Lumilipad na Ibon

83 2 0
                                    

Maingay at magulo
Sari-saring amoy at iba't ibang tao
Nagtataka rin ako ba't nga ba ako nandito?
Paano ba ako napadpad sa lugar na ito?

Hindi ko malaman ang dahilan
Isang daang kilometro na sa punong nilisan
Nakalimutan ko na ang amoy ng hangin na nakagisnan
Pagod, gutom at pagkauhaw, hahayaan ko ba ang buhay kong matapos nang hindi lumalaban?

Makikita mo pa ba ang lumilipad na ibon?
Ang hindi nyo mabigyan ng tingin at pansin para gawing tugon
Sa halip mga bato ang syang tinatapon
Sa langit na walang kirot ako ay kusang aahon
Tuloy pa rin ang paglipad kahit ilang beses pang umambon

Ang pakpak kong tinatangay sa himpapawid
Paghihirap at pagtitiis na pilit kong tinatawid
Makabalik lang kahit ako ay hindi na makalipad ng tuwid
Ang akala nyong awit na naririnig ay isang tinig na tumatangis sa tinutusok na sinulid
Sa katotohanang wala akong makitang halaman sa paligid

Sa huli, titigil ako at dadapo malapit sa isang pagkaing nilalangaw
Iniisip kong pagkatapos kumain saan ako magtatampisaw
Napapalipad bigla sa umaandar na sasakyan at businang umaalingawngaw
Isang ibon ang naliligaw at nakikipagsapalaran sa ilalim ng tumitirik na araw

Ang pangyayaring ito ay nakakatakot
Isang hindi ko makalimutang bangungot
Magkahalong kaba sa eskenita kung saan ako nagsusuot
Isang musmos na lalaki ang napansin na ang tirador sa leeg ay nakapulupot
Tuwa at pagkagalak habang hawak ang batong napulot

Nagbabadyang panganib ang umaabang sa hinaharap
At sa huli kong lipad, isang libo't higit pa ang naramdaman ng munting ibong may pangarap
Sakit ng pagkabigo sa paghahanap ng simoy ng hanging kay sarap
Pabulusok sa malamig na lupa, ang pakpak ko'y nakawarak at parang umiirap
Sa dugong umaagos mula sa pagtama ng bato'y saakin nagpapahirap

Kulungan ng ibon syang nakatadhana
Hawlang kinakalawang saksi sa kalupitan ng mga bata at matatanda
Hindi na ako ang lumilipad na ibon, nakapiit sa lugar ng sinumpa
Hindi na ako makakabalik pa, bulaklak, puno at ilog na malinaw nasaan na?

Nasaan na ba?
Ang naghahanap na ibong nanghihina
Sa kagustuhang lumaya
Sa dating kalikasang hindi pa nawala

Mga Tula Ni JuanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon