Talaga namang tanikala ang higit na nakakuha ng atensyon ko na hawak nila. Sa palagay ko ay iyon ang mas kailangan kong iwasan kaysa sa mga palaso at punyal na ngayon ay nakatutok sa amin ni Eurron. Nanatili akong nakikiramdam, gayong ang mga ito ay wala pang ginagawang hakbang. Sadya ngang malakas ang kanilang loob upang ipagpatuloy ang adhikaing makuha ako upang makapaghiganti sa Hari.
Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit kailangan nila akong dukutin? Sino ang may kailangan sa akin? At napapansin ko rin na ako kadalasan ang kanilang inaatake. Siguro'y ako itong palaging nasa labas ng palasyo at madaling mamanmanan ang mga kilos ko.
Batid kong hindi nila ako papatayin. Ang mga tanikalang hawak ay kanila lamang ikakabit sa aking leeg upang ako ay manghina at mawalan ng kapangyarihan nang sa gano'y maging madali para sa kanila na ako ay isama.
"Hindi ba kayo nagsasawang sumubok?" pagbasag ko sa kanina pang katahimikan. Lumapit sa akin si Eurron, pinapakiramdaman lang rin ang mga nakapalibot sa amin. "Gusto n'yo yatang bumalik sa Dorq." ngumiti ako sa kanila.
Nanliit ang mga mata ko sa lumabas mula sa isang puno. Sa mga taong ilang metro ang layo sa amin ay siya ang pinaka-lumapit.
"Balak mong gawin ang kaparehong ginawa sa amin ng iyong Ama?"
Pinakatitigan ko siya. Mas lalong napangiti dahil kahit na mata lamang ang aking nakikita ay naaalala ko ang boses niya. Hindi ako nagkakamali, batid ko. Siya iyong babaeng nakailang ulit na sumampal at sumuntok sa akin.
"Binalikan mo nga ako." tukoy ko sa kanyang sinabi sa aming una't huling tagpo.
"Nakilala mo ako, mahusay." aniya.
Sa gilid ng mata ay hagip ko ang paglagay nila ng palaso sa mga pana. Handa nang bitiwan at ipabulusok sa aming gawi.
"Mga tulisan, batid kong wala kayong mga kapangyarihan. May pagkakataon pa upang kayo ay lumisan." kalmado ngunit may bantang hayag ni Eurron.
Kung kanina ay panay ang kanyang paghagis ng sibat, ngayon ay kampante siyang nakahawak lamang sa tali ng kabayo at espada.
"Dakpin ang Prinsesa!" sigaw nito na agad namang sinunod ng mga alagad.
"Isa akong Arden para sa iyong kaalaman." inirapan ko siya at inilabas ang Meihr.
Bababa pa lang sana ako sa kabayo nang bigla nalang may tumubong yelo sa lupa at pinalibutan kaming dalawa ni Eurron. Isang pananggalang. Tinignan ko siya.
"Ano ang ginagawa mo?" nakakunot ang noo ko.
Mistula itong balwarte at ang mga palaso ng mga tulisan ay dinig kong pilit na pinatatamaan ito mula sa labas.
"Hayaan mong protektahan kita sa unang araw ko bilang iyong bantay, mahal na Prinsesa." nakatingin siya sa akin.
Napaawang ang bibig ko nang bigla siyang maglaho mula sa sinasakyang kabayo. Nag-iwan iyon ng tila mga niyebe sa dati niyang puwesto. Hindi maipagkakailang yelo ang pangunahing kapangyarihan ng mga taga-Clavein.
Pinalitan ko sa ginto ang mga mata upang makita ang kaganapan sa labas. Sa halip na mamangha ay nakaramdam lamang ako ng pangmamaliit. Sa tingin ba niya ay hindi ko kayang ipagtanggol ang aking sarili? Mas lalo lamang akong pinang-iinitan ng ulo dahil dito. Ano ang silbi ng pagiging Arden ko?! Sa inis ay winasak ko ang ginawa niyang pananggalang. Gulat siyang tumingin sa akin na ngayon ay nakikipagtagisan.
"Hindi ako basta Prinsesa lang, ginoo." malamig kong sambit at tumalon mula sa kabayo.
Hinampas ko ng Meihr ang natirang yelo, ang mga nahagip na parte ay lumipad patungo sa mga gusto akong sugudin. Nadali ang ilan at bumagsak. Saka ko pinaikot ang Meihr at sinaksak ang nasa kanan ko.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...