Tatlong taon...
Hindi naging madali ang pinagdaanan ko. Araw araw ay nagpakahirap ako na umahon sa trahedya. Pinagpilitan ko sa sarili na huwag umiyak para doon. Na huwag magdamdam at manimdim. Na huwag mangulila at huwag siyang hanapin.
Ang bawat araw sa loob ng tatlong taon na iyon ay napakadilim para sa akin. Ngunit binago ko ang aking sarili. Nagpakatatag ako, naging malakas ako at hindi na sensitibo. Mahihirapan nang umalpas ang luha sa aking mata dahil matatag ang ihinarang ko sa mga ito. Maging ang puso ko'y binalot ko ng husto nang hindi na ito masaktan at madurog.
Tapos na ako sa lahat ng mga iyon. Tapos na ako sa pagiging mahina. Iba na ako ngayon at alam ko iyon.
Kaya ngayong nakita ko siya matapos ang mahabang panahon, naramdaman ko ang aking pangungulila ngunit nanatili akong walang emosyon. Gusto ko mang ipakita ang aking lumbay sa kanya ay hindi na ako pinahintulutan ng aking loob. Tila nakatingin ako sa estatuwa ng isang ginoo na matagal kong hindi nakita.
Kung ako pa rin ang dating Serin ay batid kong bibigay na ang aking emosyon at malamang kanina pa ako humagulgol. Malamang manginginig na ako at tatakbo sa gawi niya upang yakapin siya ng mahigpit. Iiyak ako sa kanyang dibdib at sasabihin kung gaano ako nangulila sa kanya. Hahagudin niya ang buhok ko habang pinapatahan ako at sasabihin ang kanyang mga dahilan kung bakit niya ako iniwan.
Susumbatan ko siya at hahampasin siya sa dibdib dahil iniwan niya ako at hindi man lang siya nagparamdam. Tapos ay hahawakan niya ang aking mukha at papahirin ang aking mga luha. At hihingi siya ng walang katapusang kapatawaran sa akin dahil nagawa niyang iwan ako sa kabila ng kanyang mga pangako.
Imahinasyon ko lang ang mga iyon at inaalala ang nagdaan kong pagkatao. Sapagkat tiyak na ganoon ang magaganap kung sensitibo at iyakin pa rin ako. Ngunit napakalaking taliwas ng imahinasyon ko sa kung ano ako ngayon.
"Kuya Lucas! Kuya Lucas, ikaw nga!" nangungulilang tumakbo si Lira tungo sa lalaking nakatayo ilang hakbang ang layo mula sa amin.
Huminto ang kapaligiran sapagkat literal na tumahimik ang lahat nang sandaling magtitigan kami ni Lucas. Pinapakiramdaman nila kung ano ang mangyayari ngayong nagkita na ulit kami. Ang mga magulang niya ay nakasubaybay sa akin, umaasa sa aking matinding emosyon.
Subalit hindi ko kaugalian ang maghisterya sa pangungulila. Ako ang Prinsesa ng Alteria at ikakababa ng aking dangal ang magpakita ng matinding emosyon sa harap ng aking nasasakupan.
Sa isang simsim pa sa aking tsaa ay tumindig ako at taas noong inalis ang tingin sa kanya. Kaya nabigo ang mga umaasa na magkakaroon ng madamdaming paghaharap sa pagitan namin ni Lucas.
"Nais kong magpahinga. At umaasa akong ililibot mo ako sa iyong tahanan, Eurron." baling ko kay Eurron na nahuli kong ngumisi at puno ng paghanga sa aking ipinakita.
Tumango siya.
"Ikalulugod ko, kamahalan." bahagya siyang yumuko bago harapin ang kanyang Ina, "Ina, kailangang magpahinga ng mahal na Prinsesa at ng mahal na Reyna. Bigyan n'yo ho sila ng komportableng akomodasyon."
"Siyempre naman, anak. Nakahanda na ho ang inyong tutuluyan, mga kagalang-galang." giit ng ginang at yumukod kay Ina. "Dito ang daan, kamahalan." may mga taga-silbi ng Clavein ang nakalinya para sa amin ni Ina. Ang iba ay para kina Ada.
Ngunit si Ina ay hindi pa kumilos at tumingin siya sa gawi ni Lucas. Naging ma-awtoridad ang ekspresyon niya.
"Marahil ay iisipin kong nakakita lamang kayo ng ordinaryong tao." sinabi niya iyon sa ilalim ng boses ng isang Reyna. Malamig at madiin. "Nabigo ako." mas malamig pang usal ni Ina na nagpasinghap sa mga taga-Clavein.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...