Lucas
Hindi ko alam kung bakit ayaw pa nilang makita ko siya. Gusto ko lang namang matiyak ang kalagayan niya. Oo sinabi nilang gising na siya ngunit gusto ko pa ring makita siya. Kailan ang tamang oras? Ano pang kailangan kong gawin upang maging sapat sa paningin nila?Nagpalipas pa ako. Binibilang ko ang takbo ng panahon. Isa, dalawa, tatlo, apat, at ngayon ang pang-limang buwan na hindi ko pa rin siya nasisilayan. Bumalik ulit ako sa palasyo. Ilang beses pa akong bumalik palasyo.
At kaunti nalang ay bibigay na ako. Kaunti nalang ay susuwayin ko na ang Hari at Reyna. Gustong-gusto ko na siyang makita. Kulang na kulang ako kung wala siya.
"Kamahalan, pakiusap, hayaan n'yo na akong makita siya. Pakiusap po." lumuhod ulit ako sa harap nila. Nagsusumamo ako ng husto.
At kung hindi pa nila ako pinahintulutan, buo na ang loob ko na sumuway. Kahit parusahan pa ako sa huli. Basta makita ko lang siya.
"Matigas ba talaga ang iyong ulo? Hindi mo siya makikita kahit na ilang ulit ka pang bumalik dito." duro sa akin ng Hari.
"Marcus.." dinig kong sabi ng Reyna. Nakayuko ako at sa gilid ng aking mata ay nilapitan niya ako. "Tumayo ka, ginoo." tulad nung unang lumuhod ako sa kanila ay hinawakan niya ako upang ipatayo.
Nagmatigas ako.
"Nagsusumamo ako, kamahalan. Kahit ilang minuto lang. O segundo, pagbigyan n'yo sana ako. Nagmamakaawa ako, kamahalan."
"Tumayo ka." utos niya ulit.
Sumunod ako. Napakatamlay ng Reyna sa bawat pagpunta ko dito. Palagi ring mugto ang kanyang mga mata at hindi ko na inusisa kung bakit.
"Nakikita ko ang labis mong pangungulila sa kanya, ikinatutuwa ko. Mahal mo nga siya." ngumiti siya ng banayad. Mabuti pa ang Reyna. "Subalit bibiguin ka naming muli. Hindi mo pa maaaring makita si Serin."
"B-bakit ho?"
"Sapagkat iyon ang aking pasya." malamig na buwelta ng Hari.
Umawang ang labi ko at aalma pa lang sana nang unahan ako ng Reyna.
"Sapagkat inaayos niya rin ang kanyang sarili." giit niya. Doon ako natigilan. "At hindi niya iyon magagawa kung makikita ka na niya. Dapat n'yo munang maunawaan, dapat muna kayong magtiis. Hindi kayo maaaring magsama kung mahina pa ang pareho ninyong damdamin." dagdag ng Reyna sa kanyang mungkahi.
Doon ay medyo nalinawan ako. Marahil, nagagalit din siya. Marahil ay nagsisisi din siya. Inaayos niya din ang kanyang sarili? Gusto kong samahan siya, upang magkatabi kaming mabuo. Kung hindi lang muling pinalo ng Hari ang dibdib ko.
"Bumalik ka sa Clavein. At ayaw ko munang makita ka sa aking palasyo. Babalik ka kung may hudyat na ako. At oras na sinuway mo, talagang hindi na kita hahayaang makita siya."
Paano maging katulad niya? Paano maging matatag at maigting tulad niya?
Lumabas akong bigo sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. Baon ko din ang banta sa akin ng Hari kaya tila natatakot na akong bumalik sa susunod. Hihintayin ko ang kanyang hudyat? Hanggang kailan?
Matamlay ako sa paglalakad. Umaasa na sana'y may makita akong Serin na naglalakad. Anong ginagawa niya ngayon? Paano niya inaayos ang kanyang sarili? Sabik na sabik na ako.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...