Chapter 36

851 36 26
                                    

Chapter 36

NAPABALIKWAS ng bangon si Amber nang magising siya. Nakita na lamang niya ang kanyang sarili na nasa loob ng isang pamilyar na kubo ngunit hindi niya matandaan kung kailan siya nakapunta ro'n. Masakit ang kanyang likod dahil sa matigas na papag na pinaghigaan niya. May liwanag na pumapasok sa mga butas sa kubo mula sa labas at nakakarinig din siya ng ingay mula sa labas ng kubo.

Hindi niya alam kung ilang beses ba siya magigising sa kung saan-saan at pakiramdam niya nasa loob siya ng kanyang panaginip. Dahan-dahan siyang umalis sa kama at ngayon lang niya napansin na suot niya'y isang puting bistida. Nakalugay ang mahaba at kulot niyang buhok. Napabuntong-hininga siya bago niya binuksan ang pinto kasabay ng paglakas ng kalabog ng dibdib niya.

Hindi niya inaasahan ang bumungad sa kanya. Wala na siya sa Holon o sa Surtar kundi nasa bundok siya kung saan nanatili ang tribo ni Minerva. May ilang napapasulyap sa kanya, may ilang wala namang pakialam sa kanya at para bang sanay na siyang naroon. Nakaramdam siya ng pagkahilo at panghihina kaya napahawak siya sa poste ng kubo sa tabi niya. Naaninag niya na papalapit si Minerva sa direksyon niya galing sa kumpulan.

Walang emosyong nakatitig sa kanya ang dalaga habang nakakunot-noo siya at para bang walang balak na tulungan siya, "gising ka na ba?" Sarkastikong tanong nito sa kanya.

"A-anong ginagawa ko rito?" Tanong niya. Pakiramdam ni Amber ilang araw o linggo siyang nakahilata at sobra siyang nakakaramdam ng panghihina.

"Saka ko na ipapaliwanag sa 'yo, may kailangan kang puntahan." Wika ni Minerva.

"Ano naman 'yon?" Napakalalim ng kanyang paghinga.

"Kasal ni Aero ngayon kay Helena, wala ka bang balak na pigilan siya?"

Nagulat siya sa kanyang narinig at para bang atomatikong nawala ang nararamdaman, "ano?"

"Isang buwan ka na naming nilalamayan, Amber, maraming nangyari habang wala ka at ngayong himalang nagising ka pa galing sa Holon, gumawa ka ng paraan para mabawi ang haring 'yon sa papalit sa 'yo," saka tumalikod sa kanya si Minerva at lumapit sa kumpulan uli.

'Isang buwan na akong pinaglalamayan? Ikakasal na si Aero? Anong nangyari sa loob ng isang buwan na nasa Holon ako?' Sunod-sunod na tanong ang tumakbo sa kanyang isipan dahil sa pagkabigla.

"Minerva!" Dahil sa bigla niyang pagsigaw lahat ng naroon ay napasulyap sa kanya lalo na si Minerva. Dahan-dahan siyang napasulyap sa pinuno ng tribo, "kailangan kong pumunta kay Aero."

Napangisi lamang si Minerva.

WALANG sinayang na oras ang dalawa at kahit na nanghihina pa rin si Amber pinilit niya si Minerva na ihatid siya sa Atohollo para pigilan ang sinasabing kasal nito. Nasa bayan pa lang sila'y hindi na makapasok ang kalesang ginagamit niya. Nanghihina man si Amber nagawa niyang makababa sa kalesa para makipagsiksikan sa kumpulan ng tao na nagdiriwang para sa kaarawan ng kasal na dalawang malakas na nilalang sa mundong 'yon. Ilang beses siyang tinawag ni Minerva ngunit hindi siya nagpatinag at halos ilang beses siyang naipit.

Pakiramdam niya 'pag hindi niya nagawa 'to habang buhay niyang pagsisisihan. Halos ilang beses niyang binuwis ang buhay niya kay Aero para lang makasama ito, hindi siya susuko. Halos pinabayaan niya ang tinalikuran niyang mundo noon para lang makasama ang binata. Habang papalapit siya sa maluwag na kalsada kung saan dadaan ang bagong kasal na hari at reyna lalo siyang nanghihina.

Tuluyan siyang nakalabas sa hindi mahulugang karayom. Ngunit may harang na mga kawal para nagpipigil na makapasok sa maluwag na kalsada. Napasulyap siya sa kanan ng makita niya ang papalapit na kalesa, nasa unahan ang mga kawal hanggang sa makita niya ang nakasakay doon, bagong kasal na nakasuot ng ternong kulay puting pang kasal, wala pang mas sasakit pa na makita ang lalaking pinakamamahal ay hawak ng iba.

Kidnapped by MistakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon