Hawak ang tig-isang espada ay nagsasanggaan kami at nagpapalitan ng atake. Hinawi ko ang hawak sa tagiliran niya ngunit tumagilid siya at hinampas ang espada ko. Mabuti ay mahigpit ang pagkakahawak ko at hindi ko nabitawan.
Agad akong umatras ng sinubukan niya akong atakihin sa tiyan. Si Ada Heshia ay para bang ka-edad ko lamang at magaslaw pa rin ang bawat kilos at mabibigat ang bawat atakeng iginagawad niya.
Bihasa ako sa espada, ngunit mas lamang siya. Tumalon ako nang hawiin niya ang espada sa mga paa ko, matapos ay nagpagulong ako sa sahig at sinangga ang espada niya habang nakaluhod.
Ngayon ko lang siya nakaduwelo at talaga namang mahirap ang bawat pag-iwas at pag-atake sa kanya. Matulin siya at nababasa niya ang bawat galaw ko. Sinipa ko ang isang paa niya kaya nakakuha ako ng pagkakataong tumayo. Sinugod ko siya at muling nagkalansing ang mga espada namin sa pagsasangga. Nahagip ng espada ko ang kaliwang braso niya kaya nasugatan siya.
"Pasensya na.."
"Hindi pa tapos." aniya at siya naman ang sumugod.
Mas naging mabilis siya ngayon. Sinangga ko ang espada niya ngunit hindi ko inaasahang sisipain niya ako sa tagiliran kaya bahagya akong napaatras.
Sumunod ang pagtusok niya sana sa binti ko ngunit agad ko iyong nabasa at nagawa kong umiwas. Ngunit ang sumunod niyang atake ay hindi ko na nagawang sanggain kaya dumaan ang talim ng espada niya sa tagiliran ko. Agad na lumabas ang pulang likido mula dito. Para akong tanga at nagawa ko pang ngumiti dahil sa kasilayan ng aking sugat.
"Ngayon lang ako muling nasugatan. Isang karangalan na nagmula pa ito sa dakilang Arden." sambit ko.
"Nasugatan ko ang Prinsesa ng Alteria, mas malaking karangalan para sa akin." tugon naman niya kaya natawa ako.
Hindi pa do'n nagtatapos ang laban at muli kaming nagtagisan ng espada.
Nang makakuha ng pagkakataon ay nagawa ko siyang linlangin sa pamamagitan ng kunwaring paghawi ng espada sa kanan niya. Hindi niya agad napansin ang kilos kong iyon kaya sa ibang anggulo niya naipuwesto ang kanyang espada.
Kaya sa huli nagawa kong maitutok sa leeg niya ang dulo ng espada ko. Pareho kaming nangiti sa isa't-isa.
"Ito ang kagandahan ng maigi niyang pagsasanay sa 'yo. Bihasa ka at mahusay." Sabi niya habang bahagya siyang nakatingala dahil nga nasa pagitan ng baba at leeg niya ang dulo ng espada ko.
"Ikinagagalak kong madinig iyan." nakangiti kong tugon.
Napalitan ng mapaglarong ngiti ang namuo sa kanyang labi. Hindi ko inaasahang tatagilid siya at hinayaang dumausdos ang talim ng espada ko sa gilid ng kanyang leeg. Nang makawala ay nakakuha siya ng pagkakataon para hampasin ang talim ng espada ko bago niya sipain ang kamay ko.
Kaya ang kinalabasan ay tumilapon ang hawak kong espada at siya naman ang nagtutok sa akin.
"Mahal na Prinsesa, nautakan yata kita?" nakangiti niyang sabi.
Hindi maipagkakaila ang husay niya. Sadyang tinitingala at hinahangaan ko siya.
"Walang sinabi ang edad mo sa iyong kakayahan, Ada." nginitian ko din siya na ngayon ay nakaangat ang isang kilay.
Bumuntong hininga siya at ibababa na sana ang espada nang umangat ang kanan kong paa at tinamaan ko ang kamay niyang nakahawak dito. Sinundan ko pa ng pag-ikot sabay isa pang sipa kaya tumalsik din ang espada mula sa pagkakabitaw.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasíaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...