Para sa Babaeng Nakaputi

245 1 0
                                    

Sa isang maaliwalas na hapon
Malapit sa bakod na pinalilibutan ng mga dahon
Nakaupo ako
Nakatitig sa libingan ng yumaong manok
Nagulat
Napatulala
Sabay bukas ng bibig na nangangapa

Akala ko nakita ko na si diwata
Na sakay sakay ng bisikleta
Nakakadismaya
Ng tumigil ka doon sa medyo kalayuan
Pero hindi nabawasan
Ang kumikinang mong kagandahan

Akala ko lupa ang kumikislap
Pati pala alitaptap
Nagliwanag sa araw na umaandap-andap
Napapasunod pa ako sa buhok mong natatangay
Kinaiinggitan ko na ngayon ang hangin
Na nalalamyos ang bango
Napasigaw pa nga ako

Hindi dahil sa nakagat ako ng pulang langgam
Kundi sa pantasyang nakakapanginig ng kasukasuan
Sana hindi ko na lang tinawag ang pinsan ko
Napalakas ba ang boses ko?
Napansin mo kaya ako?
Ako yung nasa loob ng bakuran

Nakaitim
Nakatitig sayo
Malaki ang ngiti
Nakatayo
Ilang beses pa akong nanalangin
Para mas dumami ang pagkakataon
Mas lumapit ka
Dumaan man lang sa kalsada

Natataranta
Tuwing dadating ka na
Masasabing suntok sa dibdib
Tikom ang bibig
Pero hindi lihim na nagbunbunyi
Hayaan mong ipakita ko sayo ang nakakatulalang tula
Na nakikita ko sa pagkatao mo

Hindi man kilala
O kung hindi man nila kita
Malaman ko lang ang pangalan mo
Sapat na para mas lumigaya pa
At dumagdag ang biyaya
Nanunuot sa loob ng tainga

At babalik uli ang paningin sa kung san ka nakatira
Makikita ka pa kaya?
Para sa babaeng nakaputi
Hindi mo man napansin
Kahit panandaliang napatingin
Nadala mo agad ang parte kong naghahanap ng masasabihan
Ng nararamdaman

Binuhay
At binihag ang
Gutom na kaisipan
Nandito lang ako
Patagong
Nag-aabang
Humahanga
Para sa babaeng kakaiba at pambihira

Mga Tula Ni JuanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon