Kababata 24

244 15 0
                                    

Nakarinig ako ng mga yabag. Siguro ay narito na ang Hari. Ilang oras na kasi akong nagmumukmok dito upang titigan ang mga abo ng pakpak ko. Kanina ay walang katao-tao sa loob ng kanyang tanggapan kaya ako nanatili dito. Nakita ko sa kahon na salamin ang mugto kong mata.

"Ano ang iyong nakalap?" boses ni Ama.

"Napag-alaman ko na ang mga tulisang pumasok dito sa palasyo ay kasamahan ng mga taong muntik nang dumukot kay Serin, kamahalan." si Ser Lumnus. "At nababatid kong iisa ang kanilang hangarin."

"Si Serin ang kanilang pakay, malinaw iyon."

Kumunot ang noo ko. Ako? Ngunit tinangka din nilang patayin ang Reyna. Ibig sabihin ay dalawa kaming pakay ng mga taong iyon.

"Ang mga ginamit nilang ibon ay mga Gorlakk. Ang masasamang ibon na nakakulong sa bundok ng Dorq, kaya hindi maipagkakailang ang mga tulisang nagtangka sa palasyo ay ang mga taong pinatapon mo rin sa bundok ng Dorq."

Gorlakk? Dorq?

"Paano sila nakalabas ng Dorq? Wala silang mga kapangyarihan upang wasakin ang mahikang nagkukulong sa kanila."

"Iyon ang ipinagtataka ko. Nakakapagduda na nakatakas sila. Ngunit sa tagal ng panahon, marahil ay nakagawa na sila ng paraan upang makalabas."

Pinatapon sila ni Ama. Kaya marahil ay ganoon na lamang ang galit sa akin ng babaeng iyon. Galit sila kay Ama kaya ako ang pinagtuonan niya ng galit.

"O marahil ay naging mahina na ang mahikang humaharang sa bundok kaya naging madali para sa kanila ang lumabas." si Ama.

Mahika? Ganoon ba sila kadelikado upang ikulong sa mahika?

"Nakausap mo na ba si Serin?" tanong ni Ser Lumnus. Kumunot naman ang noo ko.

"Masama ang loob niya sa amin kaya siya ay lumalayo." sagot ni Ama.

Sino ba ang hindi sasama ang loob dahil sa kanilang nakapang-hihindik na iniisip. Pinahirapan niya pa si Lucas na hanggang ngayon ay hindi ko pa nakikita. Galit ako sa kanila.

"Nauunawaan ko sapagkat ganyan din sa amin si Lucas. Kasalanan ko."

"Kakausapin ko ang iyong anak. Kailangan kong..."

Pumintig ang tainga ko sa narinig. Nangunot ang noo ko nang hindi na sinundan pa ni Ama ang kanyang linya.

"Isa akong hangal upang isipin iyon sa inosenteng tulad niya. Hinayaan ko ang aking bugso na maghari sa aking dibdib at hindi na ako nakapag-isip pa ng tuwid.." Narinig ko pa mula dito ang buntong hininga ni Ama. "Ang kanyang mga aksyon ay sapat na upang mahirapan kaming muli na suyuin siya." dagdag pa niya.

Mahina akong suminghal at nagtungo sa durungawan. Tinanaw ko ang mga bulubundukin na pinapangibabawan ng mga ulap. Kay gaganda ng mga ito at rumerepleka pa sa anyong tubig sa ibaba.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon