"Mga hangal!"
Lumingon silang lahat sa pinanggalingan ng boses na iyon, sabay sabay na nanlaki ang mga mata nang makita ang matingkad na gintong mata ni Serin habang hawak ang Meihr na ngayon ay tumagos na sa katawan ng isang kasamahan. Hinugot iyon ni Serin kaya dinig na dinig ang paglagapak ng katawan ng kanyang sinaksak.
"Hinanap ninyo ang inyong kamatayan!" ang mahinahon niyang boses ay galit na galit.
"S-Serin..." nabuhay ang pag-asa sa mga mata ng Reyna. Lumuluhang pinanuod kung paano kitilin ni Serin ang bawat taong pumalibot sa kanya.
Nag-aalab ang mga ginto nitong mata, nanlalaban ang mga estranghero gamit ang kanya-kanyang espada. Ngunit ang lahat ng iyon ay walang binatbat sa makapangyarihang espada ng Arden.
Sa labis na galaiti ay wala siyang pinalampas, kumalat ang dugo sa sahig. Ang iba ay halos lumuwa na ang laman loob dahil sa labis na talim at kapangyarihan ng Meihr, idagdag pa ang galit ni Serin. Ang mga dugo ay nagsitalsikan sa kanya ganoon na rin sa Reyna.
Napatingin siya sa madilim na parte ng pintuan, napatay na niya ang lahat ngunit gamit ang gintong mata ay malinaw pa sa kanya. Nagngitngit na hinila niya ang Ina patayo at pinasok ang loob ng pinto.
"Serin.." nag-aalalang pagtawag sa kanya ng Reyna.
Wala itong makita sa loob, ngunit malinaw sa kanyang pandinig ang bawat kalansing ng espada at pagdaing ng iba't-ibang boses mula doon.
Nagulantang ang Reyna nang marahas na tumilapon sa labas ang isa pang manloloob, nakita niya si Serin na lumabas na rin mula doon. Pinaglaho niya ang hawak na Meihr at marahas na hinablot ang taong hinagis niya, duguan ngunit humihinga pa.
Ngayon, ang pangamba ng Reyna ay hindi na para sa sariling kaligtasan kun'di sa nasisilayang bagsik sa mga mata ng anak. Galit na galit ito, batid niya iyon.
"Sino kayo?" marahas niyang hinablot ang nakabalot sa mukha nito, bumulaga ang mukha ng isang lalaki.
Nanghihina at isang suntok ay tila mawawalan na ng buhay. Ngunit sa kabila niyon ay nagawa pa nitong ngisian ang Arden.
"Kami ang kikitil sa inyo." saka ito tumingin sa Reyna. Nagtiim bagang si Serin.
"Bakit ninyo kami pinagtangkaan?" tanong ulit niya kahit na alam niyang wala siyang mahihitang sagot.
"Upang patayin kayo." ngisi ulit nito sa kanya.
"Serin, anak..."
Hindi magawang lapitan ni Reyna Katherin si Serin lalo pa't naglalagablab na ang puting apoy sa kanya. Bumulahaw sa tahimik na kastilyo ang nasasaktan at unti-unting tinutupok ng puting apoy na lalaki. Napatakip sa bibig ang Reyna dahil sa nakikita, ginagawang abo ni Serin ang taong iyon.
"Serin, tama na!" hindi niya akalaing aabot sa ganito ang lupit ni Serin.
Tandang-tanda pa ng Reyna ang lahat sa kanyang nakaraan. Hindi ito ang unang beses na nakakita siya ng taong inaabo. Sapagkat makailang ulit nang ginawa ni Haring Marcus ang kaparehong bagay noong araw dahil sa kaparehong dahilan. Ang iligtas siya. Hindi niya akalaing masasalin kay Serin ang lupit ng kanyang kabiyak.
"Tama na, anak. Pakiusap.." sumalampak sa sahig ang Reyna at ayaw nang masaksihan iyon.
Ang palahaw ng lalaki ang siyang gumising sa lahat, dahil sa sobrang tahimik ng palasyo ay umalingawngaw iyon sa kabuuan. Hanggang sa huling parte ng katawan na natupok ay parang naroon pa rin ang hirap na pinagdaanan ng lalaki.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...