Chapter 42

823 41 36
                                    

Chapter 42

NAKAUPO si Aero sa sulok ng silda kung saan siya dinala. Hindi niya alam kung ilang araw na siyang naroroon simula nang ikulong siya ro'n. Ngunit hindi niya alam na halos isang linggo na siya ro'n, kasabay na hindi siya pinapakain at kahit painumin man siya ng tubig ay hindi ginagawa. Kasama ito sa pagpapahirap sa kanya bago siya makarating sa talagang parusa at pagpataw sa kanya ng kamatayan. Hindi na siya umalis sa sulok na 'yon, hindi na rin siya nakapagpalit ng damit nu'n simula nang alisin siya bilang hari, hindi na siya gaanong nakakatulog at pilit pa rin niyang pinanglalaban ang kakaunting lakas na natitira sa kanya.

Bumukas ang pinto ng silda at pumasok ang dalawang kawal. Binuhusan siya ng malamig na tubig ang isa rito, wala na rin paggalang ang mga dating kawal sa kanya dahil mas naniniwala ito ngayon sa pamumuno ni Helena at hindi man lang siya binigyan ng maayos na takbo ng imbestigasyon.

Wala siyang kalaban-laban at wala itong kaimik-imik sa sulok. Dahil do'n walang nagawa kundi ang hilahin siya sa braso ng mga kawal para lang mapalabas siya sa silda niya. Hindi pa ito tuluyang nakakalabas sa silda nang bumagsak na siya dahil sa panghihina. Ilang pulgada ang layo ni Sebastian sa kanya na hindi man lang magawang titigan.

"Kailangan po kayong dalhin sa Hex, para doon ganapin ang parusa ninyo ngayong hating-gabi," sabi ni Sebastian na nanginginig ang boses dahil hindi niya kaya ang nangyayari ngayon sa tinuturing pa ring hari.

Ang Hex ay isang kagubatan na malayo sa Atohollo. Doon dinadala o pinapatay ang mga nakagagawa ng krimen na galing sa opsiyalis. Kriminal ang tingin ng lahat kay Aero.

"Hindi na tumatayo ito, heneral, ano pong gagawin natin?" Tanong ng isang kawal.

Huminga ng malalim si Sebastian, "ako ng bahala sa kanya," yumuko at naupo si Sebastian sa tapat ni Aero, "isampa ninyo ang hari sa likod ko at ako na ang magbubuhat sa kanya..."

"Ngunit, heneral..."

"Huwag na kayo magmatigas at sumunod na lang kayo sa 'kin para matapos na ang trabaho natin," saway ni Sebastian.

Nagkatinginan ang dalawang kawal at saka pinagtulungan na isampa si Aero sa likod ni Sebastian. Nahirapan si Sebastian bago siya tuluyang makatayo dahil sa bigat ni Aero at halos mag-kaseng tangkad din sila, ngunit hindi niya inisip na mahihirapan siya dahil hanggang sa mamamatay siya magpapatuloy pa rin siyang magsisilbi kay Aero. Naglakad na sila palabas ng kulungan habang nakasunod ang dalawang kawal sa likod nila nang bumulong si Aero sa tenga ni Sebastian.

"Maraming salamat," nanghihinang bulong ni Aero.

"Huwag na po kayong magsalita," nilalakasan ni Sebastian ang loob niya ngunit gusto na niyang maiyak para kay Aero. Nasaksihan niya lahat ng paghihirap ng batang hari at malaking ang pasasalamat niya na tinuring siyang kaibigan nito, isang matalik na kaibigan.

"Hindi ako galit sa 'yo, kaya 'wag kang malulungkot, alam kong pipiliin mo ang pinakamamahal mo, ganu'n din naman ginawa ko bago ang lahat, kaya naiintindihan kita at 'wag kang magsisisi kung hindi ako pinili mo. Para rin 'yan sa kaligtasan mo---"

"Tumahimik na po kayo bago ko kayo ibagsak," saway ni Sebastian.

Mahinang tumawa si Aero, "alam kong hindi mo 'yon gagawin sa 'kin. Ilang beses mo na akong inuna bago siya na alam mong mahalaga rin sa 'yo. Gusto kong pagkatapos nito...ayain mo na siya ng kasal, magpakalayo-layo kayo...at 'wag ka nang tumulad sa amin."

Bigla na lang tumulo ang luha ni Sebastian ngunit hindi niya pinahalata sa kaibigan ang emosyon at nakinig lang siya.

"Naalala mo 'yung unang gabi ng kasal ko?"

Natawa siya sa tanong ni Aero at napangisi kahit na lumuluha. Bigla na lang sumagi sa kanyang alaala ang gabing 'yon.

~*~

Kidnapped by MistakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon