Kinabukasan ay ang nakatakda kong paglabas muli ng palasyo. Nagbihis ako ng normal na kasuotan. Isang kulay berdeng tunika at itim na pantalon na inipit ko sa aking bota. Nagpatong din ako ng balabal upang magkaroon ako ng saklob, at upang maitago ko ang aking mukha. Hinayaan ko ang aking buhok na nakaipit ang kalahati at ang kalahati ay bumabagsak sa aking likod.
Nang maayos ang sarili ay lumabas na ako sa aking silid. Hindi na ako magpapaalam sa Hari at Reyna sapagkat batid naman nila na aalis ako. Subalit noong dumating ako sa kuwadra ng mga kabayo, ay ikinagulat ko ang aking nadatnan.
Nanlalaki ang mga mata kong napatitig sa imahe na nasa harap. Nais kong tiyakin kung tunay na ang Hari ay nagpapaamo ng isang ordinaryong kabayo. At hindi lamang iyon, sapagkat nakasuot din siya ng pangkaraniwang damit!
"K-kamahalan?" nag-aalangan kong tawag.
Nakatalikod siya sa akin. Subalit batid ko na siya ito dahil siya lang naman ang lalaking nagtataglay ng matingkad na ginintuang buhok. At maging ang kanyang matikas na tindig ay kilala ko.
Humarap siya sa akin at nalaglag ang aking panga. Siya nga! Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa, at wala akong ibang masabi kun'di tunay siyang maharlika kahit nakasuot ng ordinaryong kamiseta. Nangingibabaw ang kanyang kagandahang lalaki kahit pa magsuot siya ng pampulubi!
"Bakit ho.. ganyan ang inyong suot?"
Binalik niya ang atensyon sa kabayo. Umangat ang isang kilay ko at naglakad patungo sa harap niya upang matignan ng mabuti ang kanyang hitsura.
"Tumititig na tila napakadungis ko, Arden." malamig niyang buwelta.
Napailing ako at hindi pa din makapaniwalang nakaayos siya ng ganito. Isa pa ay nakabagsak ang kanyang buhok na tumutusok sa kanyang matatalim na mata. Palagi itong malinis na nakahagod kaya napakalaki ng aking paninibago. Nagmumukha siyang binata!
Kung may makakakita sa kanyang iba, ay tiyak kong papantasyahin siya! Lalo't kulay puti ang suot niyang kamiseta kaya't nahahalata sa ilalim niyon ang matikas niyang pangangatawan. Ibang-iba ang kanyang hitsura, at aaminin ko na higit siyang makisig sa simple at ordinaryo.
"N-naninibago lamang ho ako. Bakit ba kayo nakaporma ng ganito?" lahad ko sa kanyang kabuuan.
"Hindi ka namin hahayaang magtungo sa lungsod nang nag-iisa. Aalis tayo." malalim ang kanyang tinig at iyon lamang ang hindi nagbago sa kanyang personalidad.
"Subalit.." Hindi ko pa man natatapos ang gulat ko na sasama siya sa akin sa lungsod ay nadagdagan pa.
"Kamahalan, isuot niyo na po ang inyong roba bago sumakay sa kabayo."
Bumagsak ng tuluyan ang aking panga nang matanaw pa ang Reyna na pasulong. At katulad ng Hari, nakasuot siya ng ordinaryo! Ang suot niya'y isang hapit na bestida na hanggang tuhod ang haba na sinundan din ng puting bota na umaangat hanggang tuhod. Ang mala-perlas na kutis ni Ina ay tumitingkad na tila ba ngayon lamang siya naarawan.
Mahabaging langit.
Ang Hari at Reyna ng Alteria ay hindi maipagkakailang maringal at maluwalhati ano man ang kanilang kasuotang pinili.
"A-ano ang ibig sabihin nito. Mahal na Reyna?" nangunot ang aking noo ngunit higit ang paghanga.
Maningning na ngumiti ang Reyna na tila isang binibini sapagkat talagang umiigpaw ang kanyang kariktan. Ang kanyang mahabang ginintuang buhok ay maayos na nakatrintas at namamahinga sa kanyang kaliwang balikat. Kumikislap ang mga esmeraldang mata at tumitingkad maging ang mga labi ni Ina. May dalawang taga-silbi ang nakasunod sa kanya.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...