Chapter 28
KAHIT na mabigat si Amber, hinayaan lamang ito ni Kairos at hindi inintindi dahil aligaga siyang lumabas sa pasilyo habang nasa bisig niya ang dalaga at walang malay. Hindi niya kabisado ang pasikot-sikot ng pasilyo sa palasyo lalo na't malaki ito. Sising-sisi siya na wala siyang nagawa nong mga oras na kailangan siya ng dalaga.
"Na saan ang pagamutan dito?" Tanong ni Kairos sa nakasalubong niyang dalaga at ayon sa suot nito isa ito sa manlalahok sa palaro. Iilan na lang din ang mga gising sa mga oras na 'yon.
"Doon sa may kanang pasilyo at sa ikalawang palapag sa unang pinto, 'yon ang pagamutan," sagot ng dalaga na may kaliitan ng kaunti kesa kay Amber.
"Salamat," saka siya tumango.
Iniwan na niya ang dalaga at nagmadaling sinunod kung saan man siya tinuro nito. Nakalabas siya sa kanang pasilyo at malapit na siya sa hagdang sinasabi ng dalaga nang bigla naman sumulpot si Aero. Nagkatitigan sila, kasama nito ang binatang kawal, ang prinsesa ng Nurlin na si Helena at ilang kawal ng palasyo na nakasunod sa kanila.
Nagkatitigan sila ng binatang si Aero at bumaba ang tingin nito sa dalagang hawak niya. Agad na nagbago ang ekspresyon nito sa mukha. Iniwan nito ang mga kasama at dali-daling lumapit sa direksyon nila. Natigilan si Kairos at hindi alam ang gagawin nang humarang na si Aero sa mismong daraanan nila. Nakatitig ang binata sa walang malay na si Amber.
"Maari po bang tumabi kayo sa daraanan namin?" Tanong ni Kairos sa hari at pilit na pinapakita ang paggalang dito kahit na napikon ito sa biglang pagharang.
"Anong nangyari sa kanya?"
"Kamahalanan---"
"Anong nangyari sa kanya, ginoo?" Tanong ni Aero sa kanya at napansin niya ang pagtaas ng boses nito sa kanya. Kung hindi lang niya karga si Amber baka nakipag-away na naman ito sa binata katulad nang una silang nagkita.
"Kailangan kong dalhin ang binibini sa pagamutan, kaya kung maaring tumabi na kayo riyan," hangga't kaya niya gusto niyang ilayo si Amber sa ginoong kaharap niya habang hindi pa rin natatapos ang misyon.
"Ako na," sabi ni Aero na siyang nakapagkunot-noo.
"Ano---" hindi na niya matapos ang sasabihin niya nang tuluyang lumapit si Aero at napatitig na lamang siya nang kunin si Amber sa kanya.
Hindi niya alam sa sarili kung bakit pinayagang gawin ito sa kanya ng binata. Wala sa sariling napatitig siya sa dalaga habang papalayo sa kanya nang tumalikod si Aero na karga ngayon ang dalaga at ito mismo ang naghatid sa infirmary. Napansin din niyang nagsisunudan ang mga kasama nito habang siya'y nanatiling nakatitig sa puwesto niya. Ilang minuto siya naroon hanggang sa bumalik siya sa realidad.
"Bwisit," bulalas niya.
Nakaramdam siya ng kakaiba sa paligid hanggang sa atomatiko siyang napasulyap sa madilim na parte ng hagdan kung saan nakakaramdam siya ng kakaiba. Animoy may matang nakamasid doon kahit na hindi niya makita ng malinaw. Dahan-dahan sumilip at lumabas galing doon ang maputlang mukha ng kanyang among si Lucian.
Nakahinga siya ng maluwag, luminga siya sa paligid para malaman kung may iba pang naroon at nang makita niyang wala ay agad din siyang lumapit sa direksyon ng binatang amo.
"Nandito si Irene," unang bungad ni Lucian.
Huminga siya ng malalim, "oo, kanina lang namin siya nakita at nakuha na niya ang mahiwagang papel na binigay mo sa amin. Hindi ko alam kung sa anong paraan uli namin malalaman kung na saan ba o kung sino man si Florence---" tumigil siya sa kanyang pag-uulat nang mapahawak si Lucian sa dibdib niya at napapikit, "ayos ka lang ba, amo?"
Gumuguhit sa mukha ni Lucian ang kakaibang sakit na nararamdaman niya sa mga oras na 'yon, "si Irene."
Nakaramdam ng inis si Kairos nang bumagsak paluhod si Lucian at agad niya itong tinulungan, "anong ginawa ni Irene sa 'yo?"
