"Sinabi ko kasing huwag na." bulong ni Lucas.
"Ano iyon?" tanong ulit ni Ada Eowyn sa kanya.
Matamang nakatingin pa rin sa akin si Master Gustave.
"May naligaw lang na halaman sa ibaba." nakatingin pa rin siya sa akin. At pinatong niya ang kamay sa lamesa kung saan naroon ang rosas. Nanlumo ako. "Gusto yatang bumalik sa nagmamay-ari."
Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na umiling.
Narinig ko ang nababahalang buntong hininga ni Lucas."Pagmamay-ari ito ng--"
"Para kay Ada, 'di po ba?" singit ko. Ngumiti ako ng inosente, "Ibibigay mo 'yan kay Ada Eowyn." kompiyansa ko pang dagdag.
Malamig niya naman akong tinignan. Nalintikan na.
"Wala akong hilig sa bulaklak at batid mo 'yan, Gustave."
Sabi ko nga... Ang sama na ng tingin niya sa akin. Dapat lang din naman sapagkat marami na akong kasalanan sa kanya sa loob lamang ng gabing ito.
"Hindi nagmula sa akin ito," malamig niyang sinabi. "Naligaw." aniya at pinalutang ang bulaklak.
Diretso sa gawi ni Lucas! Nahigit ko ang hininga. Bakit niya binigay kay Lucas?! Nang tignan ko siya ay nakangisi na siya sa akin. Bumabawi siya?
"Kunin mo na." sinabi niya na ang paningin ay na kay Lucas. Pakiramdam ko'y huminto ang aking mundo. Bakit kailangang gawin ni Master Gustave iyon? "At ibigay mo sa kanya." dugtong pa ng magaling kong Hama!
Hindi ko alam kung namumula ba ako o namumutla. Sa gilid ng mata ko ay abot tanaw ko ang kabisera ng hapag. Si Ama. Pormal na nakaupo at hawak ang kanyang kopita, at matamang nakatingin sa aming gawi! Nanlalamig ang kamay ko nang hawakan ko ang kay Lucas sa ilalim ng mesa.
"Sa akin po nagmula ito. Nahulog lang nang tangkain kong ibigay sa Prinsesa. Pinaglalaruan ko pa kasi kanina." Kinuha iyon ni Stefan sa ere. Buong-buo ang ngiti niya na inabot sa akin ang bulaklak.
Doon lang yata ako nakahinga ng maluwag. May pag-aalangang kinuha ko ang rosas.
Nginitian ko ang makatwirang si Stefan, nagpasalamat ako sa pamamagitan ng ngiting iyon. Narinig ko naman ang singhal ni Lucas, kapareho ko'y nawala ang bara sa dibdib. Sinulyapan ko si Master Gustave na ganoon pa rin ang ekspresyon, sinamaan ko siya ng tingin. Ayaw kong pangibabawan ng hiya kaya inayos ko ang sarili upang maging kaswal ulit.
"Ada, kailan kayo mag-iisang dibdib ni Hama?" nasasabik kong tanong kalaunan.
Natigilan siya roon at nangunot ang kanyang noo. Tila ba pinag-iisipan kung ano ang sinabi ko ngunit alam na niya iyon.
"Mag-iisang... Serin..." inilingan niya ako.
"Mahalaga ring malaman namin iyon. Gayong nasa iyo ang desisyon. Sagutin mo ang tanong ng iyong pamangkin." si Ina iyon na nakangiti kay Ada.
"Sang-ayon ako. Huwag mo nang ikahiya pa, Eowyn. Tutal ay para sa inyo ang salo-salong ito." salita mula kay Lady Caelia.
Natuwa naman ako sapagkat naging pabor sa akin ang aking binitawang tanong. Kaya lamang ay hindi yata naging komportable si Ada. Natahimik siya at bahagyang nakayuko. Tinignan ko si Master Gustave na tahimik rin. Saglit niyang sinulyapan si Ada bago uminom.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...