Kabanata 23

228 14 1
                                    

Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari. Gulong-gulo ako kung bakit ganito nalang ang pagkukumahog ng mga kawal. Na pati si Ser Lumnus ay nagpupuyos sa galit. Nagdagsaan na ang mga luha sa aking pisngi dahil sa nasisilayan. Mahigpit akong hawak ng mga kawal at hindi hinahayaang makalapit kay Lucas.

Halos tumalsik siya dahil sa lakas ng pagsuntok sa kanya ni Ser Lumnus. Agad na nagkaroon ng sugat sa gilid ng kanyang labi, dahil sa dugo niyon ay batid kong hindi lang iyon basta galos.

"A-ano ba?! Ser Lumnus!" lumuluhang pagtawag ko sa kanya nang itayo niya mula sa pagkakatumba si Lucas at muling sinuntok.

Galit na galit siya. At binubugbog na niya si Lucas!

"Hindi kita pinalaking ganito, Lucas!"

Pareho kaming nalilito dahil sa inaasta ng kanyang Ama. Awang-awa ako sa kalagayan niya. Hindi siya lumalaban kay Ser Lumnus kaya naman ngayon ay duguan na pati ang kanyang ilong.

"A-ano bang nagawa ko, Ama?" nanghihina niyang tanong.

Hindi ko akalaing magagawa niya ito kay Lucas. Nanggigigil siya at mahahalata iyon sa nanginginig niyang kamao na ano mang oras ay maaaring lumipad muli patungo sa mukha ni Lucas.

"Magbihis ka ngayon din. Haharapin mo ang Hari." puno iyon ng talim. "Dalhin ninyo ang Prinsesa. At kaladkarin ang ginoo papunta sa bulwagan ng Hari." aniya sa kanyang awtoridad bilang pinuno ng mga mandirigma.

"S-sandali lang, Ser Lumnus. Si Lucas.." nagpupumilit akong kumawala sa mga may hawak sa akin.

Kahit na mayroon din akong awtoridad ay hindi nila iyon pinapakinggan. Mas nangingibabaw ang utos ni Ser Lumnus at kung ano man ang utos ng Hari. Gusto ko siyang gamutin. Duguan si Lucas na likha mismo ng sarili niyang Ama. Hindi ko pa siya nakita na maging ganito karahas kay Lucas, at ang galit sa mga mata niya habang nakatingin dito ay nag-uumapaw. Hindi ko maintindihan.

"Ser Lumnus, ano po bang nangyayari?" sabi ko sa pagitan ng pagluha. Sa tingin ko ay paroroon kami sa bulwagan ng Hari.

"Ikalat na nakita na natin ang Prinsesa." utos niya sa isang kawal.

"Masusunod, pinuno."

Sinundan ko ng tingin ang kawal na inutusan niya. Hinahanap ba nila ako?

"Ser Lumnus, bakit po ba?" ngayon ay lumuluha ako sa sitwasyong hindi ko maintindihan. Kung bakit ganito nalang siya kagalit at binugbog niya pa ng ganoon ang anak niya.

"Harapin mo nalang ang iyong mga magulang, Serin." problemado siyang napailing at nahilot ang kanyang sentido bago nagpatuloy.

Ano na naman ba ang nagawa ako? Hindi ko na sila maunawaan. Lahat nalang ba ng kilos ko ay pagkakamali?

Sa bawat hakbang na nililikha ay panay ang lingon ko sa likuran. Hinihintay ko si Lucas ngunit hinihila ako ng mga kawal. Bakit kailangan niya ring harapin si Ama? Ano ba ang nagawa niya? Nanlulumo ako ng marating na namin ang bulwagan. Gabing-gabi na para sa ganitong sitwasyon.

Si Ama at Ina ay nakaupo sa kanilang trono. Ngayon ko lang muling nasilayan ang ganitong kapangyarihan na nananalaytay sa kanila, iba ang usok na lumalabas sa kanila sa tuwing hindi sila nakaupo sa kanilang trono.

Ngunit ngayon, ang usok na lumalabas sa kanila ay usok ng Hari at Reyna. Puno sila ng kapangyarihan, awtoridad, intimidasyon at respeto. Sinisigaw nila sa simpleng pag-upo na sila ay ang pinaka-makapangyarihan sa buong Alteria.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon