"Ayaw ko nang grandiyoso!"
Iyon agad ang angal ko nang makapag-usap kami ng masinsinan ng magulang. Gabi iyon at nagsasalo kami sa hapag nang buksan ni Ina ang tungkol sa nalalapit kong kaarawan. Kaya gaya nga ng inaasahan, bibigyan nila iyon ng malaking atensyon upang paghandaan. Ngunit sumalungat ako at ayaw ko ng kanilang plano. Hindi ko gusto ang ideya na mag-aabala ang lahat ng tauhan ng palasyo para lamang roon.
"Hayaan mo na. Piging lamang iyon." paunawa ni Ina. Bumagsak ang balikat ko at umiling.
"Ayaw ko po..."
Sa ganitong usapin ay si Ina lang ang naglalabas ng saloobin. Si Ama ay palaging tahimik ngunit nakikinig at nagmamasid. Magbibigay siya ng komento minsan kung kailangan, at kung siya ay binabalingan ni Ina.
"Ipagdiriwang natin ang iyong kaarawan, anak. Kaya't nararapat lamang na paghandaan iyon. Magdadaos tayo ng piging."
"Ina," patuloy ang pagtanggi ko. Luminya ang labi niya at pinilig ang ulo, "Payag naman po ako na magdiwang. Ngunit sana, iyong simple lang. Ordinaryong pagdiriwang lang po, hindi grandiyoso." nangungusap ko siyang tinignan.
"Pagbigyan mo na ako. Nais kong maging espesyal ang iyong kaarawan, Serin." mas nangungusap niyang wika at may paglalambing pang kasama.
"Mas espesyal po sa akin ang simple, Ina. Kaunting handaan lang at walang mga dekorasyon, walang panauhin kun'di ang malalapit sa akin." sa puntong iyon, gusto kong ako ang pakinggan niya.
Mahinhin niyang nahilot ang kanyang sentido bago siya sumandal sa kanyang upuan.
"Mahal.." tinawag siya ni Ama, tila lalong hindi naging maganda ang pinta ng mukha ni Ina. "Kung anong hiling niya ay pagbigyan mo na. Iyon ang nais niya sa kanyang kaarawan, bakit hindi natin hayaan?"
"Batid kong sasabihin mo 'yan. Mag-ama nga kayo." patutsada ni Ina at inirapan ang kanyang asawa.
Napanguso ako dahil sa tingin ko'y magdadamdam muli siya dahil nagkampihan ulit kami ni Ama. Nagkatinginan kami ni Ama, nakakunot ang noo niya ngunit sinenyasan ako na kausapin ko ulit si Ina. Bakit ako? Takot siyang masungitan ng Reyna?
Tumikhim ako at sinubukang kunin ang atensyon ni Ina. Nakahalukipkip siya at nakatagilid ang ulo. Bahagya nakasimangot.
"Ina.."
"Nais ko lang naman na magdiwang upang mapuna ang iyong mga nagdaang kaarawan na hindi ka namin nakasama. Gusto ko lang bumawi sa mga panahong iyon, Serin."
Iyon na ang kanyang katwiran na mahirap taliwasan. Sa matagal na panahong nasa puder ako ni Ina Eleanor, batid kong maraming nasayang para kay Ina. Tulad nalang ng mga ganitong bagay. Isa iyon sa hinahangad ng bawat Ina, hindi ba? Ang mabigyan ng magandang pagdiriwang ang kanilang anak.
Oo, ngunit ngayon ay tinatanggihan mo ang iyong Ina, Serin.
Napalobo ko ang pisngi ko kasabay ng pagbuga ng hangin. Tinignan ko ang mukha ni Ina na mayroon pa ring pagtatampo.
"Sige na nga ho..." usal ko. Mabilis na nagliwanag ang mukha niyang napakaganda. "Ngunit may kondisyon ako." agap ko.
Bahagyang nangunot ang noo niya ngunit nangingiti.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasíaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...