Kabanata 54

159 11 1
                                    

Magkakatabi silang anim na nasa gitna ng bulwagan. Naghihintay sila ng susunod na hamon. Ngunit nagtagal iyon. Tinitiis ni Lucas ang nanonoot na hapdi ng bawat sugat sa kanyang katawan. Napakasakit lalo ng tuhod niya. Hindi rin mabilang kung ilang lapnos at galos pa ang nasa iba't-ibang bahagi ng kanyang katawan. Tahimik silang anim roon at nagsilbing pamamahinga nila ang matagal na pagdating ng susunod na pagsubok.

Habang nakasalampak sa sahig at ilinaoahings ang katawan ay bigla nalang may lumitaw na tao sa harap nilang anim. Nakasuot ito ng tsokolateng kulay na balabal at hindi nila nakikita ang mukha. Naalarma silang lahat. Si Lucas ay hirap na tumayo upang maihanda ng lubos ang sarili kung sakali man.

"Mga butihing mag-aaral ng Vercua, ako'y narito upang maghatid lamang ng mensahe." tinig iyon ng isang babae. Napanatag sila nang marinig ang sinabi nito. "Narito ako upang ipaalam na ang susunod na pagsubok ay ipinagbabawal na ang paggamit ng kanya-kanyang kapangyarihan."

"Ano?"

"Hindi ako makapaniwala!"

"Paano naman iyon?"

Kanya-kanyang reaksyon ang mga ito liban kay Lucas na kumunot lamang ang noo.

"Ang alituntuning ito ay mahigpit na ipinag-uutos ng pinuno ng konseho. Ang sino mang lalabag, tiyak na malalaglag." litanya ng babae na nagpatahimik sa kanila.

"Ngunit, anong gagawin namin? Mano-mano na ang laban?" nagugulumihang tanong ni Zelle.

Nakita nila ang pagngiti ng babae sa ilalim ng tabing sa mukha.

"Hintayin ninyo ang inyong makaka-agapay. Dala nila ang dapat para sa inyo."

Hindi nila naunawaan ang sinabi nito.

"Makaka-agapay?" usal ni Lucas.

"Sa ngayon, nakabatay sa kanila ang tagumpay niyo sa pagsubok na ito. At ang ibinigay nila ay siya nang gagamitin niyo hanggang sa huling laban. Walang kapangyarihan." iyon lang at bigla nalang ulit naglaho ang babae.

Natahimik silang lahat at napapaisip. Wala silang ideya kung ano ang hihintayin nilang tulong. Ngunit hindi nila maaaring buwagin ang iniwan nitong paalala. Wala nang gagamit ng kapangyarihan. Nakarinig sila ng dagundong. Mula ulit iyon sa mga pintuan. At ang lumabas mula roon ay naglalakihan na namang estatuwa. Anim iyon, kapareho ng bilang nila.

"Hindi maganda ang kutob ko." giit ni Lucas na nakatingin sa katapat niyang pintuan.

Isang higanteng estatuwa ng mandirigma at may hawak itong napakalaking palakol ang nakatapat sa kanya. Ang iba ay ganoon din. May hawak na mga sandata. Sabay-sabay silang napahiyaw at napaatras sa gulat nang magmulat ang mga mata ng mga estatuwa. At lalong naghatid sa kanila ng pangamba na humakbang ang mga ito ng malalaki na nagdulot ng pagyanig sa kinaroroonan nila.

"Lagot! Kailangan natin silang labanan!" gilalas ni Shio nang i-amba ng katapat nitong estatuwa ang hawak na sibat. Umaatake ang mga ito sa kanila at wala silang nagawa kun'di umiwas ng umiwas.

Umatras si Lucas nang iwasiwas nito ang higanteng palakol. Hindi man makalakad ng maayos ay nanatili siyang maliksi. Hindi siya maaaring tamaan, ngunit hindi niya rin naman ito maaaring gawaran. Oras na gumamit siya ng kapangyarihan, mahuhulog na siya sa paligsahan. Iniisip nalang niya ang iniwang salita ng babae kanina. Mayroon silang kaagapay na maghahatid ng tulong. Kailangan niyang hintayin iyon. Kaya kailangan niyang maging matatag hanggang sa dumating iyon.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon