Kabanata 26

220 12 0
                                    

Bumuntong hininga ako. Muling humarap at tinignan si Ama, kapagkuwa'y saglit ko ring sinulyapan si Ser Lumnus bago lumandas ang mata kay Eurron. Sa kanya nagtagal ang tingin ko bago kunot noong bumalik kay Ama. Tulad ng yuswal, siyempre ay wala akong mabasa sa kanyang ekspresyon.

"Sa anong rason?" pinilit kong huwag ihalo sa tinig ang namumuong yamot.

"Aking kagustuhan." payak niyang tugon.

Kay ganda ng kanyang rason.

"At bakit? Hindi ko kayo maunawaan." nasisiphayong pumadyak ako sa sahig.

"Para sa iyong seguridad." kalmadong sabi niya at pinanuod kung paano ako mainis sa sahig ng kanyang palasyo.

"Para sa aking seguridad o para sa kasiguraduhang hindi ako makakatakas?" nagngitngit ako at nakipagtitigan sa kanya ng masama.

"Pareho." tipid niyang sagot.

Hindi ako makapaniwalang suminghal. Inis ko ring tinignan si Ser Lumnus. Nakatingin lang siya sa akin at tumango-tango. Nagtagis ako.

"Hindi ako tatakas!" gilalas ko na at tinignan si Ama. Dahil kung iyon ang dahilan niya ay hindi ko naman talaga gagawin. Masama lang ang loob ko sa kanila!

"Mainam." aniya na parang wala lang, "Babantayan ka niya para sa iyong seguridad."

Gigil na gigil akong napahilamos ng mukha at nagpapadyak sa sahig.

"Hindi ko kailangan ng bantay sapagkat kaya kong protektahan ang aking sarili!" nagngingitngit ko siyang hinarap.

"Bilang Prinsesa ng Alteria, kailangan mo ng personal na taga-pagbantay. Pinal iyon." mababa niyang usal at tinitigan ang nayayamot kong mukha. "Matagal ko na dapat itong ginawa subalit naging abala lang si Eurron sa Clavein."

Hindi maipinta ang mukha ko. "Nagsawa na ba si Ser Lumnus?" tanong ko, ngunit ang masama kong paningin ay na kay Ser Lumnus.

Luminya ang labi nito at kinamot ang kanyang sentido.

"Galit ka sa akin." sabi niya naman. Nanliit ang mga mata ko at suminghal. Buti alam niya.

Pinalis ko ang aking reaksyon at muling tinignan si Ama.

"Hindi ko siya lubos na kilala." giit ko. Kahit alam kong wala iyong laban sa kanya.

"Nagpakilala na siya, hindi ba?" sabi niya, nanunuya. Kumuyom ang mga palad ko. Nagngitngit pa ako.

Napaka-sarkastiko.

"May tiwala kayo sa kanya?" puno ng sarkasmo kong wika, kumunot naman ang noo niya.

"Hindi ko siya aatasang maging iyong personal na bantay kung wala akong tiwala sa kanya." Kung gaano ka-seryoso at ka-pormal ang kanyang ekspresyon at tindig ay nakakubli rin ang pagka-pilosopo at matalas na salita.

At hindi na rin ako nagtangkang tutulan iyon dahil kung matigas ang ulo ko ay mas matibay pa doon ang kanyang awtoridad. At kung minsan ay prangka ako ay mas prangka ang aking Ama.

"Sana ay hindi niya rin baliin ang iyong tiwala." ngisi ko na siyang lalong nagpadilim ng ekspresyon niya. Kapagkuwa'y pinalis ko ang pag-arko ng aking labi. "Huwag ninyong asahan na makakausap n'yo pa ako ng matino, kamahalan." asik ko. Yamot na yamot ako.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon