ANDY'S POV.
Nakatingin ako sa likuran ng mga kaibigan ko habang naglalakad kami sa loob ng hallway ng hospital. Pakiramdam ko biglang bumagal ang ikot ng oras. Ang daming pumapasok sa isipan ko, mga bagay na sasabihin ko at sasabihin ni Joana, sa oras na magkaharap ulit kami.
Alam kong ang sama, sobrang sama ng ginawa ko kay Pauleen. Pero, ganon naman lagi di ba? Masakit talaga ang katotohanan.
Dumating kami sa room ni Joana at dali dali naman silang pumasok pero lumabas ang mommy ni Joana para daw kausapin ang doctor habang ako, nakatitig pa din sa pintuan. Hindi ko alam kung bakit pero natatakot ako...
Natatakot akong makita siya at her state.
Pero kailangang maging matapang. Ayoko nang maging duwag. Ayoko nang tumakbo sa mga nararamdaman ko.
Pumasok ako sa pintuan at nakita ko ang mga ngiti sa muka niya habang kausap niya ang mga kaibigan namin. Gusto kong umatras dahil ayokong mawala ang ngiti sa mga muka niya pero huli na ang lahat nang magkasalubong ang mga mata namin. Napansin ito ng mga kaibigan namin kaya tumahimik sila at tumabi sa gilid para bigyan ako ng way papunta kay Joana.
Dahan dahan akong lumapit sa kanya at nakikita kong nagsisimula nang mamuo ang luha sa mga mata niya. Umupo ako sa gilid ng kama niya at ngumiti pero nakatitig pa din siya sa akin.
"Hi." bati ko sa kanya nang mahina at doon na pumatak ang luha sa mga mata niya pero pinunasan niya yon agad.
"B-bakit nandito ka?" tanong niya gamit ang nanghihina niyang boses.
"Gusto kitang makita." sabi ko sabay hawak sa isang kamay niya pero hinila niya yon pabalik sa kanya.
"Hindi mo na dapat ako pinagsayangan ng oras, si Pauleen dapat ang iniisip mo. Hindi sa katulad ko." sabi niya habang iniiwasan ako ng tingin.
"Wala na kami ni Pauleen." simpleng sabi ko na ikinagulat niya. "Dahil ikaw pa din ang mahal ko. Hindi nawala yon Joana, kaya wag mong isipin na nagsasayang lang ako ng oras dito."
"Pwede niyo ba kami iwan saglit?" sabi ni Joana sa mga kaibigan namin. Ngumiti lang sila at isa-isang umalis ng kwarto.
"Andy." pagsisimula ni Joana sabay tingin sa akin. "Siguro naman, naiintindihan mo na ako ngayon kung bakit pinili kong iwanan ka."
Tumango ako. "Naiintindihan ko na Joana kaya pw-
"Bilang na lang ang mga araw ko dito sa mundo at wala nang magagawa pa para gumaling ako. Eto na ang kapalaran ko, tanggap ko na yon Andy. Sana tanggapin mo na rin na hindi talaga tayo para sa isa't-isa, na sa iba ka talaga sasaya." sabi niya habang nagpipigil ng luha habang ako nakatulala. Bilang na lang ang araw?
"B-bakit hindi mo to sinabi sa akin?" tanging nasabi ko. Tumigil muna siya, tumungo saglit bago sumagot.
"Umalis ka na lang. Wala ng saysay pa kung magpapaliwanag ako sayo."