"Hindi." pirmi kong sabi. Iniwas ko ang tingin kay Lucas at bahagyang nangunot ang aking noo. "Mangyayari iyon pagkatapos sa Banelor." malamig kong dagdag at dumampot ng tasa.
"Bakit hindi? Sa palagay ko'y magandang pagkakataon iyon." ani Ser Lumnus.
"Marami pong araw na maaari." tanging sabi ko.
Napatingin ako sa Reyna, nakita ko kung paano siya lumamya sa pasya ko. Alam naman nila ang rason ko. Hindi na ako nagdiriwang ng kaarawan mula noon. Kahit anong pilit nila na idaos ito, ayaw ko. Mas gusto ko itong ordinaryong araw lang sapagkat dumadaan din ang araw na ordinaryo.
Walang nangyayaring masama, walang nagaganap na hindi kaaya-aya. Hindi katulad ng mga lumipas kong kaarawan, palaging nasisira...
"Sa araw nalang na iyon. Gusto kong pumayag ka." ang marahuyong boses ni Lucas at titig na titig sa akin.
"Maraming araw, bakit iyon pa?"
"At bakit hindi?" balik niya.
"Ayaw kong itugma ang kaarawan ko sa paggunita sa palasyo." mahinahon kong sabi.
"Magandang pagkakataon iyon, Serin. Doon ka na magdiriwang--"
"Hindi ako nagdiriwang ng kaarawan." mariin kong sabi upang maputol na ito.
Nagulat siya. Napatitig siya sa akin. Bumuntong hininga ako upang kalmahin ang sarili. Para siyang nanghina nang sabihin ko iyon. Malamang alam na niya kung ano ang aking rason. Hindi naman na mahirap alamin iyon gayong.. alam niya lahat ng nagaganap sa mga lumipas kong kaarawan.
Tumahimik siya matapos iyon. Hindi niya ginagalaw ang pagkain at tulala siya roon. Nakaramdam ako ng pagsisisi. Dapat pala ay hindi ko na sinabi iyon dahil may epekto din sa kanya.
"Kung gano'y huwag nating ipagdiwang ang iyong kaarawan. Kun'di paggunita lang sa palasyo." bigla niyang sabi.
Napabuga ako ng hangin. Bakit ba ipinagpipilitan niya ang araw na iyon? Ang paggunita sa palasyo ay isa pa ring piging kaya masasama at masasama roon ang kaarawan ko. Walang pinagkaiba, parang nagdiwang pa rin ako.
"Maaaring sa araw matapos iyon--"
"Pagbigyan mo na si Lucas." pinutol ng aking Inang Reyna ang linya ko. "Huwag mo nang pag-isipan ng masama ang araw na iyon, Serin." dugtong niya.
Tinignan ko si Ina Eleanor, ngumiti siya at tumango bilang pagsang-ayon sa Reyna.
"Isa lamang iyong paggunita, isipin mo na iyon ang handog sa iyo ni Lucas." si Ina Eleanor.
Nanlambot ako sa sinabi niya. Napatingin ako kay Lucas na naabutan kong nakatingin kay Ama. Saka niya ako tinignan at nginitian. Medyo matagal pa naman ang araw na iyon. Kung tutuusin ay mauuna pa ang kaarawan niya bago 'yung akin. Isusuhestiyon ko sana na doon nalang, kaya lang ay ayaw ko nang mapahaba ang usapan. Lahat sila ay tila sang-ayon sa ideya ni Lucas.
Hindi rin naman siguro masama kung pagbibigyan ko siya. Kahit na nakakaramdam ako ng takot, dahil ayaw kong mapanatag tuwing sumasapit ang aking kaarawan. Lalo na nung huli akong nagdiwang, siya ang rason kung bakit nasira iyong inaasahan kong maligayang kaarawan. Hindi niya kasalanan iyon, alam ko. Ngunit siya ang ginamit upang masira ako.
Kinamumuhian ko iyon. Sa lahat ng dinanas ko, 'yung nangyari sa kanya ang pinakasusuklaman ko. Dapat ay wala na akong ikabahala ngayon, wala nang rason upang ako'y mabahala. Wala na ng tuluyan ang mga Tervion... si Gideon. Wala na ring kinahaharap na suliranin o hidwaan ang aming kaharian. Mapayapa na.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...