Lucas Cauveron
Ginusto ko nang mamatay. Wala akong ibang ginusto kun'di ang maglaho. Labis ang aking pagsumamo na sana'y tuluyan na akong nilamon ng puting apoy noong gabing iyon. Sana'y hindi na ako nabuhay, sana'y hindi na ako nagising. Bigong bigo ako sa aking sarili. Tinangay ng hangin ang aking pag-asa. Naglaho na parang bula ang aking pinakaaasam na magandang kinabukasan kasama siya.Pinigilan ko, mula noong nagising ako dulot ng pag-atake ni Zanard ay nagising akong mabigat ang loob. Sapagkat alam ko na pinasok ako ng madilim na anino. Pinigilan ko, sa lahat ng paraan na maaari ay pinigilan ko na siya ay mangibabaw sa aking pagkatao.
Subalit napakalakas niya. Nagtagal akong nahaharang siya, ngunit sadyang may pagkakataon na pumapalag siya. At higit kong kinamumuhian na umusbong siya at nalupig ako sa sarili kong katawan. At sadyang naganap pa noong kanyang kaarawan.
Doon na nagsindi ang mitsa ng aking walang humpay na pagsisisi. Ayaw ko siyang saktan, ayaw ko siyang hatiran ng pagdurusa sapagkat saksi ako sa mga lumipas niyang kaarawan na palagi nalang siyang nasasaktan. Ngunit hindi ko akalaing isa ako sa magiging rason ng higit niyang pagtangis. Sinira ko siya noong araw ng kanyang kapanganakan. Sinaktan ko siya noong araw na kanyang pinakaaasam.
Wala akong kuwenta.
Akala ko'y namatay na ako matapos ipalulon sa akin ng Hari ang puting pulseras. Walang kapantay na sakit ang aking dinanas, sumuko na ako noon. Bumigay na ang aking katawan. Alam ko ay iyon na ang aking katapusan. Tinanggap ko na, sapagkat iyon din ang gusto ko gayong wala nang saysay pa ang mabuhay sapagkat sinaktan ko siya.
Sinaksak ko siya sa alam kong kahinaan niya. Nakita kong sumargo ang dugo sa kanyang bibig at dibdib nang sandaling ibaon ko sa kanya ang punyal. Hindi ako ang may kontrol sa katawan ko subalit nakita ko pa rin iyon. At katawan ko pa rin ang sumaksak sa kanya.
Wala akong kuwenta. Napakahina ko at hindi ko siya nagawang protektahan. Bagkus ay ako pa ang nanakit sa kanya.
Subalit hindi ko alam na mabubuhay pa ako. Nagmulat ako at sobrang hina ng katawan ko. Tila ako'y lantang gulay na malapit nang mawalan ng buhay. Hindi ko magalaw ang aking katawan ngunit nakakakita ako. Humihinga ako. Kaya nagalit ako.
Galit na galit ako dahil nabuhay pa ako.
"Anak, Lucas, anak." tumapat sa mukha ko ang mukha ni Ina.
Isa pang dahilan kung bakit ayaw ko nang mabuhay pa. Sapagkat sinaktan ko rin siya. Tinarakan ko rin siya ng punyal na kaparehong itinarak ko sa dibdib ni Serin!
"Aah!!" wala akong ibang magawa kun'di sumigaw sa galit. Galit na galit ako sa aking sarili.
Mahina ang katawan ko. Hindi ko maramdaman. Namamanhid. Ngunit matindi ang bugso ng loob ko dahil sa mga ala-ala ng aking mga nagawang kahangalan. Higit pa iyon sa isang unos. Naiipon sa dibdib ko ang aking ngalit sa sarili.
"Kumalma ka, anak." boses ni Ama na kapareho na nag-aalala.
Patuloy ako sa paghiyaw. Gustong-gusto ko nang saktan ang sarili ko. Dapat hindi na ako nabuhay. Marami akong nasaktan, si Gideon man ang may kontrol sa aking katawan ay alam ko pa rin. Sapagkat naiwan iyon sa aking ala-ala. Kung paano ko sila sinaktan isa-isa.
"Patayin n'yo na ako!" palahaw ko at kumawag kawag sa aking kinahihigaan.
Panaka-naka kong naikukuyom ang mga kamao. Nagngitngit ako at mainit ang aking mga mata. Ang pagsisisi, galit, hinagpis at walang humpay na pagdurusa ay naiipon. Narito lang sa dibdib ko. Pinahihirapan ako at bumubulong sa akin na mahina akong tao. Wala akong kuwenta.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...