"Nang gulo si Irene sa Holon at kalahati ng lakas ko ang kinuha niya. Sa oras na hindi na hindi na---ako magparamdam, kayo na ang bahala ni Amber sa lahat, kayo na lang ang maasahan ko," para bang nagpapaalam na ito sa kanyang paglisan.
"Pero, paano ang Holon, ang Surtar? Hindi ka pwedeng mawala, magkakagulo sa mundong 'to sa oras na mawalan ng bantay." Nag-aalalang wika ni Kairos. Maraming posibilidad na maaring mangyari ang kanilang kinatatakutan.
"Kaya nga kailangan ninyong mauna ni Amber..."
Tulalang nakatitig si Kairos sa puwesto kanina ni Lucian nang bigla na lamang itong nawala sa harapan niya. Nararamdaman niya ang panghihina ng pondasyon ng Holon at lalo na ang Surtar dahil nanghihina na rin ang tagapagbantay nito. Naririnig niya sa kanyang isipan ang mga balahaw ng mga nagwawalang kaluluwa sa Surtar na gustong-gusto nang makawala at pagkalampag ng mga ito sa lagusan. Ramdam niya dahil buong buhay niya doon siya tumira.
Nang makabalik siya sa realidad agad na siyang dumiretso sa pagamutan. Wala nang halos tao ro'n kundi si Amber na nakahiga sa isang bakanteng kama at si Aero na nagbabantay habang nakaupo sa tabi ng dalaga. Hinahaplos ni Aero ang pisngi ng dalaga. Wala siyang magawa kundi ang tumitig sa dalawa mula sa malayo.
***
Marahas na sinara ni Helena ang pinto ng silid niya nang makapasok siya. Inis na inis siya sa dahilang kasama niya si Aero ngunit parang hindi pa rin niya ito kasama dahil makailang beses niyang nahuhuling tulala ito at walang paki makipag-usap. Noong una silang nagkita ng binata ay maayos naman sila at hindi ganito kung hindi dahil sa dalaga nitong madalas niyang makitang tinititigan ni Aero.
"Sino ba 'yon?" Inis na tanong sa kanyang sarili, "isang hamak na nilalang lamang, andito naman ako, sino ba siya?" Kumalabog ang dibdib niya sa sobrang inis, hindi lang kay Aero kundi lalo na sa dalagang 'yon na para bang kilalang-kilala ng binata.
Kung paano ito mag-aalala. Natigilan din siya nang may maalala siya na para bang kahawig na kahawig ng babaeng 'yon. "Pero imposible, patay na 'yon," bulong niyang muli.
Naiisip niya ang mga plano niya, na baka masira ang lahat ng 'yon kung hindi ituloy ng binata ang kasal dahil sa dalagang humaharang para sa kanila at naisip niyang may kailangan siyang gawin. Kailangan matuloy ang kasal, 'yon ang paulit-ulit na sinasabi ng kanyang isip.
"Gusto mo bang tulungan kita."
Natigilan siya at nagtaasan ang lahat ng balahibo sa buong katawan niya nang makarinig siya ng boses sa silid niya na animoy galing sa ilalim ng lupa ang pinanggagalingan. Hindi siya makakilos sa kanyang kinatatayuan, alam niyang siya lang ang naroon.
"Si-sino ka?" Tanong niya sabay lunok.
"Isang kaibigang pagkakatiwalaan. Nararamdaman ko ang gusto at sinisigaw ng iyong puso. Kailangan mong ipaglaban 'yan lalo na kung alam mong iyo 'yon. Walang dapat makasira sa kung anong gusto mo." Pagpapatuloy ng boses.
Palinga-linga siya at hinanap kung saan ito nang gagaling.
"Gusto mo, mahal na prinsesa?"
Atomatiko siyang napasulyap sa salamin sa gilid niya at humarap doon ng dahan-dahan nang mapansin niyang doon nang gagaling ang boses na naririnig. Nakatitig siya ro'n habang pinagmamasdan ang sariling repleksyon sa salamin.
---
Note: Plagiarism is a crime at 'wag pong tumangkilik ng mga soft copies. Maawa kayo sa writer at dito lang po ninyo sa Wattpad mababasa ang kwento na ito. Kong malaman ninyo, makita o mabasa sa ibang site ang kwento na ito, please pakisabi agad sa totoong author nito. Maraming salamat.
BINABASA MO ANG
Kidnapped by Mistake
Fantasy(Book 1 and 2) (Completed) Dinukot s'ya ng dalawang estranghero para dalhin sa kanya at gawing asawa, ngunit hindi pala s'ya ang kailangan. Isang pagkakamali pala ang pagdukot sa kanya ngunit anong mangyayari kong ang pagkakamali na 'yon ay s'ya rin...