Kabanata 53

166 12 1
                                    

Sa pagsusulit na ito, mararanasan nilang mamatay. Ngunit oras na makabalik sila sa simboryo ay wala silang ibang dadalhin kun'di mga sugat at panghihina na naaayon sa paraan ng kanilang pagkamatay sa patimpalak.

Ilang pagsubok na ang nagdaan, ilang paghihirap na ang nalampasan. Marami na ang natumba, marami na ang sumuko, marami na ang naglaho at bumalik sa simboryo ng Vercua upang lunasan ang mga natamo ng mga ito sa kanilang kinaharap na pagsubok sa patimpalak.

Ang iba ay duguan, sugatan, nanghihina at halos mawalan ng ulirat nang sila ay ibalik sa simboryo. Nahulog na sila sa pagsusulit kaya wala nang pag-asa na makakamtan nila ang nakalaang anim na ranggo.

Subalit si Lucas ay maigting ang kagustuhang makatuntong sa pinakahuli-huling pagsubok. Matatag niyang sinalubong bawat balakid at hindi hinayaan ang sarili na mahulog. Noong oras na dalhin sila sa ibang dimensyon ay una nilang pinadpad ang napakataas na bangin na nalilibutan ng napakalalim na karagatan na marahas pang hinahampas ng pag-alon. Ilang metro sa kinaroroonan nila ay ang isa pang bangin na kailangan nilang tunguhin.

At ang tanging daan lang doon ay ang mga nakatayong poste na napakanipis ng sukat at iniindayog pa ng hangin. Sa pagsubok na iyon ay hindi nila maaaring gamitin ang kanya-kanyang kapangyarihan kaya't likas na kakayahan ang ginamit ni Lucas upang malampasan ang pagsubok na iyon.

Ang naisip niyang taktika ay idiretso ang tindig ng sarili at mabilis na hinakbang ang hiwa-hiwalay na poste. Kahit minsan ay nag-aalangan siya sapagkat gumagalaw iyon at kung mahulog siya sa karagatan ay tiyak na talo na siya. Hindi siya lumingon at hindi pinansin ang mga katunggali na sinasabayan siya. Kailangan niyang matuon ng husto sa hinahakbang.

Ang pangalawang pagsubok ay nasa pangalawang bangin na puno naman ng matatarik na kakahuyan. Madilim na kagubatan ang sumalubong kay Lucas roon. Hindi siya ang nauna dahil mayroong mas naging mabilis sa kanya. Tumayo ang balahibo niya sapagkat nababatid niyang may hamon din sa kagubatan na ito.

Sa paglalakad ay natigilan siya nang mapatingin sa naapakan niya. Isang kulay pulang uniporme na katulad ng kanya. Nang ilibot niya ang tingin ay may nakita pa siyang ibang uniporme. Isa lang ang ibig sabihin niyon, ang mga nauna sa kanya ay bumagsak na at bumalik na sa simboryo sapagkat hindi nila nalampasan ang laban sa gubat na ito.

"Ano naman kaya ang mayroon dito?"

Nilingon niya ang nagsalita at sumambulat ang hinihingal na si Zelle na kadarating lang.

"Ewan. Ngunit tila marami ang nalagas sa hamon na ito. Kaya kailangan nating maging alerto."

"Paano kaya---"

"Zelle!" hiyaw ni Lucas at dinamba ang walang malay na binibini sa higanteng warg na bigla nalang tumalon sa harap nila. 

Natumba sila sa lupa, nang magkasama. Si Zelle ay gulat nang tignan si Lucas na nasa ilalim niya. Samantalang ang ginoo ay sinuri pa kung nasaan ang warg na umatake. Ngunit nawala ito kaya binalik niya ang tingin kay Zelle.

"Naglalaho sila." aniya sa binibini. At natanto rin ni Lucas kung anong posisyon ang kasalukuyan nilang kinasasadlakan ngayon. "Ah, Zelle.."

"P-pasensya na.." madaling tumayo si Zelle at inayos ang sarili. Sumunod naman si Lucas.

"Ayos kayong dalawa, ah. Nasa patimpalak ngunit sumisingit pa rin ang lambingan." udyo ng isang lalaki sa kanila. Napayuko si Zelle.

"Manahimik ka, Shio." malamig na bigkas ni Lucas na pinagpag ang kanyang uniporme.

Humalakhak naman ang ginoo at tinuloy ang pang-uudyo sa kanila ni Zelle. May ilan pang nakarating na rin doon.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon