Kabanata 73

301 10 2
                                    

Naging malalim na ang gabi at natapos na rin ang piging sa loob ng kastilyo. Inubos namin ni Lucas ang mga oras na nagdaan nang magkasama. Mula noon ay hindi niya ako pinakawalan sa kanyang yakap. Hindi namin inintindi ang lamig dahil mainit kami sa isa't-isa. Hindi rin namin inintindi ang mga tao basta kami ay magkasama.

"Kailan kayo babalik sa palasyo?" tanong niya habang nakasalampak sa sahig ng pabilyon, at ako'y nasa pagitan ng kanyang mga hita at nakasandal sa kanya.

"Sa susunod na araw." nanghihinang sabi ko. Inaantok na ako ngunit ayaw kong pakawalan ang pagkakataong ito.

"Sumama ka sa akin bukas. Ipapakita ko sa iyo ang kastilyo."

Napapikit ako. Nakadagdag sa antok ko ang marahuyo niyang paghaplos sa aking buhok. Ginawa kong unan ang kanyang dibdib, at kama ang kanyang katawan. Nakapatong sa akin ang pang-ibabaw niyang tunika.

"Gusto ko ito..." bulong ko, "Komportable."

"Ako?"

Tumango ako at nalalasing na nagmulat. Nakangiti siya.

"Gawin mo akong pahingahan, hindi ako aalma." balik niyang bulong at pinatakan ng halik ang aking mata.

Higit ka pa sa isang pahingahan. Ikaw ang aking kanlungan. Hindi ko na iyon isinatinig pa. Ramdam ko ang titig niya kahit nakapikit pa ako. Kung maaari lang na ganito na kami buong magdamag. Nagnanais ang katawan ko na makatabi at makayakap siya buong gabi.

Nangulila ako ng labis sa kanya. Sa mga yakap, halik at paghaplos niya. Hinahanap hanap ko ito sa mga panahong lumipas. At ngayong muli kong naramdaman, tila ayaw ko nang humiwalay pa.

Naramdaman ko ang malalim niyang paghinga. Nakarinig din ako ng nang-aabalang tikhim na batid kong hindi nagmula sa kanya.

Nagmulat ako at tinignan ang taong nasa ibaba ng pabilyon.

"Kailangan n'yo nang pumasok sa loob. Lalo ka na, Prinsesa." si Ser Lumnus.

Alam kong alam nila na narito kami ni Lucas kanina pa. Sinadya yata nila na hayaan kaming dalawa at hindi sila umabala. Ngunit ngayon ay lumalalim na ang gabi, kaya pumasok sa isip ko na naghihintay sila.

Hindi ako nagsalita at matamlay lang na lumayo kay Lucas. Sumunod siya at inalalayan ako sa pagtayo. Inayos ko ang aking sarili at binalik ang aking pormal na tindig. Samantalang inayos niya din ang pagkabalot sa akin ng kanyang tunika.

"Nais mong buhatin kita?"

"Kaya kong maglakad." mabilis kong sabi.

Naglapat ang mga labi niya at kumamot sa batok na tumango.

"Hayaan mong alalayan nalang kita, kung ganoon." at hinawak niya sa likod ko ang isa niyang kamay. Malapit lapit na iyon sa aking pang-upo.

Malamig ko siyang tinignan, umawang ang kanyang labi.

"Opurtunista ka." saring ko sa kanya.

Ngumuso siya at kalauna'y ngumiti.

"Mahal lang kita." balik niya kaya umismid ako.

Tumunog ulit ang pagtikhim ni Ser Lumnus na nakaiwas ang tingin sa amin. Sabay namin siyang tinignan ni Lucas. Bumuntong hininga siya at pilit na ngumiti. Napakamot siya sa kanyang noo.

"Ayaw kong mang-abala, subalit--"

"Ginawa n'yo na." malamig kong sumbat.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon