Sa kalagitnaan ng aking pagbabasa ay panay ang naririnig kong mga mabibigat na yabag mula sa labas. Mga nagmamadali at natataranta. Nagsisilbi iyong ingay kung kaya't hindi ko maituon ang aking atensiyon sa ginagawa. Kumunot ang noo ko at napailing.
"Ano na naman bang komusyon ang nagaganap?" hindi ko inalis ang atensiyon sa binabasa. Ngunit umaasa ako na sasagutin ako ng kawal na nasa entrada.
"Ang mga taga-silbi ho, kamahalan. Nagmamadali sila." anito nang nakayuko.
Gumalaw ang labi ko at sumulyap sa entrada. Alam ko na agad kung bakit natataranta na naman ang mga taga-silbing iyon. Kumurba ang labi ko at napailing.
Binalik ko ang atensiyon sa binabasa. Madalas nang mangyari ito at palagi kong naririnig ang mga hindi magkanda-ugagang kilos ng mga taga-silbi. Halos araw araw na yata. At tulad ng inaasahan, mayroon nang humihingi ng pahintulot upang pumasok sa aking pintuan.
"K-kamahalan, humihingi ako ng permiso." nakayukong anito na pinagbuksan ng aking kawal.
"Ano?" malamig kong usal nang hindi inaabala ang atensiyon sa pinagtutuonan.
"H-hinahanap po namin ang--"
"Wala dito." pinutol ko agad siya.
Gulat siyang napatingin sa akin, malamig ko siyang tinignan kaya agad itong yumukod upang iwasan ang aking mata. Nabasa ko ang intimidasyon na kanyang naramdaman.
"Paumanhin po, kamahalan. P-patawad kung ako'y nang-abala." nababalisa nitong sabi at yumukod pa ulit bago magmadaling lumabas.
Pinag-aaralan ko ang mapa ng lupaing Salydd at Peryvell. Sinisiyasat ko ng maigi kung ano pa ang hindi ko alam sa pagitan ng dalawang lupain. Mayroong nakatayong pamantasan sa hangganan ng dalawa na tinatawag na Finara. Isa iyong pamantasan na para lamang sa mga babae.
Maganda ang daloy ng pamantayan sa pamantasang ito dahil napagtutuonan ang kakayahan ng mga kababaihan. Hindi sila naikukumpara sa mga lalaki kaya maganda ang kalidad ng kakayahan ng mga nagtatapos dito.
Minsan kong tinanong ang Reyna dulot ng aking kuryosidad kung dito rin ba sila nag-aral ni Ada Eowyn. Ngunit sinabi niyang hindi. Sapagkat hindi sila kailanman pumasok sa isang pamantasan.
Si Lady Caelia ang siyang tanging guro nilang dalawa. Sapagkat noon daw ay ayaw ni Lolo na lumalabas sila sa kastilyo ng Peryvell dahil sa kanilang kondisyon. Kaya lumaki silang inosente at hindi masyadong mulat sa panlabas na mundo. Nagbago lang ang lahat nang mapadpad na sila dito sa palasyo.
Naabala muli ako nang may humingi ulit ng pahintulot upang pumasok. Isa sa personal na taga-silbi ni Ina.
"Mahal na Prinsesa, inatasan ho ako ng Reyna na ipatawag kayo. I-ipinararating niya na sana'y dumalo kayo agad." magalang nitong ulat.
Nahimas ko ang aking sentido.
"Sabihin mong susunod na ako." buntong hininga ko.
"Masusunod po."
Luminya ang labi ko at napasandal sa aking upuan. Tinignan ko ang mga ulat na nagpatong-patong sa aking mesa. Napakarami kong natanggap na ulat, mga reklamo at mga problema sa araw lang na ito. Ang iba ay nabigyan ko na ng solusyon at nakakarating naman sa akin oras na naresolba na ang mga iyon ayon sa aking kautusan.
Hindi madaling umayos ng problema ngunit ako'y nasasanay na. Nahilot ko pa ang aking noo at inabot ang aking tasa. Sinasalinan ko ito ng mainit na tsaa nang pumasok si Ada.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...