"A-anong... anong nangyari?" nanginginig pati ang tinig ni Lucas.
Hindi niya alam ang dadamdamin, nakatingin lamang sa kanyang Ina na walang mulat. Pabagsak siyang napaupo sa sahig at sinalo ang mukha dahil sa labis na emosyon na nilalamon ang kanyang dibdib.
"Sa palagay ko'y nanggaling siya sa Yosei, pinuno, batay sa kung saan namin siya natagpuan. Malapit siya sa yungib na nalalapit sa gubat." ulat ng isang kawal kay Ser Lumnus.
Ngunit pati ang kanyang Ama ay tila wala sa wisyo upang dinggin pa ang ulat ng kawal dala na rin ng emosyon na parehong nararamdaman ni Lucas ngayon. Lalo pa't sa nasisilayang kalagayan ni Heshia na hindi nila lubos akalaing makakamtan niya.
Duguan ito at nababatid nilang may saksak dahil sa dugong patuloy na lumalabas sa kanya. Sa kanilang isip, sino ang may kakayahang gumawa nito sa kanya? Gayong si Heshia ay higit pa sa pagiging bihasa at dalubhasa ang kakayanan pagdating sa pakikipaglaban.
"Hindi... paanong.."
Nag-angat ng tingin si Lucas kay Lady Eowyn na inaasikaso ang kanyang Ina. Napasinghap pa at napatayo ito na tila labis nalang ang pagkagulat sa nakikita.
Nagtaka naman si Lucas at tumayo upang tignan kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ni Lady Eowyn.
"Bakit?" lumapit si Ser Lumnus na hindi pa rin mapalis ang labis na pag-aalala.
"Lucas, tumungo ka sa aking silid tanggapan ngayon din." ma-awtoridad na utos ni Lady Eowyn sa kanya.
"B-bakit ho?" mas lalong dinamba ng kaba ang dibdib niya sa reaksyon ni Lady Eowyn.
Bakas iyon ng pangamba at takot. Tumingin ito kay Ser Lumnus, saka pinunit ang kasuotan ni Heshia sa may bandang tagiliran na punong-puno ng dugo. Doon ay mas lalong dumaloy ang panlulumo sa mag-amang Cauveron dahil sa sumambulat sa kanila.
"Itim na apoy." Giit ni Lady Eowyn. Natuod sa kinatatayuan si Lucas na nakatingin sa malubhang lapnos sa balat ng Ina. "Magmadali ka. Kunin mo ang lunas!" aligaga nitong utos.
Ilang saglit pa siyang natulala bago matauhan. Saka malalaki ang hakbang sa pagtakbo marating lamang ang silid aklatan na tinutukoy ni Lady Eowyn. Kaya pala ganoon na lamang kabagal ang paghinga ng kanyang Ina na halos wala nang hangin pa.
Kahit na gayon ay nilinaw pa rin ang isip upang matunton ng maayos ang silid. Minadali niya ang sarili at binalewala ang paghangos dahil malayo-layo rin ang pinanggalingan niya sa paroroonan niya.
Pumasok siya sa silid ng tinutukoy ni Lady Eowyn upang salubungin lamang ni Serin na naroon din. Pareho pa silang nagulat nang makita ang isa't-isa.
"L-Lucas.." tila ang binibini ang lubos na nagulat sa biglaang pagdating ni Lucas. Tinignan niya ang hawak na bote ni Serin.
"Iyan ba ang lunas sa itim na apoy?" agad niya itong nilapitan. Napatingin naman si Serin sa hawak.
"Ah.. ano.. o-oo." balisa nitong tugon. "Bakit?"
Sa halip na sumagot, kinuha na lamang ni Lucas ang hawak ni Serin. Hindi niya muna alintana ang pagkikita nilang dalawa sapagkat mas mahalaga sa kanya ngayon ang kalagayan ng kanyang Ina.
"Lucas?" sinundan nito palabas ang ginoo na nagmamadali. "'Yung kanina, pasensya na sapagkat ako ay-"
"Huwag muna ngayon, Serin. Malubha si Ina." saka walang pasabi na tumakbo muli pabalik.
Nangungunot ang noo nito at napahinto. Pinagmamasdan ang likuran ni Lucas na lumalayo.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...