"Serin, kumalma ka, iha. Kailangan mong kumalma." masugid ang pagpapatahan ni Diwani Eleanor kay Serin na hindi na nila makitaan ng senyales ng paghinto. Patuloy siya sa paghihinagpis gayong sirang-sira siya sa araw na inaakalang mabubuo siya.
"Tahan na, anak. Linawin mo ang iyong isip, pakiusap." nagsusumamong pakiusap pa ng Diwani na hindi siya magawang layuan.
Mula pa kanina ay nakasandal na sa kanya si Serin. Tila isang lantang gulay na namatay. Natutuyo at unti-unting natutumba. O marahil higit pa doon ang kalagayan niya sapagkat sadyang natuluyan na siyang nawalan ng lakas. Nagising siya sa isang teribleng bangungot. Hindi niya inasahan, kaya hindi napaghandaan ng buong loob ang reyalidad na isang yukayok.
"Diwani, s-si Heshia." tawag ni Kiana kay Diwani Eleanor. Iginiya nito ang paningin sa gitna ng bulwagan kung saan nakaratay ang katawan ni Heshia na walang malay.
Malalim ang natamo nitong sugat dahil sa pagsaksak ni Lucas. Ngayon, ang sugatang si Ser Lumnus ay kalong ang kanyang esposa. Pareho silang nakatamo ng pinsala mula mismo sa anak nila.
Namimighati si Ser Lumnus habang tinatapik nito ang pisngi ng asawa na animo'y ginigising.
Bumalik ang tingin ni Diwani Eleanor at Kiana kay Serin. Sobra itong nagdaramdam. Nakatulala na si Serin, tumahan na sa paghikbi ngunit tahimik pa rin ang lumilinyang luha sa kanyang pisngi. Kumaripas sa kanya si Kiana at hinawakan ang mukha niya. Lubha itong nag-aalala.
"Serin, tumahan ka na. Batid kong labis kang nagdaramdam. Subalit mas kailangan mong tumayo. Pakiusap, Serena, mas kailangan ka nila. Ang iyong Ama..." at nilingon ni Kiana ang direksyon ng Hari na inaasikaso ng Reyna. Nagkaroon ito ng malaking sugat dahil din kay Lucas, sa ilalim ng kontrol ni Gideon. "T-tignan mo si Heshia, o! Ang pangit niyang tignan. Napakalalim ng sugat niya!" bulalas pa ni Kiana sa harap ni Serin.
Ang blangkong mukha ni Serin ay tumingin sa buong bulwagan. Nakita niya ang lahat ng pinsala na nilikha ni Gideon. Umiinit ang kanyang loob nang makitang aligaga ang kanyang Ina na nilulunasan ang kanyang Ama. Katuwang si Diwani Sabrina at kapitan Moyu.
Samantalang si Lady Eowyn at Lady Lijhen ay siyang nababalisa dahil sa hindi yata magandang sitwasyon ni Heshia. Nanginginig ang labi ni Serin. Nagngingitngit siya at nanghihinang tumayo mula kay Diwani Eleanor.
"Ginawa ito ni Lucas." malamig niyang sambit. Kumuyom ang kanyang mga palad.
"Alam nating hindi siya si Lucas. Hindi ito gagawin ni Lucas, Serin." simpatyadong komento ng Diwani.
Pinahid ni Serin ang namamasang pisngi. Sobrang kalat na niya. Ito dapat ang pinakamasayang araw niya ngunit nauwi sa hindi inaasahang trahedya. Mas dumiin pa ang pagkuyom ng kanyang mga palad at sa isang iglap ay nawalis ang lahat ng emosyon sa kanyang mukha. Mabibigat ang bawat hakbang niya, tila nakapaloob roon ang mga damdamin niya.
Una niyang nilapitan ang kanyang Ama. Batid niyang nanonoot sa sakit ang sugat na likha ng itim na apoy ngunit ang kanyang Ama ay nagngingitngit lang upang indahin ang sakit. Magkagayunman, ang kanyang malakas at makapangyarihang Ama ay hindi maipagkakailang nanghihina dahil sa natamo.
Sa pagmulat nito'y agad na dumiretso ang tingin sa kanya. Doon ay mas sumiglaw ang pag-aalala ng Hari kaysa sa nararamdamang hapdi.
"Nasaktan ka ba, anak?" inuna pa nito na tanungin siya. Nauupos na umiling si Serin. "Patawad kung ganito ang kinahinatnan ng lahat."
Umiling ulit si Serin at lumuhod sa tabi nito. Katabi ang kanyang Inang Reyna na emosyonal at abalang-abala sa paglunas sa sugat ng asawa.
"Ako po ang patawarin ninyo. S-sapagkat kagagawan ko kung bakit... bumalik siya." nahudyatang muli ang luha ni Serin.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...