Naiwawaksi niya ang mga palaso ko sa pamamagitan ng pagwasiwas ng sibat. Ang iba ay kahanga-hangang napapalipad niya pabalik sa akin kaya umiiwas rin ako. May isang hindi ko naiwasan at dinaplisan ang aking braso kaya ako dumaing. Binalewala ko iyon at pinagpatuloy ang pagpapa-ulan sa kanya ng mga palaso. Nadaplisan ko na rin siya sa tagiliran.
Tumakbo ako sa poste kung saan nakapuwesto sina Ina at maabilidad kong inakyat iyon nang hindi pa rin tinitigilan si Ada. Nasa tuktok ako habang tinitira siya. Iniikot niya naman ang sibat upang pantaboy sa mga palaso.
Nakita ko siyang sinipa ang nabitawan niyang espada kanina at kahanga-hanga kung paano niya iyon i-angat gamit lamang ang isa niyang paa, saka niya sinipa ang hawakan upang paliparin tungo sa akin.
Bago pa iyon tumama sa kinatutuntungan kong poste ay tumalon na ako at umikot sa ere. Magaan ang pagbagsak ko sa sahig, nakaluhod ang isa kong tuhod at nakaposisyon pa rin sa pagpana. Nagliparan pa ang mga niyebe sa aking kaligiran. Tinignan ko iyong poste at nakitang nakatarak na doon ang espada na pinalipad niya.
Ngumisi ako.
"Ang husay nila pareho."
"Hindi maipagkakaila na pareho silang Arden."
Isa lamang iyon sa naririnig kong bulungan ng mga nanunuod. Nakita ko si Ada na susugurin muli ako. Nakasayad ang dulo ng sibat sa sahig kaya kumakayas iyon na nagiging rason din ng paglipad pa ng mga niyebe. Inangat ko ang posisyon ng aking pana nang tumalon siya ng napakataas.
Nanliit ang mga mata ko at pinag-igihan ang pag-asinta sa kanya sa ere. Nakaamba na ang kanyang sibat sa akin. Gusto ko pang humanga sapagkat sa paglipad niya'y sumama ang mga niyebe. Napakaganda ni Ada sa posisyon na iyon.
Pinalipad ko ang isang palaso, sinundan ko ng isa, at isa pa. Naiwaksi niya ang lahat ng iyon at binalik sa akin. Tumayo ako upang umiwas din. Isa nalang ang bala ko. Kinayas ko ang isa kong paa sa niyebe at umikot kasabay ng paglagay ng natitirang palaso sa kuwerdas ng pana.
Tamang-tama ang kanyang pagbagsak sa pagharap ko. Naitutok niya agad ang talim ng kanyang sibat sa aking leeg at naitutok ko din agad ang palaso sa kanyang dibdib.
Taas noo naming tinitigan ang isa't-isa.
Hinihingal siya dahil mas marami siyang kilos na ginawa. Ako naman ay mabagal ngunit malalim ang paghinga. Bumabagsak sa amin ang mga niyebeng pinalipad namin kanina.
"Mahusay." aniya at ngumiti.
Gumanti ako, "Walang kupas." sabi ko.
"Arden Serin."
"Arden Heshia."
Sabay naming sinabi sa isa't-isa. Ngumisi rin kami sa isa't-isa bago marinig ang sunod-sunod na palakpakan ng mga nanunuod.
"Ang husay! Kahit matanda na may ibubuga pa!" palahaw ulit ni Kiana. Nagtawanan ang mga nakarinig ngunit tumahimik nang tumalim ang mata ni Ada Heshia sa kanila.
Umangat ang kilay niya sa mga ito. Lalo na sa likod ko. Bago ko pa malaman kung sinong tinitignan niya roon ay mabilis nang hinaklit ni Lucas ang nakatutok na sibat sa akin at ibinaba niya din ang hawak kong pana.
"Ano bang ginagawa ninyo?" seryosong aniya at nakakunot ang kanyang noo. "Nag-aaway ba kayo?"
Tinignan niya ang mga sugat ng kanyang Ina bago buntong hiningang bumaling sa akin. Umigting ang kanyang panga nang makita rin ang mga sugat ko.
Hindi ko maiwasang pasadahan siya ng tingin. Napakaganda niyang tignan sa kanyang suot na ginintuang baluti. Hawak niya pa ang kanyang salakot na tila kaaalis niya lang sa kanyang ulo dahil magulo pa ang kanyang buhok.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...