sayo
Hayaan mong patunayan kong mas importante ka
Kesa sa ginagamit kong alpabeto

Mga Tula Ni JuanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon