Kabanata 38

191 10 0
                                    

Serin

Makailang ulit nang nangyari sa akin ang bagay na iyon. Maraming beses na akong natuklaw ng ahas, at sa tuwing nangyayari iyon ay tiyak ang kamatayan ko kung hindi agad na maaalis ang lason sa aking katawan. At ngayon ay muli na namang nangyari.

Ang pamilyar na paghigpit sa daanan ng aking hangin upang huminga ay muli na namang naganap. Ang panlalamig ng pawis at pamumutla dulot ng lason ay kumakalat sa aking katawan. Sa budhi ng mga taong dumukot sa akin, tiyak kong hindi nila ako lulunasan.

Ramdam ko ang kirot ng kamandag sa aking mga ugat. Nagtagal iyon ng ilang oras at ako'y nawalan ng ulirat.

Subalit siya na lamang ang aking pagtataka. Sapagkat ngayong nagising ako'y wala akong maramdamang kakaiba. Tila ba walang lason ang pumasok sa aking katawan. At wala rin ang kirot ng sugat sa aking noo. Magaan ang lahat para sa akin na tila ba wala akong natamo. Iniisip kong ginamot nila ako subalit napakalaking kalokohan niyon.

"Patay na siya! Ano ang ginawa ninyo?!"

Nanatili akong nakapikit at pinapakiramdaman lamang ang paligid.

"Wala kaming ginawa. Malay ko bang ikamamatay niya ang tuklaw ng ahas!"

Patay? Ako ba ang kanilang tinutukoy? Iniisip nilang patay na ako subalit naririnig ko ang kanilang tinig at nararamdaman ko ang maluwag na paghinga. Ibig sabihin marahil ay talagang hindi nila ako nilunasan.

Nagmulat ako ng mata. At nang gawin iyon ay agad na dumiretso sa aking pulso ang paningin ko. Kung saan nakakabit ang pulseras na binili ko sa Peryvell upang maging regalo para kay Lucas. Nagtubig ang mata ko sa reyalisayon.

"Ang mga sinulid sa pulseras na iyan ay yari sa hiniblang iba-ibang uri ng halamang gamot. Hindi lamang iyan palamuti, kun'di mainam din na proteksiyon."

'Yung ale. Naalala ko. Marahil ay ang pulseras na ito ang nagpagaling sa akin. Nawala ang aking mga sugat, at higit sa lahat, nawala ang lason ng ahas sa aking katawan. Labis pa man din ang pagtanggi ko sa kanya noong ibinibigay niya ito. Napakasuwerte ko at tinanggap at sinuot ko ito.

Sa kabila ng kinasasadlakang sitwasyon ay nagawa kong ngumiti. Tila nais kong bumalik sa Peryvell upang pasalamatan 'yung ale. Hindi ko akalaing ako ang unang makikinabang sa mahika ng pulseras na ito.

"Paano pa natin magagawa ang plano? Hindi na natin makukuha ang kanyang kapangyarihan gayong patay na siya!"

Tumiim bagang ako. Ang boses na iyon ay tila narinig ko na dati. Hindi masyadong pamilyar subalit tumatak na sa isip ko ang himig na iyon na minsan ko nang narinig.

"Hindi pa huli ang lahat. May pagkakataon pa." boses iyon ni Reo.

Desperado silang angkinin ang aking kapangyarihan. Malaking kalokohan ang kanilang nais.

"Oo nga't makakuha natin ang kanyang kapangyarihan, subalit ang inkantasyon ay hindi na maisasagawa pa!" galit na sigaw ng taong kausap ni Reo.

Inkantasyon, huh? At anong uri ng inkantasyon ang gagawin nila maliban sa pag-aalis ng aking kapangyarihan? Ginalaw ko ang mga kamay. Nakahiga ako ngayon sa isang salamin na lumulutang. Napatunayan ko iyon sapagkat nakikita ko ang sahig sa ibaba at mayroon akong repleksyon.

"Mabibisto ang aking anak at mapapahamak siya." dinig kong sabi pa nung babae.

Akala ko'y ang kinahihigaan ko lamang ang salamin, subalit nakakulong talaga ako sa salamin. Saan mang sulok ako lumingon ay nakikita ko ang aking malabong repleksyon. Kaliwa, kanan. Taas at ibaba.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon