Ang katotohang nahuli ako sa hapag ay aking isinawalang bahala. Yumukod lamang ako sa kanila bago umupo at hindi sila tinapunan ng tingin. Tahimik kong pinanuod ang taga-silbi na naglalagay ng pagkain sa aking plato. Tapos na iyong gawin ngunit nanatili akong nakamasid dito. Wala akong ganang kumain.
Sa halip ay dinampot ko ang basong may lamang inumin at nilagok ang lahat ng laman niyon. Hindi ko maiwasang tignan ang pulso ko. Isa nga lang iyong kasuklam-suklam na panaginip. Dinampot ko ang kubyertos ngunit pinaglaruan ko lamang ito sa aking daliri.
"Hindi mo ikabubusog ang pagtitig sa pagkain."
Natigil ako sa ginagawang pag-ikot ng panghiwa.
Bumuntong hininga ako at hiniwa sa maliliit na piraso ang karne. Natapos ko nang gawin iyon ngunit hindi ko talaga kinain at paulit-ulit na tinutusok.
"Serin.."
Muli kong dinampot ang baso at pinuno iyon bago inumin. Pakiramdam ko'y nanunuyo ang aking lalamunan. Napapikit ako at sumandal sa upuan.
Nang magmulat ay tinignan ko sila. Mataman ding nakatingin sa akin ang kanilang maharlikang mata.
"Pasensya na po, hindi ako nagugutom." saad ko. Pinaglaruan ko sa mesa ang baso.
"Anong nangyari?" tanong ng Hari na ikinahinto ko sa aking ginagawa. Napailing lamang ako at pilit na ngumiti.
"Wala po."
"Alam mo sa iyong sarili na mayroon." Ang Reyna na bahagyang inihilig ang sarili upang matitigan ako. "Bakit ka umiyak?"
Nag-angat ako ng tingin at gumawi sa mga nakahilerang taga-silbi ang aking mga mata. Inisa-isa ko silang tinignan hanggang sa mahagip ang dalawang mukha na kanina lamang ay pumasok sa aking silid. Napayuko sila nang tignan ko sila.
"Maliit na bagay lang po iyon, hindi kailangan ng atensyon." tahimik kong tugon.
"Ngunit ang pagkaripas ng takbo tungo sa hyqre. Marahil ay may paliwanag ang bagay na iyon?"
Napabuntong hininga nalang ako. Bakit ba lahat ay alam nila? Hindi ko naman masasabi na nagkaroon ako ng nakakapanindig balahibong panaginip. Na nakaharap ko si Gideon na muntik na akong..
"Gusto ko lang pong mahimasmasan." nababagot kong sagot dahil batid kong hindi sila titigil na usisain ako. Ngunit nanatili silang nakatingin sa akin na tila ba binabasa kung totoo ba ang sinasabi ko.
"Hindi ka mahusay magsinungaling, Arden." Ang malalim na boses ng Hari ang pumutol sa kompiyansa ko sa sarili na ako'y makakaligtas na sa kanilang panunuri. "Batid kong hindi ka pa rin nahihimasmasan dahil sa iyong kinikilos." dagdag pa nito.
"Huwag niyo nalang po akong panisinin. Kulang lang ako sa tulog." Napahawak ako sa pisngi ko. Bakit nakakaramdam ako ng hapdi? Pakiramdam ko'y may sumampal sa mukha ko.
"May lamat ang iyong pisngi."
Bahagya akong nagulat sa sinabi ng Reyna. Lamat? Nagawi ang tingin ko sa makinang na baso. Nakikita ko nga sa repleksyon ko ang pamumula ng kaliwang pisngi ko.
"Ano ba talagang nangyayari sa 'yo, Serin?"
Napatingin ako sa kanya. Mababanaagan ng kuryosidad at pag-aalala ang kanyang mayuming mukha.
Kagabi. Nakaramdam nga ako ng puwersang tumama sa aking pisngi. Pagkatapos niyon ay nawalan na ako ng malay. Napahawak ako sa dibdib ko nang maramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Kung ganoon, t-totoo ba ang mga nangyari?
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...