Kabanata 48

255 11 0
                                    

"Halika na."

Tumango ako. Nakita kong kinalas ni Ser Lumnus ang isang kabayo sa karwahe at doon siya sumakay. May isang kawal na ngayon ang magmamanipula ng karwahe pabalik ng palasyo. Nilapitan ko na si Puti.

"Si Ada pala ang nagbigay ng pangalan sa Pegasus na ito?" bigla ay sinambit ko. Nginitian ko siya nang mapalingon sa akin. "Sinabi sa akin ni Ada. Kaya malapit din siya kay Puti." giit ko pa nang himas-himasin ang leeg ni Puti.

"Matabil ang kanyang dila. Hindi na ako magtataka kung marami na siyang naihayag sa iyo." buntong hiningang aniya. Natawa naman ako.

"Marami na nga ho. Marami na akong alam." nakangiti ako at kinindatan siya, ginagaya ang kaugalian ni Ada.

Natawa siya at napailing. Nasa himpapawid na kami at katabi ko lang siya kaya malinaw ang pagpapalitan namin ng salita.

"Tulad ng alin?" tinanong talaga niya.

Nakagat ko ang labi at nag-isip ng pinakamagandang kaalaman na ibinahagi sa akin ni Ada. Pumitik ako sa hangin nang magliwanag ang aking isip. Hindi ko maiwasang ngumisi nang tignan siya, nakangiti din naman siya at mukhang naghihintay ng aking sasabihin.

"Pinaglihi niya si Lucas...." nakagat ko ang labi at pigil na pigil ang bumulahaw sa pagtawa dahil sa nasaksihan kong reaksyon niya. Hindi ko pa nga nasasabi ang kabuuan. "Hindi sa iyo kun'di.."

"Sadyang wala siyang pinalampas." nasisiphayong hinilot niya ang noo. Natawa ako ng tuluyan sa reaksyon niya. "Subalit hindi ko naman dinaramdam iyon. Mas nanaisin ko nang sa kanya pinaglihi si Lucas sa halip na siya ang naging Ama ni Lucas."

Ganoon na lamang ang pamimilog ng aking mga mata.

"Ser Lumnus!" hindi ko talaga napigilan na bulyawan siya. Tumatayo ang mga balahibo ko sa kanyang biro. Batid kong biro lang naman talaga iyon ngunit parang gusto ko nang maiyak.

Siya naman ay tinatawanan lang ako. Hindi ba siya apektado sa kanyang sinabi? Mas matabil pa yata siya kay Ada Heshia. Bukas naman ang isip ko ngunit.... hindi maganda sa pandinig!

"Batid mong nagbibiro lamang ako, hindi ba?" nakangiti lang siya nang tumingin sa akin.

"Batid ko. Subalit... Ser Lumnus, naman. Huwag iyong ganoon. Hindi ko.. hindi ko maatim." ngumiwi ako at tinawanan niyang muli.

"Walang sino man ang nagkagusto sa biro kong iyon. Nang sambitin ko kay Heshia, sinapak niya ako. Nang sambitin ko sa iyong Ama, muntik niya akong paalisin sa palasyo." natatawa siya sa lagay na 'yan at parang wala lang.

Napailing nalang ako. Bagay na bagay talaga sila ni Ada Heshia sa isa't-isa. Hindi sila nalalayo ng personalidad sa tuwing nagbibiro.

"Kalimutan mo na iyon. Biro lamang at baka damdamin mo pa." aniya. Ngumuso naman ako. "Maiba ako, bakit patuloy mo akong tinatawag na Ser Lumnus gayong ang tawag mo kay Heshia ay Ada?" pag-iiba niya ng usapan. Mainam na rin upang mabaling sa ibang bagay ang aking isipan.

"Nakasanayan ko na ho. Lumaki ako sa katawagang iyon sa iyo."

"Subalit hindi patas iyon. Dapat noong sandaling tinawag mong Ada si Heshia ay tinawag mo na rin akong Hama."

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon