Natahimik ang buong hapag nang sabihin ni Ina iyon. Maski ako ay hindi makapaniwalang bubuksan niya ang tungkol doon. Ngunit normal na lamang para sa akin iyon dahil bukas na kami sa ganoon. Sumandal ako sa upuan ko. Ngunit nasapo ko ang noo at biglaang naging problemado na binuksan niya ang bagay na iyon at sa harap pa ng marami, ni Lucas.
Siya nga talaga ang aking Ina. Alam niya kung ano na ang nararamdaman ko. Ngayon. Batid niyang naninibugho ako sa aking nakikita kaya bigla, ganoon ang sinabi niya. Kinakabahan ako kahit alam kong normal lang na sambitin iyon ng Reyna. Gayong hindi naman na iyon lihim sapagkat marami nang ginoo mula sa iba't-ibang lupain ang lumapit sa palasyo upang ako'y suyuin.
Maliban dito sa Clavein.
"Kung ganoon, nagtakda na pala kayo ng makakalayon ng Prinsesa." hindi inaakalang sambit ni Heneral Brandon.
Tulad ng inaasahan. Lingid ito sa kanilang kaalaman.
"Mula noong humantong siya sa dalawampu't apat ay nagpasya na ang Hari. Nagtakda siya ng mga ginoo para kay Serin. Hindi ko nakita ang ginoong ito." tukoy niya kay Ysen.
"Hindi yata umabot dito sa Clavein ang malaking bagay na iyon, kamahalan." kunot noong sabi ni Ser Lumnus.
Halata namang hindi, dahil kung oo ay tiyak na kasama si ginoong Ysen sa mga napagpilian ko. At kung oo ay baka, nakita ko na si Lucas noon pa. Baka maging interesado siya at maki-isa sa mga ginoong pagpipilian ko. Iyon ay kung totoong interesado pa rin siya sa akin.
Tinignan ako ni Ina na nagsasabing magsalita ako. Ngumiti ako kalaunan ng pormal. Inunahan lang ako ni Eurron.
"Paumanhin, nagkaroon ng pribadong pag-uusap sa amin ng Hari. Nangako akong paglilingkuran ko na ang Prinsesa at hahayaan niya si Ysen dito sa Clavein upang pumalit sa iniwan kong posisyon. Kaya wala nang rason upang umabot pa dito ang tungkol sa paglalayon sa Prinsesa." mahabang litanya ni Eurron.
At alam ko ang tungkol doon. Hiningi pa ni Eurron ang pahintulot ko kung ihahatid ba ang balita dito sa Clavein ngunit sinabi kong huwag na.
"Bakit hindi mo ipinarating dito iyon? Hindi lang si Ysen ang ginoo dito sa Clavein." nagtatakang tanong ni Lady Khion kay Eurron.
"Sinunod ko lang ang kautusan ng aking kamahalan." ngisi ni Eurron habang nakatingin sa akin.
Inirapan ko siya.
Hindi naman ako umimik kahit na alam kong nais nila akong usisain. Bakit ako sasagot? Hindi ko utang sa kanila ang tungkol doon. Ngunit ganoon kalalim ang buntong hininga ko nang maalala ang sinabi sa akin ni Ama, na dapat ay pagbalik ko sa palasyo ay nakapagpasya na ako. Sumang-ayon siya na hindi ko iparating sa Clavein ang balita, kaya naiisip ko na nauuna sa akin ang pag-iisip ni Ama.
Alam niyang hindi talaga ako makakapili dahil ayaw ko talagang pumili. Kahit na maraming ginoo siyang ipinaharap sa akin ay alam niyang wala akong magugustuhan sa mga iyon. Imposibleng hindi niya alam kung sino ang nasa aking puso. Papunta pa lang ako ay pabalik na si Ama. Alam niyang makakarating ako dito sa Clavein at makikita ko na si Lucas. Kaya niya sinabi iyon bago ako lumisan sa palasyo.
Ramdam ko ang mabigat na titig na nakatudla sa akin. Sobrang diin ng kanyang tingin. Sinalubong ko ang kanyang mata. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman niya.
"Kung ganoon ay may nakalayon na sa iyo upang maging kabiyak?" si Ada Heshia na hindi halos nagtanong, sapagkat naramdaman ko ang mapait niyang konbiksyon.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...